Eleksiyon

Politika ng sarbey, kakulangan sa metodolohiya


May mga kinakailangang isaalang-alang ang mga institusyon na nagsasagawa ng mga sarbey upang matiyak na tama ang pagsasagawa nito at kinakailangan na binabalanse ito ng mga botante na kritikal at mapanuri.

“Hindi ko pa alam ngayon kung sino ang iboboto ko. Sa sobrang busy ko sa trabaho hindi ko pa naitatak sa isipan ko na halalan,” sabi ni Marcelita (hindi niya tunay na pangalan), isang security guard sa Ateneo de Manila University (ADMU).

Rehistradong botante si Marcelita, pero dahil sa mahabang oras ng trabaho, ihinahabilin niya na lang sa kanyang mga anak ang pagpili ng mga ibobotong kandidato.

Para sa mga kagaya niya na nauubos ang oras sa trabaho, malaking tulong daw ang mga sarbey na inilalabas ng iba’t ibang mga institusyon dahil nagiging daan daw ito para matuklasan ang mga plataporma ng mga kandidato. 

Kamakailan lang naglabas ng voter preference survey para sa mga tumatakbong mga senador ang Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) na dalawa sa mga pinakakilala at malaking pribadong institusyon sa larangan ng estadistika. 

Hangarin ng mga sarbey na ito ang makuha ang pulso ng mga botante sa darating na halalan. Sa katunayan, dalawang desisyon ng Korte Suprema, GR No. 133486 at GR No. 147571, ang direktang itinataguyod ang kapakanan ng mga opinion polling sapagkat idineklara ng hukuman na pasok sa ilalim ng Saligang Batas ang freedom of speech and of expression ang pagsasagawa nito.

Ayon sa website ng Pulse Asia, hangarin ng kanilang mga sarbey ang pagbabantay sa mga susing isyung panlipunan at naniniwala sila na ang pagsukat sa pulso ng publiko ay isang mahalagang sangkap sa pagbuo ng isang matatag na demokrasya.

Para naman sa SWS, isinasagawa nila ang mga sarbey upang ipagbigay-alam sa publiko ang mga kondisyon ng lipunan at ang mga hinaing ng mga mamamayan nang sa ganoo’y matugunan ito. 

Ayon sa sarbey ng dalawang institusyon, ang mga sumusunod na mga kandidato sa pagkasenador ang nangunguna sa mga botante: 

Social Weather StationsPulse Asia
Top 12
Tulfo, Erwin (LAKAS)Tulfo, Erwin (LAKAS)
Go, Bong Go (PDPLBN)Go, Bong Go (PDPLBN)
Lapid, Lito (NPC)Sotto, Tito (NPC)
Sotto, Tito (NPC)Tulfo, Ben Bitag (IND)
Tulfo, Ben Bitag (IND)Cayetano, Pia (NP)
Bong Revilla, Ramon, Jr. (LAKAS)Bong Revilla, Ramon, Jr. 
Cayetano Pia (NP)Marcos, Imee, R. (NP)
Lacson, Ping (IND)Lacson, Ping (IND)
Dela Rosa, Bato (PDPLBN)Revillame, Willie Wil (IND)
Pacquiao, Manny Pacman (PFP)Dela Rosa, Bato (PDPLBN)
Binay, Abby (NPC)Binay, Abby (NPC)
Revillame, Willie Will (IND)Pacquiao, Manny Pacman (PFP)
Close to the 12th 
Villar, Camille (NP)Villar, Camille (NP)
Marcos, Imee (NP)Lapid, Lito (NPC)
Pangilinan, Kiko (LP)Pangilinan, Kiko (LP)
Abalos, Benhur (PFP)Honasan, Gringo (RP)
Aquino, Bam (KNP)Abalos, Benhur (PFP)

Kapansin-pansin ang magkahawig na mga pangalan ng mga tumatakbong senador. Ang pangunahing pagkakaiba lang sa kanilang nakalap na datos ay ang ranggo na kinabibilangan ng bawat senador.

Partikular na dito ang malaking pagkakaiba sa ranggo ng mga kandidato na sina Imee Marcos na pang pito sa sarbey ng Pulse Asia ngunit pang 14 sa sarbey ng SWS at si Lito Lapid na pangatlo sa sarbey ng SWS ngunit pang 14 sa sarbey ng Pulse Asia. 

