Balitang Global

OFWs sa Europa, iginiit ang pagpapakulong, pagpapanagot kay Duterte


Naglunsad ng mga biglaang pagtitipon ang mga migranteng Pinoy sa Europa para kondenahin si Rodrigo Duterte at ipanawagan ang pagpapanagot sa kanyang mga krimen.

Sinalubong ng mga migranteng Pinoy sa Europa ang pagdating ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Mar. 12 sa The Hague, The Netherlands sa pamamagitan ng kilos-protesta para ipanawagan ang tuluyang pagpapakulong sa kanya.

“Dapat harapin ni Duterte ang kanyang mga krimen sa likod ng mga rehas. Kung seryoso ang gobyernong Marcos [Jr.] sa due process, dapat panagutin ang lahat ng sangkot sa extrajudicial killings,” ani Joanna Lerio, tagapagsalita ng Migrante Netherlands.

Sa harapan ng tanggapan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague nagtipon ang mga Pilipino sa The Netherlands para manawagan ng hustisya. Dito dinala si Duterte upang simulan ang pagdinig sa kasong crimes against humanity bunsod ng madugong giyera kontra droga.

Tinawag ni ICC Prosecutor Karim Khan ang pag-aresto kay Duterte bilang “mahalagang hakbang” para magkaroon ng pananagutan sa mga “pinakaseryosong krimen.” Ayon sa kanyang opisina, sinimulan na ang preparasyon para sa proseso ng pandaigdigang korte.

Pagkilos ng mga migranteng Pinoy sa London, United Kingdom para manawagan ng pagpapakulong kay Rodrigo Duterte nitong Mar. 12. Campaign for Human Rights in the Philippines UK

“Bilang mga OFW (overseas Filipino worker), pangarap naming makauwi sa Pilipinas na ligtas, malaya sa pananakot at may paggalang sa karapatang pantao,” dagdag ni Lerio kasama ang iba pang kababayan at tagasuporta.

Naglunsad ng mga biglaang tipon at protesta ang mga OFW sa iba’t ibang bansa sa Europa para kondenahin si Duterte.

Sa London, United Kingdom (UK), nagdiwang naman ang Anakbayan-United Kingdom at Campaign for Human Rights in the Philippines (CHRP) UK sa pag-aresto kay Duterte habang nagsasabing mananatiling mapagbantay sa proseso ng ICC.

“Bilang migranteng Pilipino at nagsusulong ng hustisya, nananawagan kami sa mga kababayan namin sa abroad na magkaisa at kamtin ang buong pananagutan hindi lamang kay Duterte pero para sa lahat ng nang-aabusa sa karapatang pantao sa Pilipinas,” ani Fr. Herbert Fadriquela Jr., tagapangulo ng CHRP UK at Aglipayanong kapilyan ng Pilipinong komunidad sa Diocese of Leicester ng Church of England.

Mula Hong Kong, Taiwan, United States hanggang sa Middle East, nagpahayag din ng pagkondena ang mga OFW kay Duterte at pagnanais na siya’y tuluyang ipakulong ng ICC.