56 taon ng New People’s Army
Itinatag ang New People’s Army noong Mar. 29, 1969 nina Jose Maria Sison at Bernabe Buscayno na kumander ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan.

Limampu’t anim na taon na mula noong itinatag ang New People’s Army (NPA) sa Pilipinas. Ito ang tinaguriang armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines (CPP) at isa sa pinakaaktibo at pinakamatagal na hukbong gerilya sa mundo.
Itinatag ito noong Mar. 29, 1969 nina Jose Maria Sison at Bernabe Buscayno na kumander ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930).
Nag-ugat ang pagbubuo ng hiwalay na hukbo matapos ng hindi pakakasundo sa loob ng PKP-1930 na pinamumunuan ng mga Lava at Taruc sa panawagang magwasto. Muling itinatag ni Sison ang partido bilang CPP noong Dis. 26, 1968 na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Layunin ng NPA ang pangunguna sa armadong pakikibaka sa porma ng pakikidigmang gerilya para isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon.
Nagsimula sa 60 armadong miyembro ang NPA noong una itong itatag sa Tarlac tangan ang mahihinang klase ng baril. Dumami at mas naging matatag ang NPA noong dekada 1970s hanggang dekada 1980s, kasagsagan ng karumala-dumal na batas militar ng diktadura nii Ferdinand Marcos Sr.
Mula sa Gitnang Luzon, nagpalawak ito sa Hilagang Luzon at dumami ang mga kasapi nito hanggang sa iba’t ibang isla ng bansa. Layunin din ng NPA na itaguyod ang rebolusyong agraryo, pagtatayo ng mga base sa kanayunan at paigtingin ang armadong pakikibaka laban sa lokal na naghaharing-uri at dayuhang puwersa ng imperyalismong United States.
Kasama sa tungkulin ng NPA ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga lalawigan upang ipagtanggol ang mga magbubukid, katutubo, kababaihan at iba pang sektor ng lipunan.
Tumutulong din sila sa pagtuturo ng pagbabasa at pagbibilang sa mga mamamayang hindi nakatuntong sa paaralan at pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga liblib na lugar sa kanayunan.
Noong Nob. 27, 1986 nagkaroon ng dalawang buwang usapang pangkapayaapan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).
Natigil ang usapang nang walang awang pinagbabaril ng mga pulis ang mga aktibista at magsasakang nagmartsa noong Ene. 22, 1987 para sa tunay na reporma sa lupa. Tinagurian itong “Mendiola Massacre” kung saan 13 demonstrador ang namatay at maraming lubhang nasugatan.
Taong 1992, muling nabuksan ang pormal na usapan. Dito nabuo ang mga ilang kasunduan tulad ng The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Immunity and Safety Guarantees at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Sa mga nagdaang administrasyon, may pagtatangkang maibalik ang usapang pangkapayapaan. Pero makaisang panig na pinutol ng GRP ang peace talks sa pahanon ni Rodrigo Duterte. Pag-uusapan na sana ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms na tinitingnang lulutas sa kahirapan at inhustisya na ugat ng armadong tunggalian.
Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang armadong pakikibaka sa kabila ng sinasabi ng GRP na nagapi na at maliit na lang ang puwersa ng NPA. “Hindi matalo-talo,” ika nga ni Wilma Austria-Tiamzon, dating kalihim ng CPP.