Tungkol sa pambansang badyet sa 2025
Kung susuriin natin ang national budget para sa 2025, makikita natin na umabot ito sa P6.33 trilyon. Mas mataas ito ng 10% kaysa sa pambansang badyet noong 2024.

Sa 2025 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Dis. 30, 2024, hindi niya inalintana ang badyet na hinihingi ng Department of Education (DepEd).
Binabanggit ng ating Saligang Batas na dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas. Ito ang dahilan kung bakit pinasok ng DepEd ang computerization para lalong mapabuti ang kanilang serbisyo sa kabataan. Kasama na rito ang pagkukumpuni o pagtatayo ng mga silid-aralan.
Ngunit ngayong 2025, nabawasan ang badyet ng DepEd ng mahigit P10 bilyon. Ano na kaya ang mangyayari sa mga proyekto ng DepEd dahil sa malaking tapyas sa badyet ng ahensiya?
Ganoon din ang nangyari sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Mahigit 180 na proyekto ng DPWH ang hindi na matutuloy dahil sa pag-veto ni Marcos Jr. sa ilang bahagi ng badyet.
Kasama sa mga proyektong ito ang hindi bababa sa 95 flood mitigation at flood control project na nagkakahalagang P26.065 bilyon. Malaking problema ang pagbaha dito sa ating bansa at nakakalungkot isipin na binawasan pa ang pondo para labanan ito.
Kung susuriin natin ang national budget para sa 2025, makikita natin na umabot ito sa P6.33 trilyon. Mas mataas ito ng 10% kaysa sa pambansang badyet noong 2024.
Pinakamataas sa 2025 badyet ang para sa edukasyon na umabot sa P1.053 trilyon, kasunod ang DPWH na umabot sa P1.034 trilyon.
Noong Hulyo 2024, isinumite ni Marcos Jr. ang panukalang 2025 National Expenditure Program sa Kongreso. May pamagat na “Agenda for Prosperity: Fulfilling the Needs and Aspirations of the Filipino People” ang panukalang badyet sa 2025.
Ngunit sa kabila ng magandang pamagat na ito, papabor lang sa mayayaman at magpapahirap lang sa mahihirap ang badyet sa 2025 ni Marcos Jr.
Hindi natin maitatwa na lalong lumala ang kahirapan sa bansa mula nang maupo si Marcos Jr. Dumami ng mga 16 milyon hanggang 19 milyon ang mga pamilyang sadlak sa kahirapan. Mga 6 milyong pamilya ang nagugutom at pinakamaliit ang naging ambag sa ekonomiya ng ating agrikultura. Sa panig naman ng mga namumuno sa pamahalaan, katakot-takot na pera naman ang nagagamit nila sa mga pork barrel project.
Ayon sa administrasyon ni Marcos Jr., sinunod nila ang sinasabi ng Artikulo XIV ng Saligang Batas na ang badyet na nakalaan para sa mga edukasyon ang pinakamalaki dapat sa lahat.
Ngunit isang grupo ng mga guro ang nagsasabi na walang katotohanan ang sinasabi ng administrasyong Marcos Jr. tungkol dito.
“Ang ninanakawan n’yo ng sa budget cut na inyong ginawa sa 2025 budget para gamitin n’yo sa eleksiyon at sa korupsiyon ay hindi lang mga mamamayan, estudyante at guro, pero pati ‘yong kinabukasan ng mga mamamayan,” ani Alliance of Concerned Teachers National Capital Region (ACT NCR) Union president Ruby Bernardo.
Maliban sa pagtapyas sa pondo sa basic education, binatikos din ng ACT ang P14.48 bilyong kaltas sa state universities and colleges at P P140 bilyon kaltas sa social welfare, agrikultura, kalusugan, pabahay at disaster response habang bundat ang confidential funds na tumaas nang P4.5 bilyon at may P26 bilyon naman para sa “politically-motivated financial aid programs” na hindi malabong gagamitin sa halalan.
Bukod pa rito, nawala din sa national budget ang P74 bilyon na subsidyo ng pambansang gobyerno para sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Malaking kawalan ito para sa mga Pilipinong nagpapagamot dahil ginagamit nila ang pondong ito para mabawasan ang gastos sa pagpapaospital at para bayaran ang gastos ng mga mahihirap na grupong walang kakayahang magbayad.
Sinasabi nilang kaya pa ring magbigay ng serbisyo ng PhilHealth dahil sa mayroon pa itong P400 bilyon reserve fund.
Kaya lang, ang reserve fund na ito’y nakalaan para sa mga lilitaw na utang ng Philhealth at hindi para sa pang-araw-araw na gastusin ng ahensiya.
Sa ngayon, dalawang grupo na ng mga pro-health organizations ang nagbanggit na magsasampa sila ng kaso laban sa pamahalaan dahil sa ginawa nitong pag-aalis ng subsidyo ng PhilHealth.
Lumalabag daw ito sa Universal Health Care Act bukod pa sa Sin Tax Law na nagsasabing ang PhilHealth ay makakatanggap ng annual funding mula sa buwis sa mga tobacco product at sugar-sweetened beverage.
Kaugnay din nito ang patuloy na pagpapanatili ni Marcos Jr. sa Ayuda Para Sa Kapos Ang Kita Program (AKAP). Sa kabila ng maraming puna tungkol sa AKAP, sinang-ayunan ng pangulo ang alokasyon ng Kongreso sa programang ito.
Ang AKAP ay pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development at sinasabing nakapagbigay ng tulong sa mga 5 milyong Pilipino noong nakaraang taon sa halagang P5,000 bawat isa.
Ngunit marami sa mga kritiko ang nagsasabing ang pera para sa AKAP ay maaaring magamit sa darating na eleksyon tulad ng pamimili ng mga boto. Lalong pinalakas ang kanilang kritisismo ng ianunsiyo ni Sen. Grace Poe na para sa 2025, ang mga kongresista ay makakakuha ng share na P21 bilyon sa AKAP samantalang ang mga senador naman ay makakakuha ng P5 bilyon.
Iyan mga mambabasa ang ilan sa mga isyu sa pambansang badyet sa 2025. Ito raw ang pinaka-corrupt sa mga pambansang badyet na dumaan at kailangan dito ang ibayong pagbabantay ng mamamayan.