Tuloy ang laban ng makabagong Gabriela
Dadalhin ulit ng Gabriela Women’s Party sa Kongreso ang mga kongkretong hakbangin para itaguyod ang mga karapatan ng kababaihan, bata, LGBTQ+, magsasaka, tanggol-kalikasan at maralitang Pilipino.

Kakabit na ng pangalang Gabriela ang katapangan at pagiging isa sa laban ng masang anakpawis. Patunay diyan ang partidong higit 25 taon ng naglilingkod sa mamamayan.
Ang Gabriela Women’s Party ay ang natatanging representante na patuloy na nagpapanalo ng karapatan at kapakanan ng kababaihan, kabataan at komunidad ng LGBTQIA+ sa Kamara.
Ilan sa mga batas na itinaguyod ng grupo ang Expanded Maternity Leave Law na binibigyang 105 araw na paid leave ang mga buntis na manggagawa, Occupational Safety and Health Law na tinitiyak ang kaligtasan ng bawat manggagawa at Anti-Age Discrimination in Employment Law na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa oportunidad sa trabaho batay sa edad.
Para ipagpatuloy ang serbisyo sa taumbayan, inihahain ng Gabriela Women’s Party ang mga makabayan at progresibong kababaihan na sina Sarah Elago bilang unang nominado, Cathy Estavillo bilang ikalawang nominado at Jean Lindo bilang ikatlong nominado.
Proteksiyon sa babae, bata at bayan
Maagang lumahok si Elago sa politika. Sinimulan niya ito sa politikang pangkampus at pagiging pambansang pangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at pagiging national convenor ng Rise for Education Alliance.
Nirepresenta dito ni Elago ang sektor ng mga kabataang estudyante mula pamantasan hanggang lansangan.
Sa edad na 25, naging kinatawan na si Elago ng Kabataan Partylist. Siya ang pinakabatang kinatawan mula Ika-17 at Ika-18 Kongreso na may inihaing mahigit 400 na panukalang batas.
Bagaman pinakabata at maraming panukalang batas, si Elago ang pinakamahirap na mambabatas na may net worth na P75,800 noong 2017 at P85,400 noong 2018 base na rin sa kanyang Statements, Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ngayon, bilang unang nominado ng Gabriela Women’s Party, tunay na representasyon at interes pa rin ng masa ang dadalhin ni Elago sa Kongreso.
Layunin ni Elago na amiyendahan at mas palakasin pa ang mga batas na naipanalo ng mga kababaihan tulad ng Anti-Violence Against Women and Children (VAWC) Law, Magna Carta of Women, Bawal Bastos Law at Anti-Rape Law.
Ayon kay Elago, sa kabila ng pagiging isang bansang may malalim na pananampalatayang Kristiyano, marapat pa rin na magkaroon ng puwang ang diborsyo at aborsiyon sa bansa upang bigyang proteksiyon hindi lang ang kababaihan kung hindi ang bawat mamamayan na nakakaranas ng kawalang respeto at abuso.
“Ang mga isinusulong naman nating batas ay nakabatay sa karapatang pantao at dignidad ng bawat mamamayang Pilipino kaya wala itong tatapakan na anumang paniniwala,” ani Elago
Hindi limitado sa kababaihan, kabataan at komunidad ng LGBTQIA+ ang interes na itataguyod ni Elago. Nariyan ang panawagan sa nakabubuhay na sahod at pagtitiyak na walang anumang porma ng abuso sa mga lugar ng trabaho.
“Ang isyu ng kababaihan ay kaugnay ng isyu ng ating bayan,” ani Elago
Bantay ng kababaihang magsasaka sa Kongreso
Mula sa pamilya ng mga magsasaka, mulat si Estavillo sa mahirap na kalagayan ng mga magbubukid sa bansa. Kagaya ng kanyang mga magulang, wala rin siyang sariling lupang sinasaka dahil iilang panginoong maylupa lang ang nagmamay-ari nito.
Bilang secretary general ng Amihan National Federation of Peasant Women, walang sawang ipinaglalaban ni Estavillo ang tunay na reporma sa lupa. Para ito sa ikabubuti hindi lang ng mga magsasaka kundi ng buong masang Pilipino dahil mas uunlad ang lokal na produksiyon ng pagkain.