Gayunpaman, higit na malaki ang pagkakaiba ng mga kalakip na pangalan kung titingnan ang sarbey na isinagawa ng Center for Student Initiatives na sinentro ang kanilang pagsasagawa sa sektor ng kabataan. Ayon sa kanilang nakalap na datos, ang mga sumusunod na kandidato ang matunog sa pulso ng mga kabataan:

Senatorial Preference 
Aquino, Bam
Brosa, Arlene
Pangilinan, Kiko
Binay, Abby
ONG, Wille
De Guzman, Leody
Lacson, Ping
Espiritu, Luke
Mendoza, Heidi
Castro, France
Abalos, Benhur
Cayetano, Pia

Kung ikukumpara ito sa mga nabanggit na sarbey, makikita na si Ping Lacson ang kaisa-isang kandidato na nabanggit ng kabataan na pasok sa listahan ng Pulse Asia at SWS.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority, kabataan ang bumubuo sa mahigit 28% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas. Ayon naman sa Commision on Elections (Comelec), mahigit 21.87 million o 28.79% ng lahat ng mga botante ay mula sa kabataan.

Kung tinatayang pulso ng mga botante ang ibig makuha ng Pulse Asia at SWS, ibig sabihin ba nito na kinaligtaan nila angkabataan na may malaking bilang ng mga botante? 

Ayon sa pagbubuod ng datos mula sa GMA Integrated News Research, may limang mga kategorya ang kabuuang populasyon ng mga botante na nahahati sa araw ng kanilang kapanganakan:

KapanganakanBilangPorsiyento
Millennials (1981-1996) 25.94 million34.15%
Generation Z (1997-2007)21.87 million28.79%
Generation X (1965-1980)17.64 million23.22% 
Baby Boomers (1946-1964) & Silent Generation (1928-1945) 10.50 million13.83%

Mahigit 63% ng populasyon ng mga botante ang mula sa Gen Z at Millennial na edad 18 hanggang 44. Ayon sa Comelec, ang mga edad 18 hanggang 40 ay pasok pa rin sa kategorya ng tinaguriang “youth vote.”

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Pilar Berse, propesor ng agham pampolitika sa ADMU, na ang kabataan ay binubuo ng iba’t ibang mga hinaing, karanasan at pag-uugali. Dahil dito, mahirap tantiyahin ang pagkakapareho ng kanilang mga desisyong pampolitka.

Binubuo ng iba’t ibang mga katangian ang mga kategorya ng populasyon ng mga botante kaya’t para tunay na mailarawan ang pulso ng taumbayan, kinakailangang ipakita ng parehong institusyon ang kanilang pamamaraan at pagbubuod ng mga edad na kinuhanan nila ng panayam.

Sa pahayag ng mga propesor ng University of the Philippines (UP) School of Statistics, may mga kinakailangang isaalang-alang ang mga institusyon na nagsasagawa ng mga sarbey upang matiyak na tama ang pagsasagawa nito at kinakailangan na binabalanse ito ng mga botante na kritikal at mapanuri.

Ilan lang sa mga salik ng isang sarbey ang kinakailangan isaalang-alang ng isang institusyon, ayon sa Philippine Institute for Development Studies, ay ang mga tanong, sample size at kung paano pinili ang mga kalahok sa pagsasagawa nito. 

“Inilalahad ng mga sarbey ang mga katotohanan, paniniwala, sentimyento, at opinyon ayon sa mga representasyon ng populasyon. Gayunpaman, ang kalidad ng hinuha ay hindi dapat hinihigitan ang kalidad ng metodolohiya kung saan nakasandig ito. Ang isang metodolohiya na may kinikilingan ay magluluwal lamang ng mga resulta na may kinikilingan,” pahayag ng mga propesor ng UP School of Statistics. 

Hinggil dito, kaunti lang ang alam ng publiko ukol sa metodolohiya ng mga pinakamalaking institusyon.

Ayon sa isang panayam ng CNN Philippines kay Leo Laroza noong 2017, direktor ng communications and information technology ng SWS, may limang hakbang sa proseso ng pangangalap nila ng datos: pagbuo ng mga questionnaire, pagtukoy sa sample size (kabuuang bilang ng mga kalahok sa pananaliksik), pagpili at pagpapaliwanag sa mga kalahok, pagproseso sa datos, at pagsuri sa impormasyon. 

Tahimik ang Pulse Asia ukol sa metodolohiya nila ngunit naglalabas ito ng mga taunang ulat kasama ng mga sarbey na inilalathala nila.

