Kampanya para sa halalan 2025, umarangkada na
Nagbukas na nitong Peb. 11 ang opisyal na kampanya ng mga kandidatong senador at partylist para sa halalang 2025. Tatagal ito hanggang Mayo 10, dalawang araw bago ang araw ng botohan.

Nagbukas na nitong Peb. 11 ang opisyal na kampanya ng mga kandidatong senador at partylist para sa halalang 2025. Tatagal ito hanggang Mayo 10, dalawang araw bago ang araw ng botohan.
Kalahok sa kampanya sa susunod na 90 araw ang 66 na kandidatong senador at 156 na partylist.
Binuksan ng Makabayan Coalition ang kanilang kampanya sa paglulunsad ng programa sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila bago tumungo ang mga kandidato nito sa magkakaibang lugar para sa kanilang pangangampanya.
Binisita ng Makabayan senatorial candidate na si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Ramon Magsaysay High School, Arellano High School at Padre Gomez Elementary School sa Maynila kung saan nakisalamuha siya sa mga kapwa niya guro.
Sunod na tinahak ni Castro ang Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila para makipag-usap sa mga may-ari ng puwesto at bawat taong naroon.
Sa Quezon City, pinangunahan ni Teddy Casiño ang pangangampanya sa bawat bahay sa Tatalon, habang binisita naman ni Mimi Doringo ang mga residente ng ikalawa at ikatlong distrito sa lungsod.
Sa Maynila, sinamahan ng lider-transportasyon na si Mody Floranda ang isang mini-motorcade kasama ang lokal na grupo ng tricycle sa Sampaloc.
Nakipag-ugnayan ang lider-obrero na si Jerome Adonis sa mga manggagawa pier sa Parola Compound sa Tondo.
Ang lider-mangingisda na si Ronnel Arambulo nama’y binisita ang komunindad ng Baseco Compound sa Port Area, kasama ang Bayan Muna Partylist at Gabriela Women’s Party.
Ang pinuno ng mga nars na si Alyn Andamo ay nakipagpulong sa mga manggagawa ng ospital ng University of Santo Tomas (UST).
Sinimulan ng lider-magsasaka na si Danilo Ramos ang kanyang kampanya sa Malolos, Bulacan, kasama ang mga lokal na magsasaka at pinuno ng komunidad.
Dadalo sina Makabayan president Liza Maza at lider-Morong si Amirah Lidasan sa Bayan Muna Mindanao assembly sa Cagayan de Oro City.
At sabay na nagtungo si Rep. Arlene Brosas kasama ang Gabriela Women’s Party sa Litex sa Quezon City para sa isang lokal na pulong.
Pagdating ng hapon, nagtipon silang lahat sa Plaza Noli sa Sampaloc at naglatag ng programa para sa mga inaaping sektor sa bansa, mga manggagawa at magsasaka.
Samantala, binigyang-diin ni Bayan Muna Partylist first nominee Neri Colmenares na nararapat maibalik sa Kongreso ang kanilang grupo dahil sa magandang track record nito sa paglilingkod.
Sa mahabang panahon, aniya, patuloy na itinataguyod ng Bayan Muna Partylist ang mga karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, talamak na korupsiyon at panghihimasok ng mga dayuhan.
“Patuloy nating ipaglalaban ang disenteng sahod at abot-kayang bilihin. Hindi tayo titigil sa paglalantad at paglaban sa katiwalian at pang-aabuso,” ani Colmenares.
Sa kabilang banda, maaari lang mangampanya ang mga kandidato para sa House of Representatives at iba pang lokal na kandidato simula Marso 28 hanggang Mayo 10 na tatagal sa loob ng 45 na araw, maliban sa Semana Santa.