Antala sa MRT-7, antala sa komyuter


Marami ang makikinabang sa MRT-7 sa oras na matapos ito, pero sulit kaya ang malalang trapikong hatid ng konstruksiyon nito na inabot ng sari-saring aberya sa pagtatayo at pagkabalam ng pagbubukas?

Kasalukuyang estado ng estasyon ng MRT-7 Mindanao Avenue sa harap ng SM Fairview. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Alas-singko pala ng umaga, nag-aabang na agad ng bus sa Malaria, Caloocan City si Hurley Aranda, 57, para pumasok sa kanilang opisina sa Makati City na may layong 34.3 kilometro. Inaabot ang kaniyang biyahe ng halos dalawang oras na magpapalipat-lipat sa tatlo o apat na sasakyan.

“Kailangan ko talagang agahan para hindi ko makasabay ’yong maraming tao kaya bago mag-7 a.m., nasa opisina na ‘ko,” sabi ni Aranda, na mayroong flexible schedule sa trabaho. 

“Basta makawalong oras kami. Puwede naman akong pumasok ng mga 8 o 10 pero ayokong sumabay sa rush hour lalo na pag-uwi,” dagdag niya.

Magsisimula ang biyahe ni Aranda sa pagsakay ng bus papuntang Quezon Avenue para doon sumakay sa MRT-3 sa loob ng mahigit isang oras. 

Pero pagdating sa mga araw na matumal ang bus, napipilitan siyang sumakay ng dyip sa loob ng mahigit 20 minuto papuntang Nova Stop sa Novaliches para doon sumakay ng bus na biyaheng PITX sa Parañaque City na dadaan sa Quezon Avenue.

Alas-singko ng umaga sa waiting shed sa Malaria, Caloocan City kung saan sumasakay ng bus ang mga emplayadong nasa Kamaynilaan ang trabaho. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Sunod na maghihintay ng tren si Aranda sa istasyon ng Quezon Avenue papunta sa istasyon ng Ayala na nasa pagitan ng walong estasyon at magtatagal ang kanyang biyahe sa loob ng 25 hanggang 35 minuto kasama ang paghihintay sa tren.

Sunod na siyang maglalakad sa loob ng 10 minuto pagdating niya sa istasyon ng Ayala para sumakay naman ng bus papunta sa kanilang opisina sa Paseo de Roxas.

“Masaya naman akong naglalakad ako kasi physically active akong tao,” aniya.

Inaabot lang ng dalawang oras ang biyahe ni Aranda papuntang opisina sa umaga, pero pagdating ng kanyang uwian sa hapon, nag-iiba ang daloy ng kanyang byahe dahil umaabot na sa tatlo hanggang tatlo’t kalahating oras ang kanyang biyahe.

“Hirap na ngang sumakay, ang lala pa ng traffic. Lalo na pagdating do’n banda sa’min [sa Quirino Highway], halos isang oras ang traffic dahil sa ginagawang MRT,” kuwento niya na may halong pagkadismaya. 

Konstruksiyon ng MRT-7 ang tinutukoy na MRT ni Aranda na patuloy na kumakain ng oras ng bawat komyuter at drayber dahil sa lumalalang dalang trapiko nito.

Taong 2001 nabuhay ang planong pagsasagawa ng MRT-7 para matugunan ang lumalalang trapiko sa Kamaynilaan at mga karatig lugar nito. Pagdating ng taong 2008, inapubrahan ito ng National Economic and Development Authority (NEDA) bilang isang proyektong Build-Operate-Transfer (BOT).

Isang batas ang BOT o Republic Act 6957 na naglalayong hikayatin ang mga pribadong sektor sa paglahok sa pagpapatayo ng mga proyekto kung saan inaanyayahan silang pondohan at pangunahan ang proyekto bago maipasa ang pagmamay-ari nito sa gobyerno makalipas ang nakatakdang panahon.

Makalipas ang limang taon, muling inaprubahan ang proyekto noong 2013 at pinaplano na ang paghahanap ng mga pribadong sektor na magpopondo rito.

Mga riles ng tren mula Fairview, Quezon City papuntang San Jose del Monte City, Bulacan na nagiging sanhi ng trapiko sa bandang Lagro sa Quezon City. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly 

Taong 2015 naman nang natapos ang financial closure kung saan nakumpleto na ang planong pinansiyal para sa proyekto at sabay na pumirma ang San Miguel Corporation (SMC) ng kontrata sa pagitan ng gobyerno.

Abril 2016 nang pormal na magsimula ang konstruksiyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III. 

Sa pag-umpisa pa lang ng konstruksiyon, hindi na naiwasan ang matinding trapikong hatid nito. 

“Naalala ko noon [2016], bigla na lang nagkaroon ng trapiko isang araw habang nasa biyahe ako papasok sa trabaho ko sa may Litex,” salaysay ni Daisy Ondevilla.