Ayon sa ulat ng SWS noong 2019, mayroong apat na hakbangin sa pagsasagawa nila ng mga sarbey: pagbuo ng mga questionnaire, pagsasagawa ng mga panayam, paglalagay ng datos, at pagsusuri sa nakalap na datos. 

Makikita na mayroong masidhing kakulangan sa mga isinapublikong impormasyon ang dalawang institusyon ukol sa mga espisipikong mga detalye upang masuri ng taumbayan ang katibayan ng kanilang mga sarbey.

Sa katunayan, minsang naging tanggapan ng puna ang Pulse Asia sa pagsasagawa nito ng kanilang sarbey sa halalan noong 2022.

Ayon kay Romulo Virola, dating secretary general ng National Statistical Coordination Board, kulang sa representasyon ang pananaliksik ng Pulse Asia sa mga botante na edad 18 hanggang 41 na sangkot sa kategorya ng “youth vote.” 

Kung ikukumpara ang mga sarbey, maaaring isang marka ito ng kakulangan sa kanilang metodolohiya na nagluluwal ng hindi patas na representasyon sa mga sektor at mababang kalidad ng hinuha.

Importanteng bigyang-diin na ang mga kandidato, kaalyadong partido nito, kompanya, o grupo ng partikular na industriya ay maaaring magkomisyon ng sarbey mula sa dalawang nabanggit na pinakamalaking institusyon.

Maaari din itong isagawa bilang parte ng kanilang pangkaraniwang serye ng pangangalap ng datos kagaya ng inilarawan na sarbey ng Pulse Asia na parte sa kanilang tinatawag na “Ulat ng Bayan.”

Sa katunayan, komisyon ng Stratbase Group ang sarbey ng SWS na inilarawan kanina. Bagaman isang akademikong think tank ang organisasyong ito, kabilang sa mga board of trustees ng ADR Institute sina Benjamin Philip Romualdez, nakababatang kapatid ni Imelda Marcos at ama ni Speaker Martin Romualdez, at ang malapit na kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Manny Pangilinan na tumatayong co-chairman nito. 

Kung ihahambing ito sa mga tumatakbong kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang senate slate na inendorso ni Marcos Jr., makikita na siyam mula sa kanilang koalisyon ang kabilang sa “Magic 12” na iboboto ng mga kalahok na botante na may tatlong mga kandidato lamang na malapit sa dulo ng listahan. 

Paliwanag ni Tomasito Villarin, guro ng agham pampolitika sa ADMU, na umusbong ang politika sa likod ng mga sarbey kung titingnan ang mga nagkomisyon nito.

Kung parte daw ito ng mga akademikong institusyon na walang partido, maaari daw na walang politika sa magiging resulta nito. Kritikal daw na malaman ng publiko kung ano ang obhetibo at hangarin ng bawat institusyon na nagkomisyon ng sarbey. 

“Sa mga Pilipino, mayroon tayong isipan ng liyamado at dehado kung saan gusto natin tumaya sa liyamado. ‘Yan talaga ang naging epekto ng mga sarbey sapagkat may kakayahan itong hikayatin ang mga tao na bumoto ayon sa mga kandidato na nangunguna sa sarbey. Pangalawa, mayroon din tayong ‘bandwagon mentality’ kung ito na ang mga kandidato na iboboto ng mga botante, ito na rin ang iboboto nila,” paliwanag ni Villarin tungkol sa epekto ng mga sarbey sa mga botante.

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, pito sa mga tumatakbong kandidato sa mga sarbey na ito ay may kinakaharap na kaso ng korupsiyon noon at ngayon.

Dagdag na paliwanag ni Dennis Coronacion, propesor ng pampolitika sa University of Santo Tomas, na ang ang taong bumoboto sa “popular” na kandidato ay maririnig na ang mga pangalan na ito kase parte na sila ng mga dinastiya na matagal nang nasa kapangyarihan.

Sa kabuuan, malaki ang papel ng mga sarbey sa konteksto ng halalan. Bukod sa kakayahan nito na impluwensiyahan ang mga botante, nagiging lunsaran din ito upang ipasok ang mga pansariling interes ng mga politikal na partido.

Bunsod ito ng patuloy ng pangangailangan ng ating bayan ng isang matatag na voter education na nakasandig sa kritikal at mapanuring pagtingin sa mga kandidato.