Tagapagsalita rin siya ng Bantay Bigas, isang organisasyong naglalayong magkaroon ang mamamayan ng sapat, ligtas at abot-kayang bigas.

Ayon kay Estavillo, tunay ng inabandona ng kasalukuyang pamahalaan ang pagkakaroon ng seguridad sa pagkain dahil sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law o ang pagluluwag ng ating bansa sa pag-aangkat at bigas na ibayong inaabuso ng mga trader at middleman para baratin ang mga magsasaka at ibenta ang bigas sa mas mataas na presyo.
“Napakahalaga ng role ng mga kababaihan sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pagpapaunlad sa kanayunan dahil sila talaga ang todo-todong apektado sa tumitinding krisis na nararanasan natin,” ani Estavillo sa panayam sa Pinoy Weekly.
Isusulong niya ang pagpapahinto sa land use conversion, pagmiminang pumapatay sa ating kalikasan at mas bibigyang suporta ang lokal na produksiyon para sa abot-kayang presyo ng bigas.
“Ang pagtakbo ko sa Kongreso ay bahagi ng gawain sa kilusang masa. Kailangan ng boses sa Kongreso ng malawak na bilang ng mga magsasaka,” giit niya.
Walang ibang intensiyon si Estavillo kundi ang ilapit ang kahingian ng mga kababaihang magsasaka at ibasura ang mga hindi makatarungang polisiya ng pamahalaan.
Militanteng doktor para sa bayan
Serbisyong pangkalusugan, pagprotekta sa kalikasan at karapatan ng mga kababaihan, ito ang pangunahing panawagan at isusulong ni Lindo kung palaring makakuha ng tatlong puwesto ang Gabriela Women’s Party sa darating na eleksiyon.
Mahigit apat na dekada nang naglilingkod sa bayan si Lindo mula sa pagiging boluntir siya sa mga community-based health program at nakipamuhay sa mga komunidad sa Surigao del Sur.
Naging miyembro rin siya ng Alagad sa Maayong Panglawas noong 1982 na nagbigay daan sa kanya upang mas lalong umigting ang kagustuhan na makatulong sa mga ordinaryong Pilipino.
Ginamit ni Lindo ang kaalaman sa medisina bilang isang espesyalista sa anesthesiology upang tumulong sa mga katutubo na hindi naaabot ng serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Nakikipagtulungan din si Lindo sa kanyang mga estudyante na gumagawa ng mga pananaliksik tungkol sa kalagayan ng mga kababaihang bilanggo. Layon nito ang bigyang tugon ang mga pangangailangan nila sa serbisyo sa reproductive health.
Isa rin si Lindo sa mga aktibong tumuligsa sa gobyerno at mga negosyanteng patuloy na umaabuso sa kalikasan at nagtatayo ng mga coal-fired power plant sa Mindanao noong 2011 hanggang 2012.
“Hindi tayo katulad ng mga trapo diyan na pinapasok ang negosyo [sa politika] para magkapera. Human rights talaga at kailangan maging mainstream ang isyu ng mga community. They deserve to be listened to,” ani Lindo sa panayam sa Pinoy Weekly.
Maraming politiko ang nagsusulong ng kanilang pansariling interes ngunit nariyan si Lindo, isang doktor at aktibistang alam ang danas ng mga Pilipinong mula sa maliliit at mahihirap na komunidad.
Kababaihan, matapang at progresibo
Patunay sina Elago, Estavillo, Lindo at ang buong Gabriela Women’s Party ng hindi matitinag na tapang at dedikasyon ng mga kababaihan sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga marhinadong sektor.
Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap nila dahil sa bulok na sistemang nagpapahirap sa masang Pilipino, pinipili pa rin nilang magtaguyod ng isang makatarungan at maunlad na bansa para sa nakararami.
Dadalhin ulit nila sa Kongreso ang mga kongkretong hakbangin para itaguyod ang mga karapatan ng kababaihan, bata, LGBTQ+, magsasaka, tanggol-kalikasan at maralitang Pilipino. Lalaban muli para sa isang makatarungan at progresibong kinabukasan.