11 taon na panggigipit ng EDCA
Kung ipagpapatuloy ang EDCA, higit na manganganib ang kapakanan ng sambayanang Pilipino sa gitna ng alitan ng US at China.

Nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abr. 28, 2014 na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at United States (US) na nagbibigay ng akses sa mga tropang Amerikano sa mga base militar ng Pilipinas para umano palakasin ang kooperasyon sa seguridad.
Bahagi ng EDCA ang pagpapadala ng mga Amerikanong sundalo sa bansa at ang pagpapatayo ng mga permanenteng pasilidad sa limang kampo ng Armed Forces of the Philippines.
Tinutulan ito ng iba’t ibang progresibong grupo at naghain naman ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang prominenteng indibidwal na dating lumaban upang palayasin ang mga base militar ng US sa Pilipinas. Anila, labag ang kasunduan sa Konstitusyon. Kasama dito sina Roland Simbulan, Teddy Casiño at marami pang iba.
Sa kasamaang palad, idineklara ng Korte Suprema na konstitusyonal ang EDCA noong Enero 2016.
Lima ang orihinal na lokasyong napagkasunduan: Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base in Cagayan de Oro.
Sinubukang wakasan ng dating administrasyong Duterte ang EDCA at ang Visiting Forces Agreement noong 2020. Subalit hindi naman ito itinuloy.
Sa pagsapit naman ng Pebrero 2023, kaagad idineklara ng administrasyong Marcos Jr. at ng US ang pagpapatuloy at mas pinapabibilis na implementasyon ng EDCA.
May apat na karagdagang lokasyon ang napagkasunduan: Naval Base Camilio Osias at Lallo Airport sa Cagayan, Balacbac Island sa Palawan at Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela.
Kung ipagpapatuloy ang implementasyon ng EDCA sa bansa, higit na manganganib ang kapakanan ng sambayanang Pilipino sa gitna ng alitan ng US at China.
Matinding militarisasyon ang ginagawa ng US sa Pilipinas upang magsilbing bahagi ng kanilang pagpihit sa Indo-Pacific. Nasa higit 750 ang bilang ng mga base militar ng US sa buong mundo at kabilang na rito ang siyam ang Pilipinas.