Kapabayaan ng drayber sa pagmamaneho
Kailangang maingat ang mga drayber sa kanilang pagmamaneho. Binigyang-diin ng Korte Suprema ang prinsipyong ito sa kaso ng Marcelino Lingganay vs. Del Monte Land Transport Bus Company, Inc. na hinatulan nito noong Ago. 20, 2024.

Bihira sa atin ang hindi nakaranas na sumakay sa mga jeep o ‘di kaya’y mga bus. Sa mga ordinaryong mamamayan tulad natin, bahagi na ng ating buhay ang paggamit sa pampublikong transportasyon.
Kaya mahalaga sa atin ang papel na ginagampanan ng mga drayber ng pampublikong transportasyon. Sumakay man tayo sa jeep o sa bus, hindi maipagkaila na ang pagpatakbo ng ating mga sinasakyan ay nakadepende sa mga drayber nito.
Kailangang maingat ang mga drayber sa kanilang pagmamaneho. Binigyang-diin ng Korte Suprema ang prinsipyong ito sa kaso ng Marcelino Lingganay vs. Del Monte Land Transport Bus Company, Inc. na hinatulan nito noong Ago. 20, 2024.
Sa nasabing kaso, tinanggap si Marcelino bilang drayber ng DLTB Bus Company noong 2013. Nasangkot siya sa isang aksidente kaugnay ang isang pedestrian. Inareglo ito kaagad ng kanyang kompanya kung kayat hindi na natuloy ang kasong isasampa sana laban sa kanya.
Noong Hulyo 2015, nilipat siya sa Lucena line ng kompanya. Dito na nagsimula ang problema ni Marcelino. Noong Nobyembre 2015, sinuspende siya nang limang araw ng kompanya dahil sa hindi niya pagkuha ng kanyang time schedule.
Noong Enero 2017 naman, sinuspinde siya ng kompanya nang 10 araw dahil nasangkot siya sa aksidente na kinabibilangan ng isang motorsiklo. Nabangga niya ang motorsiklo sa likuran na at nagtamo ng pinsala ang rider nito.
Nagpatuloy siya sa kanyang trabaho pagkatapos ng 10 araw na pagkasuspinde ngunit binalaan siya ng kompanya na ang kasunod niyang paglabag sa regulasyon ay papatawan ng kompanya ng mas mataas na parusa.
Noong Mayo 1, 2017 naman, nabangga niya ang isang Toyota Wigo na ikinasira nito. Dahil sa nangyari ay napilitang magbayad ang kompanya ng P99,000 bilang danyos sa may-ari ng Toyota Wigo. Bukod pa rito ay may sira din ang bus ng kompanya na nagkakahalaga ng P6,500.
Dahil sa pangyayari, nilagay ng kompanya sa preventive suspension si Marcelino at binigyan siya nang limang araw para magbigay ng kaniyang paliwanag.
Nagbigay si Marcelino ng kanyang paliwanag noong Mayo 22, 2017. Pagkatapos nito’y nagsagawa ng imbestigasyon ang kompanya kung saan ay kasali rin itong si Marcelino. Sa hatol nito noong Mayo 29, 2017, napatunayan ng kompanya na lumabag sa patakaran nila sa kaligtasan si Marcelino.
Nagpasya ang kompanya na tanggalin siya sa kanyang trabaho. Bilang ganti, nagsampa naman si Marcelino ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Pagkatapos maibigay ng bawat panig ang kani-kanilang ebidensiya, napatunayan ng Labor Arbiter na may batayan ang kompanya at tama lang ang ginawa nitong pagtanggal kay Marcelino sa trabaho. Pabor sa kompanya ang desisyon ng Labor Arbiter.
Umapela si Marcelino sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngunit sinang-ayunan nito ang desisyon ng Labor Arbiter. Kinampihan ng NLRC ang kompanya at pinawalang bisa ang apela ni Marcelino.
Umakyat si Marcelino sa Court of Appeals ngunit ganoon pa rin ang naging hatol. Sinabi ng Court of Appeals na tama ang kompanya sa ginawang pagtanggal nito kay Marcelino. Napilitang umakyat si Marcelino sa Korte Suprema.
Sa Korte Suprema, inulit ni Marcelino ang argumentong walang batayan ang kompanya sa pagtanggal sa kanya. Ayon sa kanya, hindi napatunayan ng kompanya na ang kanyang nagawang kasalanan ay gross and habitual o malubha at nakagawian na. Wala raw batayan para sabihing ugali na niyang magpabaya sa kanyang tungkulin.
Hindi pinaniwalaan ng korte ang argumentong ito. Sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na aminado si Marcelino na ilang beses siyang nasangkot sa aksidente.
Sa katunayan, sa panghuling aksidente na kanyang kinasasangkutan, aminado siya na nagbigay kaagad siya ng pera sa may-ari ng sasakyang kanyang nabangga upang maiwasan ang paghahabla.
Ang ginawa niyang ito’y patunay na nakagawian na niya ang pagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang drayber. Delikado ang kapabayaang ito sa buhay at ari-arian ng kanyang mga pasahero sabi ng Korte Suprema.
Kaya ibinasura ng Korte Suprema ang apela ni Marcelino. Sinang-ayunan nito ang desisyon ng Labor Arbiter, NLRC at Court of Appeals na walang pagkakamali ang kompanya sa ginawa nitong pagtanggal kay Marcelino sa kanyang trabaho.
Sinabi nito na ang isang drayber ay dapat maging maingat sa kanyang pagmamaneho at kapag hindi niya nagawa ito, dapat lang siyang matanggal sa pagmamaneho.
Sana’y maging aral sa mga drayber ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito, mga kasama.