Pagpapanagot kay Duterte, giit ng mga progresibo
Anila, walang ibang panahon kung hindi ngayon para pagbayaran ni Duterte ang walang habas na pamamaslang sa libo-libong Pilipino at masuwerte pa siya na dumaan sa due process na ipinagkait niya sa maraming biktima ng extrajudicial killing.

Nagkasa ng malawakang “Black Friday Protest” ang iba’t ibang progresibong grupo upang idiin ang agarang pagpapanagot at pagkulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto noong Mar. 11 at pag-alala sa libo-libong pinatay sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Sa pangunguna ng One Taft Alliance, isang samahan ng mga paaralan sa Taft Avenue sa Maynila, kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga, umalingawngaw ang panawagang hustisya para sa lahat ng kinulong at pinatay ng rehimeng Duterte.
Anila, walang ibang panahon kung hindi ngayon para pagbayaran ni Duterte ang walang habas na pamamaslang sa libo-libong Pilipino at masuwerte pa siya na dumaan sa due process na ipinagkait niya sa maraming biktima ng extrajudicial killing.
“Kung ‘yong anak niya, makikita niya yung tatay niya na makukulong, ang aking anak hindi ko na makikita at hindi ko na rin maririnig na tatawagin akong ‘mama.’ Napakahirap po, hanggang ngayon nagluluksa ako bilang nanay,” pahayag ni Emily Soriano, ina ng biktima ng tokhang.

Nagtipon naman ang mga mag-aaral at guro ng University of the Philippines Diliman, Ateneo de Manila University at Miriam College sa Katipunan Avenue sa Quezon City at binigyang-diin na hindi kailanman biktima si Duterte sa nangyaring pag-aresto dahil siya mismo ang utak sa likod ng hindi mabilang na kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
“Dapat lang na makulong ka, [Duterte], kulang pa ‘yan sa libo-libong buhay at libo-libong dignidad na niyurakan at binaboy ng nakaraang administrasiyon,” ani Gabriela secretary general Clarice Palce.
Para sa mga grupo, hindi pa tapos ang laban hangga’t hindi nakukulong si Duterte at hindi napapanagot ang iba pang sangkot sa madugong giyera kontra droga na sina Bato Dela Rosa, Oscar Albayalde at marami pang iba.
Nahaharap ngayon si Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands. Kaugnay ito ng mga pagpatay mula 2011 hanggang 2019 bilang alkalde ng Davao City, pinuno ng Davao Death Squad at pangulo ng Pilipinas.
Bukod pa rito, tinataya ng mga grupong pangkarapatang pantao na aabot sa 30,000 ang pinaslang sa mga operasyon kontra droga ng rehimeng Duterte, malayo sa mahigit 6,000 na bilang ng pulisya.

Nitong Mar. 14 ng gabi, oras sa Pilipinas, humarap sa unang pagkakataon si Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I para ipaalam sa kanya ang mga kasong nakasampa laban sa kanya at kanyang mga karapatan.
Dumalo si Duterte sa pamamagitan ng video conference dahil masama umano ang kanyang pakiramdam ayon sa kanyang abogadong si dating Executive Secretary Salvador Medialdea. Sinabi naman ng mga doktor ng ICC na nasa maayos na pag-iisip at kalusugan si Duterte.
Sa puntong ito, itinuturing pa lang na suspek si Duterte. Ituturing siyang akusado kung makukumpirma ang mga kaso laban sa kanya.
Itinakda ng ICC Pre-Trial Chamber I ang kumpirmasyon ng mga kaso sa Set. 23, 2025.