Pagpatak ng taong 2017, sinimulan nang itayo ang mga viaduct o ang mga impraestrukturang tinatayuan ng mga riles ng tren sa bandang Commonwealth Avenue, mula sa Quezon Memorial Circle hanggang Fairview na may layong 14.2 kilometro.

Tumagal nang dalawang taon ang pagtatayo ng mga viaduct na nahinto noong 2019 dahil nagkaroon ng mga problema sa pagproseso ng permiso sa bawat right-of-way (RoW) na madadaanan ng proyekto.

Tinatayong poste sa bandang Malaria, Caloocan City papuntang San Jose del Monte City, Bulacan. Isa rin ito sa mga nagpapabigat ng trapiko papuntang Bulacan. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly 

Nang nagkaroon ng pandemya noong 2020, pansamantalang nahinto ang proyekto sa loob ng dalawang buwan at isa ito sa mga rason kung bakit bumabagal ang pagtatapos ng proyekto.

Ayon sa SMC, kailangan nilang ituloy ang konstruksiyon kahit na may mga restriksiyon noon para hindi lalong maantala ang proyekto.

Kaya pagdating ng 2021, naabot ang 54% na kabuuang kalagayan ng proyekto. Sa parehong taon rin, buwan ng Setyembre nagdatingan ang unang hanay ng bagon ng mga tren mula sa South Korea ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Noong Mayo 2022, umabot na sa Quirino Highway mula sa SM Fairview, Quezon City hanggang sa San Jose del Monte City, Bulacan ang pagsasagawa ng proyekto.

Kasabay ng konstruksiyon ang pagbigat ng trapiko dahil sa mga naglalakihang bulldozer na nagbubutas sa gitna ng kalsada para maitayo ang mga poste na sumusuporta sa bawat viaduct.

“No’ng wala pang [MRT-7 construction dito], isa’t kalahating oras hanggang dalawang oras lang ‘yong biyahe ko pauwi. Ngayon, umaabot na sa tatlo hanggang tatlo’t kahalahating oras na,” kuwento ni Aranda na kakikitaan ng pagod sa kanyang mga mata.

Bukod kay Aranda, marami ring mga estudyante ang apektado ng lumalalang trapikong dulot ng antala ng konstruksiyong ito.

“Seven a.m. ang pasok ko pero 5 a.m. pa lang, umaalis na agad ako ng bahay,” kuwento ni Benedick Zuñiga, 19 anyos, isang estudyante sa Our Lady of Fatima University Quezon City na may layong 6.4 kilometro mula sa kanyang tirahan sa Caloocan City.

Malapit lang kung tutuusin ang tirahan ni Zuñiga mula sa kanyang paaralan pero nang dahil sa malalang trapikong dulot ng antala sa konstruksiyon, kinakailangan niyang umaalis nang maaga para hindi mahuli sa kanyang mga klase.

Noong Hunyo 2024, ayon sa DOTr, ang ikaapat na kwarter ng 2025 ang target nila para simulan ang partial operation ng MRT-7 pero dahil nasa 71.67% pa lang ang estado nito noong Hulyo 2024 at may problema pa sa RoW sa bandang Bulacan, maaantala ang kabuuang operasyon nito hanggang 2027 o 2028.

“Nakakainis, may target [na petsa] tapos hindi naman natuloy. Nilalaktawan kasi nila ‘yong paggawa kaya ganun bungi-bungi, nagkaroon ng trapiko, unlike doon sa abroad, sunod-sunod ‘yong paggawa nila ng mga riles at estasyon,” sabi ni Aranda na may halong pagkadismaya.

“Sobrang nakakaapekto na sa trapiko yung delay ng [konstruksiyon ng] MRT-7 tsaka nakakaabala na sobra sa lahat ng mga komyuter,” aniya Zuñiga.

Sa kasalukuyan, imbis na makatulong ang MRT-7 sa mga komyuter, lalo lang nitong pinapabigat ang trapikong kumakain sa oras ng lahat ng nasa kalsada.

Mga komyuter na naipit sa gitna ng trapiko bandang Amparo, Caloocan City, alas-sisyete pa lang ng umaga. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

“Sana nga matapos na [ang MRT-7] para makatulong sa akin pag nagtatrabaho na ako lalo na’t mas gusto ko ang nagkokomyut kaysa magmaneho,” aniya.

Nasasayang ang mahahalagang oras ng bawat komyuter dahil sa patuloy na lumalalang trapiko na dapat inilalaan nila sa pagpapahinga at paggawa ng mga gawaing bahay at takdang-aralin.

“Masakit sa likod tsaka sa binti,” kuwento ni Aiza Ignas, 19 anyos, isang estudyante sa Philippine Normal University na nakatira sa Bagong Silang, Caloocan City.

