Gabriela: Kontrolin ang presyo, panagutin ang kurakot, abusado
Sentro panawagan sa protesta para sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ang pagkontrol sa presyo ng bilihin at serbisyo at pagpapanagot sa korupsiyon at abuso sa poder ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr.

Sentro panawagan sa protesta para sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ang pagkontrol sa presyo ng bilihin at serbisyo, pagtanggal ng value-added tax sa pagkain, at pagpapanagot sa korupsiyon at abuso sa poder ng rehimeng Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan ng mga grupong Gabriela at Gabriela Women’s Party ang pagkilos ng kababaihan at mamamayan sa Maynila nitong Mar. 8 para irehistro ang panawagan ng kababaihan para sa halalan.
Binigyang-diin naman ng mga multisektoral na grupo ang laban para sa adyenda at kapakanan ng kababaihan, gayundin ng mga ordinaryong mamamayang naghihirap sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
“Ang adyenda ng mga kababaihan ay kasama at bahagi ng pambansang demokratikong adyenda at plataporma ng Makabayan para sa kagyat ng ginhawa, kalayaan, at demokrasya,” ani Makabayan Coalition president at senatorial candidate Liza Maza sa kanyang talumpati.
Matapos magprograma sa Liwasang Bonifacio, nagmartsa ang mga grupo patungong Mendiola bitbit ang mga panawagan sa mababang presyo ng bilihin, pagtaas ng sahod, pagtigil sa pagbomba sa mga kanayunan, pagpapanagot sa rehimeng United States-Marcos Jr., at ang pag-convict kay Sara Duterte.
Dahil sa malakas na buhos ng ulan, tumugil ang martsa sa Recto Avenue at doon itinuloy ang programa para singilin ang administrasyong Marcos Jr. sa mga kasalanan nito sa kababaihan at mamamayan.
Kasabay nito, ipinanawagan din ang pakikiisa sa welga ng mga manggagawa sa Nexperia Philippines Inc. laban sa pagpapahirap at pambabarat sa kanila ng pamunuan ng dayuhang kompanya ng semiconductor.
Matapos magprograma sa Maynila, tumulak naman ang mga nagprotesta sa strike center ng unyon ng Nexperia sa Cabuyao City, Laguna upang makiisa sa ikaapat na araw ng welga ng mga manggagawa
Nananawagan sila ng makabuluhang umento sa sahod at pagbabalik ng apat na opisyales ng unyon na tinanggal.