Pop Off, Teh!

Red flag


Magtataka pa ba tayo na nananatili tayo sa mga mapang-abusong relasyon? Indikasyon ang mga pinipili nating lider sa kung paano tayo pumipili ng mga karelasyon natin.

Nasubukan mo na bang umibig tapos sa huli, naghiwalay din kayo kahit kayo pa ang ultimate love team?

Hindi lahat ng kuwento ng pag-ibig ay nagtatagumpay at nagiging happily ever after. Bakit nga ba pag-ibig ang naisip kong ikuwento gayong tapos na ang buwan ng pag-ibig?

Napanood namin ng mga kaibigan sa Gantala Press ang “Ex, Ex Lovers” at nakikiisa kami sa punto ni Joy (Jolina Magdangal) na wala pang diborsyo sa Pilipinas kaya kahit gusto na niyang makalaya kay Ced (Marvin Agustin), nakatali pa rin siya sa isang relasyong ayaw na niya.

Tapos, nagkokontrabida na siya sa anak niyang maagang mag-aasawa ng isang lalaking hindi makapagpasya at nakabatay lahat ng desisyon sa kanyang mga matapobreng magulang.

Maraming nakakatawa at nakakakilig na eksena, marahil ay dahil sa pagkahumaling natin sa nostalgia kaya madali tayong kiligin at matawa sa mga eksena nina Marvin at Jolina.

Natuwa kami sa pelikula dahil sa mga mahahalagang isyung ibinukas ng “Ex, Ex Lovers.”

Una, hindi laging masaya ang mga relasyon. Hindi porke’t nagmamahalan ang dalawang tao, kailangan nilang magsama sa ngalan ng mga anak.

Ganyan ang palaging nagiging dahilan ng mga babaeng nananatili sa isang mapang-abusong relasyon—para sa mga bata—kahit sa totoo’y nalimas na ang respeto na siyang mahalagang bahagi ng relasyon.

Pangalawa, laging dehado ang babae sa mga relasyong inaabandona ng lalaki. Ang gawaing kalinga ay nakaatang sa babae at madalas, siya ang kumakargo ng bigat ng pagtataguyod sa pamilya.

Pangatlo, hindi porke’t nagkakaayos ang magkarelasyon, puwede na silang magbalikan. Mainam na bumalik ang respeto at pagtitiwala, ngunit hindi iyon nangangahulungan na dapat nang magbalikan ang dalawang taong naghiwalay na. Maaari pa ring silang maging magkaibigan ngunit kailangan ay may pagitan, may hanggahan. Sabi nga ni Joy, naibalik niya ang kanyang sarili nang mag-isa. 

Ayon sa Gabriela Women’s Party (GWP), madali para sa mga Pilipino na paniwalaang perpekto at walang alitan sa mga pamilya ngunit ang totoo’y nababalot ito ng mga usaping politikal, pang-ekonomiko at panlipunang salik na nakasisira sa mga relasyon at nagdudulot pa nga ng mga di pagkakapantay-pantay at karahasan.

Sa ulat ng 2022 National Demographic and Health Survey na binanggit ng GWP, 18% ng kababaihang may karelasyon o may asawa ang nakaranas ng karahasan, habang 40% naman ng kababaihang nasa edad 15 hanggang 49 ay nakaranas ng pagkontrol mula sa kanilang mga karelasyon o asawa.

Kaya nga kailangan ang mga batas tulad ng diborsyo upang mas madaling makalaya ang babae o ang sinoman sa mga mapang-abusong relasyon. 

Pero magtataka pa ba tayo na nananatili tayo sa mga mapang-abusong relasyon? Indikasyon ang mga pinipili nating lider sa kung paano tayo pumipili ng mga karelasyon natin.

Ngayon ngang eleksiyon, pinipili pa rin nating manatili sa malalim na relasyon natin sa mga politikong mapang-abuso kahit may mga iba namang puwedeng pagpilian tulad ng mga may tunay na malasakit sa bayan. Ngingitian lang tayo’t bobola-bolahin, iboboto na natin sila.

Okay lang sa atin ang magtiis sa mga mapang-abuso tulad ng mga may kaso ng panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso, lider ng paramilitar at may pakana sa Oplan Tokhang, at kung ano-ano pang mga kasong nakakabit sa kanila. Sapat na sa atin ang mga pipitsuging politiko na sasayaw-sayaw at nagpapamudmod ng pera. Nagkakasya tayo sa mga red flag.

Sana ay matuto tayo tulad ni Joy na pinalaya na ang sarili mula sa mga taong mapagsamantala. Hindi sapat na gunitain lang ang buwan ng kababaihan. Panahon din ang buwan ng kababaihan upang itaas ang maraming talakayan patungkol sa kabutihan ng kababaihan at ng bayan.

Gaya nga ng nangyari kay Joy, pinili niya ang landas kung saan magiging buo ang kanyang pagkatao. Tularan natin si Joy—gamitin ang ating sariling pagpapasya upang buksan ang maraming larangan kung saan hindi mapag-iiwan at lalaya ang bawat babae kasama ang bayan.