“‘Yong delay na ‘to [ng MRT-7], nagsasanhi pa ng trapiko imbis na ito ‘yong makalutas sa problema natin sa trapiko,” aniya.

Inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe ni Ignas lalo na at 5 p.m. ang kanyang uwian—rush hour kung saan nag-aagawan ang maraming komyuter ng masasakyan.

“Grabe ang trapiko sa Fairview Center Mall, nagtatagal kami do’n nang mahigit isang oras,” dagdag pa niya. 

Nasa 30.6 kilometro ang layo ng paaralan ni Ignas mula sa kanilang tirahan, mas pinili niya ang magkomyut araw-araw kaysa umupa ng dorm na malapit sa paaralan.

“Iba pa rin kasi ‘yong pakiramdam ‘pag umuuwi ka sa pamilya mo, kahit mahaba ang biyahe ko, medyo nawawala naman ‘yong pagod ko,” kuwento ni Ignas na may ngiti sa kanyang mukha.

Kung matatapos na ang konstruksiyon ng MRT-7, isa si Ignas sa mga matutulungan nito kasama na rin ang iba pang mga komyuter na nagtatrabaho at nag-aaral sa Kamaynilaan.

“Dahil hindi na-achieve ‘yong initial date, kailangang bumili nang bumili pa ng mga materyales tapos yung pagpapasahod pa sa mga workers. ‘Yong mga tax natin, napupunta at napupunta na lang do’n imbis na mapunta rin sa iba pang bagay,” nanghihinayang na sabi ni Ignas.

Araw-araw na paghihirap ng mga komyuter anumang oras sa modern jeep—siksikan at tayuan. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Hindi tulad ni Ignas na nagkokomyut araw-araw, kabaliktaran ang sitwasyon ni Ginger Tamayo, 19 anyos, isang estudyante sa Polytechnic University of the Philippines na napiliting magdormitoryo sa Sta. Mesa, Maynila.

Nakatira si Tamayo sa kahabaan ng kalsada ng Pangarap, Caloocan City na may layong 30 kilometro mula sa kanyang paaralan.

“Pinili ko ang mag-dorm dahil sa sistema ng transportasyon at ‘yong trapiko sa amin,” bigkas ni Tamayo.

“Mahirap bumiyahe kasi ang estimated travel time ay dalawa hanggang tatlong oras papunta tas gano’n din ‘pag pabalik,” dagdag pa niya.

Marami na ang magagawa sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras na nasasayang dahil sa trapiko. Sa karanasan ng iba, maaari nang marating ang ilang pasyalan sa ganitong karaming oras.

“No’ng nagpunta kami sa Tagaytay galing Fairview [sa Quezon City], inabot lang kami ng dalawang oras no’n,” bigkas ni Christian Jay Viray, 20 anyos, isang estudyante ng civil engineer sa National University Fairview na nagbakasyon sa Tagaytay.

Nasa 84.8 kilometro ang layo ng Tagaytay mula sa Fairview, mas malayo kumpara sa bawat lugar sa Kamaynilaan at North Caloocan pero mas madali ang biyahe rito. 

Kaya kung matatapos na ang konstruksiyon ng MRT-7, malaki ang magiging papel nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat komyuter at drayber.

“Mapapagaan ang bawat pagkokomyut at mabilis na rin dahil mababawasan na ang trapiko,” ani Tamayo. 

Hindi lang mga taga North Caloocan at Bulacan ang matutulungan nito kundi pati na rin ilang mga taga-Rizal gaya ni Gwenaelle Siobal, 19 anyos, isang estudyante sa Our Lady of Fatima University Quezon City.

“Malaki talaga ‘yong tulong nito sa mga komyuter tulad ko, mas mura ‘yong pamasahe at mas mabilis ‘yong biyahe,” bigkas ni Siobal.

Nasa 16.7 kilometro ang layo ng tirahan ni Siobal papunta sa kanilang paaralan pero inaabot ang kanyang biyahe nang mahigit dalawang oras.

“Disappointed and sad kasi ang tagal ng naging delay [nitong MRT-7], ang daming naging problema. Kung maaga sana natapos, mas naging magaan kahit papaano yung mga nararanasan ng komyuter,” dismayadong bigkas ni Tamayo.

Marami ang makikinabang sa MRT-7 sa oras na matapos ito, pero sulit kaya ang malalang trapikong hatid nito sa kasalukuyan?

“It’s going to be worth it. It should be since sobrang laki ng budget for that project. It’s worth it since mapapabilis ‘yong travel time ng mga komyuter,” bigkas ni Viray.

“Pero may traffic pa din, since private vehicles ang problem here sa country natin. Imagine sa isang car na may capacity ng [lima], isa lang gumagamit,” sabi pa niya.