Puwersahang pangongolekta ng matrikula sa TSU, kinondena


Binatikos ng mga estudyante ang puwersahang paniningil ng matrikula ng Tarlac State University sa pamamagitan ng mekanismong opt-out na taliwas sa diwa ng Free Tuition Law.

Diyalogo sa pagitan ng administrasyon ng Tarlac State University at iba't ibang sektor hinggil sa opt-out mechanism libreng matrikula. The Oracle/Facebook

Binatikos ng mga estudyante ang puwersahang paniningil ng matrikula ng Tarlac State University (TSU).

Sa ilalim ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free Tuition Law, dapat garantisadong walang babayarang matrikula at iba pang bayarin ang mga mag-aaral sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.

Ngunit sa kaso ng TSU, hinahati ang mga nabibigyan ng libreng matrikula at ang mga hindi. Sa kasalukuyan, isinasailalim ang mga aplikanteng waitlisted sa opt-out mechanism at pinagbabayad ng matrikula. Sinimulan itong ipatupad ngayong akademikong taon 2024-2025.

Batay sa impormasyong nakalap ng Kabataan Partylist, sa 5,595 na kumuha ng TSU admission exam mula Peb. 1 hanggang Mar. 22, 2025, 3,278 lang ang tatanggap ng libreng matrikula. Nasa P7,000 hanggang P10,000 kada semestre ang matrikulang sinisingil ng pamantasan.

Sa inilabas na pahayag ng administrasyon ng TSU sa kanilang Facebook page, kakulangan sa badyet ang rason kaya inaprubahan ng kanilang Board of Regents ang ganitong mekanismo para makapag-accommodate pa ng mas maraming estudyante. 

Depensa rin ng administrasyon na dumaan ang mga estudyante nito sa oryentasyon at counseling bago pumaloob sa opt-out mechanism.

Nagsagawa ng diyalogo noong Peb. 17 ang administrasyon ng TSU kasama ang mga stakeholder nito. Tinatalakay ‘di umano sa pagtitipon ang mga hinaing ng mga estudyante hinggil sa kuwestiyonableng polisiya.

Para kay Thomas Franco, isang mag-aaral ng sikolohiya, naging pamamaraan ang diyalogo para patahimikin at mas pilitin ang mga estudyante na magbayad ng matrikula.

“??Walang malinaw na resolution at hindi nangakong ititigil ang student purging,” paliwanag ni Franco.

Student purging ang tawag sa paraan ng pagharang ng administrasyon na mag-enroll ang mag-aaral sa susunod na semestre dahil hindi kumpleto ang bayad sa matrikula.

Dagdag ni Franco na napakarepresibo ng polisiyang ito dahil hindi rin naman lahat ng estudyante ng pamantasan ay may kakayahang magbayad ng matrikula, lalo na ang mga anak ng mahihirap na manggagawa’t magsasaka.

“Ito na ang resulta ng taon-taong pagkakaltas at pambabarat ng pondo sa [state universities and colleges] (SUCs) at sa sektor ng edukasyon ng rehimeng Marcos [Jr.],” paliwanag ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co.

Aniya, mas nakatuon ang rehimen sa pagpapalobo ng badyet sa imprastruktura at sa mga programang kontra-insurhensiya at red-tagging na batbat ng korupsiyon at nagpapahamak lang ng buhay ng mamamayan.

Nais ring palalimin ng Kabataan Partylist ang usaping ito sa pagsasagawa ng mga diyalogo kasamang ang mga administrador, guro at estudyante ng pamantasan. Sinabi rin ng grupo na hindi lang sa TSU nangyayari ang ganitong paniningil.

Giit ni Co, hindi dapat humantong sa paglimita sa admission, paniningil ng bayarin, pagnenegosyo sa sariling kampus o iba pang anyo ng komersiyalisasyon at kontra-mahirap at kontra-estudyanteng patakataran ang SUCs dahil sa kakulangan ng pondo.

“Dapat sagutin ng CHED at ng administrasyong Marcos Jr. ang libreng pag-aaral ng mga estudyante sa kolehiyo, anuman ang katayuan nila sa buhay,” wika ni Co.