Teatro

Sino ba ang hindi umiibig? | Kuwentuhan sa manunulat at mga aktor sa “O Pag-Ibig na Makapangyarihan”


Binisita ng Pinoy Weekly ang mga alagad ng sining na abala sa paghahanda para makakuha ng sagot na walang duda from the heart ngang tunay.

Kasabay ng ika-150 na taon ng kapanganakan ng Lakambini ng Katipunan na si Gregoria de Jesus, bagong handog ngayong Pebrero at Marso ng Tag-ani Performing Arts Society ang “O Pag-Ibig na Makapangyarihan, Kapag Pumuksa sa Puso Ninuman” sa panulat at direksiyon ni Bonifacio Ilagan. Binisita ng Pinoy Weekly ang mga alagad ng sining na abala sa paghahanda para makakuha ng sagot* na walang duda from the heart ngang tunay.

*Sa magkakahiwalay na panayam, bukod sa dalawang Andres Bonifacio na sabay nakakuwentuhan.

BONIFACIO ILAGAN, manunulat at direktor: Ang hirap naman. Ang tunay na pag-ibig sa sinisinta, sa anumang layon at dakilang pita ay pakikipaglaban sukdulang magdusa.

PAU BENITEZ, gaganap na Gregoria “Oryang” de Jesus: Ang tunay na pag-ibig ay pag-ibig para sa sarili.

NEL ESTUYA, gaganap na Andres Bonifacio: Ang tunay na pag-ibig ay banal. At makikita n’yo yan mismo sa mga linya ni Bonifacio, ni Andres. Banal dahil sa, ‘yon nga, it’s a divine experience. It’s a gift to humans. Tanggalin mo ‘yan, tayo ay parang wala lang, walang layon sa mundo. Love is your anchor. Bayan o tao o pamilya, o isang interes o calling. 

JOHNNY MAGLINAO, gaganap na Andres Bonifacio: Tips na lang para sa tunay na pag-ibig, whether family ‘yan o friends o kahit sino man: Ang tunay na pag-ibig ay proper communication.

ANGELLIE SANOY, gaganap na Remigia: Ang tunay na pag-ibig ay nasa akin.

ILAGAN: Totoong sangkatutak na ang ganyang kuwento. Ang modelo ng dramatic premise na love defies all odds ay ang trahedyang “Romeo and Juliet” na sinulat ni Shakespeare bandang 1594. Sa “O Pag-ibig na Makapangyarihan”, hindi naman buhay nina Gregoria de Jesus at Andres Bonifacio ang kapalit ng problematiko nilang romansa. Pero oo, kikiligin at maluluha ang manonood. At baka magulat sila, dahil isinasadula namin ang hindi masyadong nauungkat sa kasaysayan, ang little-big incident na muntik nang bumigo sa kanilang pag-iibigan.  

ESTUYA: Pag-ibig siya sa panahon ng mga Espanyol. May mga bagay siya na common, kung paano ‘yong pag-ibig noon may rin sa pag-ibig ngayon. All love in different periods of time are the same, ipaglalaban mo siya, by hook or by crook. Kung anong nangyari kina Oryang at Andres Bonifacio, siguro hindi naman na spoiler na hindi siya happy ending, pero ang point, naipaglaban.

MAGLINAO: Oo nga pala, mamamatay si Andres, ‘no? Oo nga pala. Spoiler, mamamatay si Andres.

MAGLINAO: Hindi lang siya isang love story tungkol kumbaga kay Andres. Isa siyang love story na ang puno’t dulo, iaangat ang kabuuan ng bayan. Siguro ‘yon ang masaya doon—sa pagmamahalan nilang dalawa, naipagpatuloy nila ang pagmamahal nila para sa bayan.

ILAGAN: Sa title na lamang, pag-ibig ang tema ng produksiyon ng Tag-ani ngayong Pebrero, buwan ng mga puso. Pero hindi lamang romantiko at personal na pag-ibig ito.  Mas masaklaw na pag-ibig ang tulak, gaya ng pag-ibig na binaybay ni Andres Bonifacio sa kanyang pamosong tula, na siyang theme song ng dula, na inawit ni Chikoy Pura.

Ayon sa mga gaganap na Andres Bonifacio, si Oryang ang kaabang-abang sa dula. Ano ang masasabi natin dito?

BENITEZ: Ako naniniwala rin, kaabang-abang ang kuwento ni Oryang sa dulang ito. Sa totoo, ako bilang artista, nagulat rin sa sinapit ni Oryang. Hindi alam ng marami na siya ay naging bilanggo noong kabataan niya. At kung ano man ang dahilan dito, malalaman natin sa panonood ng ating dula.

For me, ang kaabang-abang rin ang teksto, ‘yong pagkakasulat ni Ka Boni. ‘Yong konteksto, ‘yong diskurso, history na tumatawid sa kasalukuyan. Bakit tumatawid? Ano ba ang nangyayari noon na nangyayari pa rin ngayon? Ang script ni Ka Boni ang kaabang-abang.

SANOY: Ako talaga hindi rin naman ako ‘yong maalam sa history. Sobrang thankful ko talaga kay Ka Boni, sa Tag-ani. Kasi namumulat ako sa realidad, kung ano nangyayari sa mundo natin. Hindi siya ‘yong boring kasi kung aalamin mo talaga ‘yong kasaysayan, ‘yong nangyari noon, ang sakit. Ang sakit talaga na naiiyak ako pag nalalaman ano yung mga nangyari noon na nangyayari pa rin ngayon. 

MAGLINAO: Isang big trivia: si Andres Bonifacio mismo ay isang mandudula. Kasama siya sa teatro. Umaarte siya doon. Alagad din siya ng sining, kumbaga. So ‘yong passion niya, kung bakit niya ipinagpapatuloy ‘yon, kasi gusto niya ring mapahiwatig sa taumbayan ang katotohanan. 

ESTUYA: Isipin mo sa ginagawa natin, nare-reflect natin ang kalagayan ng ating komunidad, ng ating sibilisasyon, kung ano ang tama at ano ang mali, kung ano ang tinatahak sa buhay. Lahat ng ‘yon kasi, we make sense of it through art. Ang art ay koleksiyon ng experiences kung saan tayo natututo. 

BENITEZ: Pakinggan n’yo po kung ano nararamdaman ng puso n’yo, kung ano ba ang ikasasaya ninyo. Totoo pong hindi nakakatakot umarte kung bukal siya sa loob at kung mahal mo ang ginagawa mo.

SANOY: Kung mapitikan nila sa puso nila na gusto nila o mayroon talagang desire, feeling ko kailangan i-go nila ‘yon. Kahit pintig, kahit maliit lang, i-go nila ‘yon. Dito naman sa mundo natin, dito ka lang matututo kapag ginawa mo na. Kapag na-feel mo, i-go mo na siya agad, tapos go with the flow.

ILAGAN: Kung ako lang, napakaraming dapat likhain sa teatrong pambayan. Pero alam mo, it takes a community to do a good theater production and achieve what the people deserve. Let us see. Bahala na si Batman.