7 pilgrimage site sa labas ng Kamaynilaan


Kahit naka-vacation mode, puwede pa ring paglaanan ng oras ang pagdalaw sa simbahan para manalangin at magnilay ngayong Semana Santa.

Marami sa ating mga kababayan ang nagbabakasyon sa ibang lugar o umuuwi sa kani-kanilang probinsiya tuwing Semana Santa. Magandang pagkakataon nga naman ang ilang araw na walang pasok sa trabaho o paaralan para makapagpahinga at makapamasyal kasama ang pamilya o mga kaibigan.

Ngunit kahit naka-vacation mode tayo, paglaanan pa rin natin ng kaunting oras ang pagpunta sa simbahan. Huwag nating kalilimutan ang tunay na dahilan ng mga Mahal na Araw: ang pagpapakasakit, pagkamatay sa krus at muling pagkabuhay ni Hesukristo.

Narito ang pitong pilgrimage site sa labas ng Kamaynilaan na maaari ninyong puntahan upang magnilay at manalangin ngayong Semana Santa.

Minor Basilica of Our Lady of Manaoag/Facebook

Kung may lakad sa Baguio City o Ilocos, puwedeng mag-side trip sa Basilika Menor ng Nuestra Señora del Santisimo Rosario de Manaoag. Kilala ang simbahan ng Manaoag sa dinarayong imahen ng Birheng Maria dahil sa mga sinagot na kahilingan at panalangin ng mga deboto.

Gawa sa garing ang pilak, dinala ng mga Espanyol ang imahen mula sa Acapulco, Mexico sa pamamagitan ng kalakalang galeon sa pagitan ng Maynila at Acapulco. Nasa pangangalaga ngayon ng mga paring Dominikano ang nasabing basilika at imahen.

Tourism Promotions Board Philippines/Facebook

Dinarayo ang bayan ng Lucban sa lalawigan ng Quezon hindi lang para sa Pahiyas Festival tuwing Mayo at sa malinamnam na longganisang Lucban, kundi pati na rin ang isang simbahan para humiling ng lunas sa mga sakit at karamdaman, pisikal man o espiritwal—ang Kamay ni Hesus Shrine.

Makikita sa burol sa tabi ng simbahan ang Stations of the Cross na may malaking rebulto ni Hesukristo na umaakyat sa langit sa tuktok. Maaaring akyatin ang burol habang nagdarasal ng Via Crucis kasama ang pamilya o mga kaibigan. Mayroon ding outdoor museum ng mga tagpo mula sa Bibliya.

Tourism Promotions Board Philippines/Facebook

Sa “Pilgrim City of Naga” mabibisita ang Peñafrancia Basilica na dinarayo ng milyon-milyong deboto mula sa buong Kabikolan at maging sa iba’t ibang dako ng daigdig lalo na tuwing buwan ng Setyembre—buwan ng mga kapistahan ng Divino Rostro at Nuestra Señora de Peñafrancia de Naga.

Sa basilika masisilayan ang orihinal na imahen ng Peñafrancia na tinatawag na “Ina” ng mga Bikolnon at deboto. Maaaring umakyat sa taas ng retablo ng basilika para mahipo ang manto ni Ina. Kung may ekstrang oras, maaari ring bisitahin ang unang tahanan ni Ina sa kalapit na Peñafrancia Shrine.

Santo Niño Basilica Website

Nananahan sa basilikang ito sa Cebu City ang pinakamatandang imahen ni Hesukristo sa Pilipinas, ang Santo Niño de Cebu. Pinamamahalaan ng mga Agustino ang basilikang itinuturing na National Historical Landmark, National Cultural Treasure at “Mother and Head of All Churches in the Philippines.”

Sinasabi sa mga tala ng kasaysayan na ibinigay ni Ferdinand Magellan ang mga imahen ng Santo Niño, Ecce Homo at Birheng Maria kay Hara Humamay (Reyna Juana) bilang regalo sa binyag noong 1521. Natagpuan muli ang Santo Niño nang salakayin ni Miguel Lopez de Legazpi ang isla noong 1565.

Pueblo de Panay/Facebook

Matatagpuan naman sa Tumandok Hill ang 40 metrong rebulto ng Sacred Heart of Jesus sa Roxas City, Capiz sa isla ng Panay. Ito umano ang pinakamataas na rebulto ni Hesukristo sa Pilipinas at ikaapat sa buong daigdig na natapos itayo noong 2015. Makikita rin ang tanawin ng buong lungsod mula sa Tumandok Hill.

Nasira ang unang kapilyang yari sa kahoy at nipa sa paanan ng rebulto noong 2019 sa pagsalanta ng Bagyong Ursula sa Kabisayaan. Nitong 2020 naman pinasinayaan ng Arkidiyosesis ng Capiz ang groundbreaking ng bagong dambana at patuloy ang pangangalap ng donasyon upang maitayo ito.

Philippine News Agency

Kung pupunta sa Cagayan de Oro City, madadaanan ang El Salvador City mula sa Laguindingan Airport. Sa El Salvador makikita ang isang malaking rebulto ni Hesus, ang Banal na Awa, sa Divine Mercy Hill. Maaaring akyatin ang 15 metrong rebulto para mamalas ang magandang tanawin ng Macajalar Bay.

Kung pupunta rito, magsuot ng naaayong kasuotan dahil may ipinatutupad na dress code para makabisita sa dambana. Tandaan na tuwing pupunta sa isang banal na lugar, huwag munang magsuot ng sleeveless, shorts at maiksing kasuotan. Maaari ring magdala ng balabal o sarong upang ipangtapis.

Transfiguration Abbey Bukidnon/Facebook

Nagsisilbing tahanan ng mga mongheng Benediktino ang monasteryo sa isang tahimik na pamayanan sa Hilagang Mindanao. Ayon sa ilang dumalaw, tanging panalangin at pag-awit ng himno ng mga monghe ang maririnig sa lugar. Dinisenyo ni National Artist for Architecture Leandro Locsin ang simbahan na natapos noong 1996.

Isang sikat na produkto ng mga monghe dito ang kanilang Monk’s Blend Coffee, kasama ang iba pang produktong puwedeng pampasalubong. Maaaring tumuloy sa monasteryo para mag-silent retreat, makipagkape at makipamuhay sa mga monghe. Wala mang nagpapaalala, mainam na panatilihin ang katahimikan bilang paggalang.