Sobrang Latina
Mainam na paglimian ang paniniwalang ang istandard ng kagandahan ay pagiging mukhang Latina. Hindi makeup o anggulo o filter ang dapat maging batayan ng kagandahan.

Marahil isa ka sa mga gumagamit ng mga salitang “sobrang Latina…ang ganda-ganda mo!” (tinanggal ko na ang nagmumurang parte, siyempre) para ilarawan ang sarili o mga taong malapit sa iyo na sa palagay mo ay maganda.
Ang “sobrang Latina” ay pauso ng content creator na si Sesable na bentang-benta sa social media. Nag-make up siya at inilagay niya sa caption niyang “POV: Sobrang ganda ng makeup ko.” Bentang-benta ang script na ito lalo na sa kababaihan sa Tiktok na nalulugod sa kanilang makeup.
Bakit nga ba sobrang Latina at hindi Pilipina? Larawan kaya ito ng pagtatangi natin sa istandard ng kagandang itinatakda ng mga dayuhan? Ibig bang sabihin nito ay pasok ang kagandahan natin kahit na napakaraming Pilipina ang naging kinatawan ng bansa sa mga beauty pageant?
Masasabing ang gandang Latina ay naging istandard, lalo sa isang panahon sa Pilipinas kung saan naging patok ang telenovela. Sino ba ang makalilimot kina Marimar, Maria La Del Barrio, Maria Mercedes, at Rosalinda?
Nagpakilala ang pagsikat ng mga telenovela at maging ng teleserye ng atrasadong pananaw patungkol sa kagandahan at sa pagkababae. Dahil bida na ang babae, animo’y tumataas ang kanyang estado kahit pa ang kanyang pagkababae ay hinuhulma ayon sa kita ng industriya ng midya.
Ayon kay Naomi Wolf sa kanyang librong “The Beauty Myth,” nagdudulot ng matinding presyur sa kababaihan ang pagbabago ng kanilang estado kaya natatali rin sila sa ‘di makatotohanang panlipunang istandard ng pisikal na kagandahan na pinaiigting ng midya.
Sa huli, ang ideya ng kagandahan ay nakabatay na sa pisikal na hitsura. At sino pa nga ba ang makikinabang sa obsesyong ito sa kagandahan kundi ang mga kapitalista?
Pansinin na dumarami ang mga nagbebenta ng cosmetics sa ngayon. Hindi na nga ako magkamayaw sa pagpili kung ano ang bibilhin ko. Paano’y lahat sila, nangangako na magiging maganda ako! Na kailangan ko ang lahat ng kulay ng lipstick o blush on para maging kakaiba ako.
Siyempre, hindi naman tayo ipokrita. Bumibili ako at sa dami ng nabili ko, natanto kong pare-pareho lang naman ang kulay ng makeup (mura man o mahal) kapag lumapat na sa mukha.
Gayunpaman, hindi tumitigil ang mga karaniwang mahilig sa kolorete sa pagbili lalo pa’t paulit-ulit ang impluwensiya ng mga vlogger at influencer sa social media sa mga produkto. Kumbaga, nadedesentisa na tayo sa kaka-hi guys nila at naniniwala na tayo na kailangan natin ang mga bagay na wala naman talagang halaga at nag-aambag pa sa maramihang produksiyon at murang lakas paggawa.
Ang mga influencer na ngayon ang nagtatakda ng istandard ng maganda—kung ano ang hitsura ng “sobrang Latina.” Ang ‘di direktang sabwatang ito ng mga kompanya at influencer ay nagtutulak ng nakababahalang konsumerismo na hindi lang nakasisira ng pagpapahalaga sa sarili kundi maging ng kalikasan.
Mainam na paglimian ang paniniwalang ang istandard ng kagandahan ay pagiging mukhang Latina. Hindi makeup o anggulo o filter ang dapat maging batayan ng kagandahan.
Hindi, hindi ko naman pinipigilan ang mag-makeup tayo—palagi ko ngang pinu-push si UP Faculty Regent Early Sol Gadong na mag-makeup para nakahanda siyang sumabak sa mga pakikibaka ng kaguruan.
Ngunit hindi lang ang nakikita natin sa social media ang dapat na makaimpluwensiya sa atin na maging maganda. Marami pang larangan kung saan maaaring ipakita ng mga Pilipina ang kanilang kagandahan.
Halimbawa noong nag-guest sina France Castro at Arlene Brosas sa mga interbyu sa telebisyon, ipinakita nila ang pagiging kalmado, matalas at direkta sa punto ang pagsagot sa mga isyu ng bayan. Pinatunayan nilang ang talas at sinseridad na maglingkod sa bayan ay batayan ng kagandahan, kagandahang hindi niretoke o kinukulayan.
Bilang KJ ako, huwag nating hayaang diktahan ng social media ang ating ganda. Hindi naman masamang gamitin ang sobrang Latina, ngunit dapat din mayroon tayong kalayaan na pumili kung ano ang nais nating gamitin sa ating mga mukha at katawan nang walang panghuhusga.
At ang kalayaang ito ay marapat na hindi nakatali sa dayuhang konsepto. Hindi sobrang Latina kundi sobrang Pilipina—maganda at matapang na Pilipina! Makabuluhang Buwan ng Kababaihan!