Itlog na hindi patulog-tulog


Maraming mahalagang benepisyo ang pagkain ng itlog para sa kalusugan ng katawan, utak at pang-araw-araw na enerhiya.

Tag-init na! Malaki ang epekto nito hindi lang sa pang-araw-araw na gawain at sa mga pagkain na maaari madaling mapanis kundi pati rin sa mga nakokonsumo natin na produkto. Isa na rito ang itlog.

Hindi man napapansin ng iilan, tumataas ang presyo nito sa merkado. Katulad sa lokal na pamilihan sa Malabon City ang presyo ay nasa P8 hanggang P10 ang isang piraso ng itlog. Sa mga tindahan naman, nagiging P11 hanggang P12 na ang isa. 

Sa panahon ng tag-init kasi tumaas ang chicken mortality dahil tuwing tag-init maraming manok na namamatay dahil sa iba’t ibang salik na may kaugnayan sa init ng panahon. Tumataas ang panganib ng pagkamatay ng mga manok dahil sa heat stress, dehydration, sakit na mabilis kumalat tuwing tag-init at maaari rin sa bentilasyon.

‘Pag mataas ang mortality rate ng manok, nagkakaroon ito ng epekto sa presyo ng itlog at manok sa pamilihan. Tanging solusyon ng Department of Agriculture ang pagpataw ng maximum suggested retail price upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo.

Isa ang itlog sa pinakaabot-kayang masustansiyang pagkain na madaling mabili sa kahit saan lugar. Maraming mahalagang benepisyo ang pagkain ng itlog para sa kalusugan ng katawan, utak at pang-araw-araw na enerhiya.

Mayroon itong good fats tulad ng Omega-3. Idagdag pa ang high quality protein na tumutulong sa pagpapalakas ng kalamnan, pag-repair ng cells at pangkalahatang paglaki ng katawan lalo na sa mga bata.

Kaya sa mga resiping ito, gagawa tayo ng madaling luto gamit ang itlog. Hindi lang simpleng scrambled o sunny side up na paborito sa almusal, kundi inspired sa luto ng Korea.

Tara at simulan na natin!

Oras: 5 hanggang 10 minuto ang pagluluto

  • 3 itlog
  • ¾ tasa tubig o broth (mas masarap kung chicken broth)
  • ¼ kutsarita asin (dagdagan ayon sa panlasa)
  • ½ kutsarita sesame oil 
  • 2 kutsarita na tinadtad na green onion (ilalagay sa ibabaw)
  • carrots na tinadtad
  • 1 puting sibuyas na tinadtad
  1. Batihin ang itlog sa isang mangkok hanggang sa maging smooth.
  2. Idagdag ang tubig o broth at asin. Haluin mabuti.
  3. Salain kung gusto mo ng sobrang pino at fluffy na texture. ‘Pag nasala na ilagay sa isang mangkok at isama ang tinadtad na carrots at sibuyas.
  4. Maglagay ng tubig sa isang kaldero. Ipatong ang mangkok ng itlog sa steamer rack.
  5. Takpan ito at lutin sa medium low heat sa loob ng 10-12 minuto.
  6. Kapag halos luto na, lagyan ng sesame oil at green onion sa ibabaw. At ihain na sa pamilya.
  • 6 itlog
  • ½ tasa toyo
  • ½ tasa tubig
  • 2 kutsarang brown sugar o honey
  • 1 kutsarang sesame oil
  • 1 kutsarita sesame seeds
  • 1 siling labuyo 
  • 2–3 butil ng bawang, hiniwa
  • 1 tangkay green onion, hiniwa
  • 1–2 piraso ng sibuyas (pula o puti), diced
  1. Maghanda ng kaserola na pagpapakulaan ng itlog. Lagyan ito ng tubig at ilagay ang itlog dito. Pakuluan sa meduim heat ng 6 hanggang 7 minuto para sa soft-boiled egg. Pagkatapos, ilagay agad sa ice bath o maaari sa malamig na tubig para madali ito mabalatan.
  2. Susunod naman ang marinade, pagsamahin sa isang mangkok ang mga natirang sangkap. Toyo, tubig, asukal o honey, sesame oil, sesame seeds, bawang, sibuyas, green onion at sili. Tikman ayon sa panlasa.
  3. Ihanda ang isang garapon o plastic container. Siguraduhin na ang gagamitin ay may takip. Ilagay ang nilagang itlog dito at isunod ang ginawang marinade.
  4. Takpan ito maigi at ilagay sa ref ng 6 na oras o mas maganda ay overnight para mas manoot ang marinade sa itlog.

Tandaan na marami pang puwedeng luto sa itlog. Halos lahat ng lugar ay hindi mawawala ang itlog sa hapagkainan. 

Gamsahabnida!