Kasong ‘terrorism financing’ vs 2 peryodista, dapat ibasura
Kinondena ng mga grupo ang panibagong atake sa malayang pamamahayag, partikular sa paggamit ng mga batas kontra-terorismo para patahimikin ang mga peryodista.

Kinalampag ng mga mamamahayag at tanggol-karapatan ang Department of Justice sa Maynila dahil sa patuloy na mga atake ng mga elemento ng estado sa kanilang mga kasamahang community journalist sa isang kilos-protesta nitong Peb. 7.
Iginiit nila ang paglaya ni Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista na limang taon nang nakabilanggo sa Tacloban City at ang pagbabasura sa kasong “terrorism financing” kina Cumpio at Deo Montesclaros, staff ng Pinoy Weekly.
“Tulad ng website blocking laban sa Bulatlat at Pinoy Weekly, malinaw na ang paggamit ng estado sa mga patakarang kontra-terorismo’y pamamaraan para pigilan ang pagpapalaganap ng mga pundamental na katotohanan sa kondisyon ng bansa,” pahayag ng Altermidya Network sa wikang Ingles.
Noong Peb. 7, 2020, nireyd ng mga pulis ang opisina ng Eastern Vista, kung saan executive director si Cumpio, sa Tacloban City, nagtanim ng mga armas at inaresto ang limang katao.
Kasama ni Cumpio na dinampot sina Marielle Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, Alexander Abinguna ng Karapatan-Eastern VIsayas, Mira Legion na dating lider-estudyante sa University of the Philippines Tacloban at Marissa Cabaljao ng People’s Surge.
Nananatiling nakapiit sina Cumpio, Domequil at Abinguna habang nakapagpiyansa naman sina Legion at Cabaljao.
Samantala, nakatanggap ng ulat ang Pinoy Weekly noong Ene. 29 na pinararatangan ng “terrorism financing” ang environmental activist at photojournalist na si Montesclaros kasama ang apat pang aktibista sa Cagayan Valley.
Naging contributor ng Northern Dispatch mula 2027 at naging correspondent ng Pinoy Weekly mula 2021 si Montesclaros. Madalas laman ng kanyang mga ulat ang mga isyung pangkalikasan tulad ng pagmimina at iba pang mapanirang proyekto sa bulubundukin ng Sierra Madre.
Kinondena ng Altermidya Network at National Union of Journalists of the Philippines ang panibagong atake sa malayang pamamahayag, partikular sa paggamit ng mga batas kontra-terorismo para patahimikin ang mga peryodista at pigilan ang malayang pag-uulat sa kalagayan ng mga komunidad na apektado ng agresyong pangkaunlaran. /May ulat mula kay Zedrich Xylak Madrid