Husgahan Natin

Sapilitang pagbitiw sa trabaho

Nilinaw ng Korte Suprema na nagaganap ang constructive dismissal kung ang isang manggagawa ay napilitang magbitiw o mag-resign sa kanyang trabaho dahil sa diskriminasyon o pang-aapi.

Kadalasan, ang pagbibitiw ng isang manggagawa sa trabaho ay nangyayari kung may makita siyang mas magandang malilipatan. Pero minsan, nangyayari ito dahil hindi na matiis ng manggagawa ang mapang-aping sitwasyon. 

Kapag ganoon, maaring magbitiw sa kanyang trabaho ang manggagawa at magsampa ng kasong constructive dismissal laban sa kanyang amo. Ganito ang nangyari sa kasong Jonathan Bartolome vs. Toyota Quezon Avenue, Inc., et. al na hinatulan ng Korte Suprema noong Abril 3, 2024.

Sa nasabing kaso, biglang nakatanggap ng Notice of Explanation for Habitual Absences si Jonathan, empleyado sa kilalang kompanya ng mga sasakyan. Bukod dito, pinatawan din si Jonathan ng kompanya ng pitong araw na suspensiyon dahil sa isa pang kasalanan.

Ang masama pa, inilipat siya ng kompanya sa ibang team na wala man lang paliwanag. Nang umalma siya sa desisyon, ang sagot sa kanya ay utos daw ito ng kanilang general manager kaya huwag na siyang magreklamo.

Sa bagong team, marami sa kanyang accounts ang tinanggal sa kanya na wala man lang paliwanag. Mababa nakuha niyang score sa performance rating dito. Binigyan rin siya ng memorandum ng kanilang general manager na di umano ay pumapayag si Jonathan na tumanggap ng mas mababang performance bonus.

Bunga ng mga pangyayaring ito, napilitang magbitiw sa kanyang trabaho si Jonathan. Nagbigay siya ng kanyang resignation letter sa kompanya na nagsasabing ubusin muna niya ang naipon niyang terminal leave at pagkatapos nito ay ituturing na siyang resigned.

Bago dumating ang araw ng kanyang pagbibitiw, nilakad ni Jonathan ang kanyang clearance sa kompanya. Naranasan niya lalo ang hindi maayos na pagtrato—para bang kriminal ang turing sa kanya. Pinagkaitan pa siya ng 13th month pay at kinitang komisyon.

Dahil dito, nagsampa si Jonatha ng kasong illegal/constructive dismissal laban sa kompanya. Itinanggi ng kompanya ang mga akusasyon ni Jonathan. Sinabi rin nitong boluntaryo at kusang-loob ang ginawang pagbitiw ni Jonathan.

Sa naging hatol ng Labor Arbiter, pinanalo nito si Jonathan at nagdesisyon na nagkasala ang kompanya ng constructive dismissal. Inutusan niya ang kompanyang bayaran si Jonathan ng kanyang separation pay, backwages, commissions, at kaukulang danyos. 

Umapela ang kompanya hanngang sa Court of Appeals (CA), kung saan biglang nabaliktad ang hatol sa kaso. Sinabi ng CA na mapapatunayan ng mga ebidensya na kusang nag-resign itong si Jonathan sa kanyang trabaho at walang karapatang magdemanda sa kompanya.

Si Jonathan naman ang pumunta ngayon sa Korte Suprema. Dito binaliktad ng Pinakamataas na Hukuman ang desisyon ng CA at ipinanalo si Jonathan. Ayon sa Korte Suprema, nagkasala ng constructive dismissal o konstruktibong pagpapaalis sa trabaho ang kompanya at kailangang magbayad ito ng back wages, separation pay at danyos kay Jonathan.

Nilinaw ng Korte Suprema na nagaganap ang constructive dismissal kung ang isang manggagawa ay napilitang magbitiw o mag-resign sa kanyang trabaho dahil sa diskriminasyon o pang-aapi.

Pinaliwanag ng Korte Suprema na walang dahilan upang hindi nito paniwalaan ang kwento ni Jonathan. Naibahagi nang maayos ni Jonathan ang nangyari sa kanya sa kanyang Sinumpaang Salaysay at naipaliwanag kung bakit ayaw niya nang bumalik sa kanyang trabaho.

Wala man lang naibigay na testigo ang kompanya upang pabulaanan ang mga sinasabi ni Jonathan. Ang pag-resign ni Jonathan sa kompanya ay dahil sa poot at galit na pinakita sa kanya ng kompanya, na naging dahilan para mahirapan si Jonathan na gampanan ang kanyang trabaho.

Bagaman may ginawa nga siya na letter of resignation sa kompanya, ito ay balewala sapagkat bunga ito ng pang-aaping kanyang naranasan. Isa pa, nagsampa siya ng kaso laban sa kompanya isang buwan lamang matapos niyang ibigay ang nasabing letter of resignation.

Nilinaw ng Korte Suprema na kalimitan, inuutusan nito ang kompanyang nagkasala ng illegal dismissal na ibalik sa dating puwesto ang manggagawang tinanggal. Ngunit sa kaso ni Jonathan, nagkaroon na ng bahid ang kanilang relasyon ng kompanya.

Kaya inutos na lang ng Korte Suprema na bayaran ng separation pay si Jonathan kaysa ibalik ito sa kanyang trabaho. Ito ang nangyari sa kaso ni Jonathan. Sana ay may nakuha tayong aral dito, mga kasama.