Litisin at hatulan na si Sara
Ang sinserong kagustuhan ng mamamayan na panagutin ang magnanakaw ng kaban ng bayan ay hindi titigil hanggang tuluyang maalis sa puwesto si Sara, makulong si Rodrigo Duterte at hanggang mapanagot din ang numero unong magnanakaw sa kasaysayan, ang pamilya Marcos.

Patapos na ba ang teleserye ng hiwalayang Marcos at Duterte? O pahahabain na naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang bulok na istorya? Inhustisya sa kaibuturan ang pag-aantala ng hustisya.
Nitong Peb. 5, halos dalawang buwan matapos ang pagsasampa ng unang impeachment complaint laban kay Sara Duterte, ginalaw ng mababang kapulungan ang baso at in-impeach ang pangalawang pangulo.
Inilbas nila ang ikaapat na impeachment complaint na pinirmahan ng mahigit sa sangkatlo ng mga kongresista at deretsong ipinasa sa Senado.
Walang ibang dapat mangyari kung hindi ma-convict si Sara, tanggalin sa puwesto at hindi na kailanman mapahintulutang makabalik sa poder.
Ngunit binubuhusan ng malamig na tubig ng rehimen ang mainit na tagumpay ng mamamayan. Inaantala ang proseso ng pagpapanagot.
Sabi ni Senate President Chiz Escudero, hindi isasalang ang impeachment hanggang sa pagbubukas ng Ika-20 Kongreso sa Hulyo.
Ito namang si Marcos Jr, tulad ng dati, inutil, walang balak magpatawag ng espesyal na sesyon para simulan ang pag-uusig.
Hanggang sa dulo, binibitin ni Marcos Jr. ang mamamayan sa pagkamit ng hustisya. Hindi nakakalimot ang mamamayan na wala siyang mapagpasyang aksiyon sa usapin ng katiwalian.
Simula nang isiniwalat ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro noong 2023 ang napakalaking confidential and intelligence funds at ang kaduda-dudang paglulustay ng opisina ni Duterte, taingang-kawali na si Marcos Jr.
Tinawag pa nga niyang pag-aaksaya ng oras ang impeachment. Paano ba naman, ang kanyang opisina ang may pinakamalaking confidential and intelligence fund na hindi inuusisa ng kanyang mga alyado.
Kung akala niya’y natutuwa pa ang mamamayan sa pagiging kibit-balikat niya sa harap ng lantarang pandarambong sa kaban ng bayan, nagkakamali siya!
Desidido ang mamamayang paalisin sa puwesto si Duterte at kahit siya na lubhang pahirap sa mamamayan.
Sa pagsisimula ng kampanyang eleksiyon, abala ang rehimeng Marcos Jr. sa pagkokonsolida ng kapangyarihan at kayamanan, habang patuloy na pinapakitid ang ginagalawan ng mga karibal na Duterte.
Sa kabila ng pagpopostura bilang kampeon ng paglaban sa katiwalian, pagpatay, at inhustisyang sinapit ng mamamayan sa kamay ng mga Duterte, hindi niya mabobola ang mamamayan.
Patuloy na pinapalaganap ng rehimeng Marcos Jr. ang kabulukan ng naghaharing sistema, at sa mata ng taumbayan, wala siyang pinag-iba.
Hindi naman niya ibinasura ang mga pahirap na patakaran, pinasahol pa nga nya sa lalong liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng mga susing industriya at importasyon ng pangunahing mga bilihin.
Patuloy na dumadanak ang dugo sa ilalim ng Marcos Jr. Sa kabila ng pagsasabing nasupil na ang mga armadong rebelde, naghahari-harian sa kanayunan ang militar at tinatarget ang mga sibilyan.
Lalo pang pinatutunayan ni Marcos Jr. ang kahunghangan ng kanyang hangarin, sa patuloy niyang pagiging pinakamalaking sagabal sa pag-usad ng impeachment ni Sara Duterte at pag-uusig kay Rodrigo Duterte.
Bakit? Dahil nananatiling tapat si Marcos Jr. sa ganid na interes ng mga kagaya niyang burukrata kapitalista.
Alam niyang magliliyab ang pakikibaka ng mamamayan ang pagpapatalsik kay Duterte at magbibigay ng ibayong lakas ng loob sa taumbayan na itakwil ang kabulukan ng sistema na kanyang pinaghaharian.
Hindi dapat magpatinag ang sambayanan. Tagumpay ng sama-samang pagkilos ang pagkaka-impeach sa pangalawang pangulo.
Ang sinserong kagustuhan ng mamamayan na panagutin ang magnanakaw ng kaban ng bayan ay hindi titigil hanggang tuluyang maalis sa puwesto si Sara, makulong si Rodrigo Duterte at hanggang mapanagot din ang numero unong magnanakaw sa kasaysayan, ang pamilya Marcos.