Lenten Special: Tinapa slay!


Maliban sa smoky flavor, abot-kaya ang presyo nito at maadaling hanapin sa mga palengke, grocery at maging sa mga karinderya.

May smoky flavor ang tinapang isda na hindi makukuha sa simpleng pritong isda. Ito ang dahilan bakit marami ang nahuhumaling sa lasa nito, lalo na kapag sinasamahan ng sinangag na kanin at kamatis.

Maliban sa lasa, abot-kaya ang presyo nito na puwedeng maging pang-ulam ng pamilya. Madali rin itong hanapin sa palengke, grocery at maging sa mga karinderya.

May iba’t ibang klaseng isda ang pwedeng gamitin sa pagtitinapa. Puwede itong galunggong, bangus, tamban, tulingan at iba pa—depende sa rehiyon. Mayroon ding baryasyon sa lasa at texture.

Sa Dagupan, Pangasinan, kilala ang tinapang bangus na isa sa pinakasikat at mataas ang kalidad. Kilala din ang lugar na ito sa pag-aalaga ng bangus, kaya natural lang na dito rin sumibol ang paggawa ng tinapang bangus.

Sa Bataan naman, may tradisyon na  paninigang ng isda gamit ang kahoy na may amoy, na siyang nagbibigay ng natatanging lasa.

Sa Capiz, Western Visayas—isa sa mga “Seafood Capital” ng bansa—ginagawa rin ang tinapang tamban o galunggong bilang preserved goods para maipadala sa iba’t ibang lugar.

Sa Cebu, matagal nang may kultura ng smoking o paninigang hindi lang ng isda kundi ng karne.

At sa huli, sa bandang Mindanao, may sariling bersyon ng tinapa ang Zamboanga na kadalasan mula sa isdang bangus o tamban na tila maaninag ang impluwensiya ng “Spanish style” na luto mula sa ating kasaysayang kolonyal.

Madali man itong lutuin at ihain sa hapag-kainan, umabot na rin tayo sa puntong hirap na ang mga gumagawa ng tinapa.

Ayon sa ulat ng GMA Network nagkaroon ng problema ang pagawaan ng tinapa sa Calasiao, Pangasinan nitong nakaaraan dahil sa lumiliit na suplay ng galunggong na pinakamadalas itinapa. Pansamantalang huminto ang operasyon ng ilang gumagawa ng tinapa, na siyang dahilan sa pagtaas ng presyo ng tinapa sa pamilihan mula sa dating P70 kada bugkos naging P80 hanggang P100. 

Kaya sa bawat luto ng tinapa, maiging tandaan na magkakakonekta lahat ng isyung panlipunan—mula lambat hanggang hapag-kainan! Sa paparating na Mahal na Araw, magiging mabisa ang mga lutong ito para sa mga iiwas sa karne.

  • 1 buong tinapang bangus, hinimay nang katamtaman at tinanggalan ng buntot at ulo
  • 2-3 piraso ng kamatis, na parihaban ang hiwa
  • 4 na piraso ng bawang, maninipis na hiwa
  • 3 kutsaritang Italian Seasoning
  • 4-5 kutsarang Canola oil
  • 1 kutsarang butter
  • 500 gms Spaghetti noodles
  • Asin at paminta para panlasa
  • Chili flakes
  1. Magpakulo ng tubig sa kaldero. Pagkatapos kumulo, lagyan ito ng asin at ng mantika. Isunod na ilagay ang Spaghetti noodles at hayaan ito na maluto.
  2. Habang inaantay na maluto ang pasta noodles, magpainit ng mantika sa hiwalay na kawali at lagyan ito ng kaunting butter. Sundan agad ng bawang at kapag golden brown na ang bawang, hanguin at ilagay sa lagayan. 
  3. Sa parehong kawali ay ilagay naman ang kamatis. Kapag naluto na ito, isunod ang bawang at ang mga hinimay na laman ng tinapang isda. Haluin maigi at lagyan ito ng italian seasoning at natirang butter.
  4. Icheck ang nilutong pasta. Kapag malapit na itong maluto o al dente na, ilagay na ito sa kawali kung saan ginisa ang mga sangkap. Haluin maigi.
  5. Lagyan ng kaunting pasta water at lagyan ng italian seasoning, asin at paminta hanggang makuha ang nais na lasa.
  6. Kapag nahalo nang maigi ang mga sangkap, hanguin na ito at ilagay sa plato. Maaaring lagyan ng chili flakes ayon sa kasanayan sa anghang.
  • 3-4 piraso ng Tinapang Galunggong, inalisan ng tinik at hinimay ng may katamtamang laki
  • 1 buong sibuyas na hiniwa ng parihaba
  • 2 pirasong kamtis hinwa ng parihaba
  • 4 na pirasong bawang, pinitpit at hinwa sa maliliit
  • 100 gms ng Baguio beans, parihaba ang hiwa
  • Asin at paminta
  • Mantika
  1. Painitin ang kawali, pagkatapos ay ilagay ang mantika. Igisa ang mga sumusunod: sibuyas, kamatis at panghuli ang bawang.
  2. Kapag nagisa na ang mga pangunahing sangkap, ilagay ang baguio beans. Haluin maigi.
  3. Kapag malapit na maluto ang baguio beans ilagay na ang hinimay na laman ng Tinapang galunggong. 
  4. Lagyan ng kaunting tubig, asin at paminta ayon sa gustong panlasa. Takpan ito at hayaan lang na kumulo nang 3-5 minuto.
  5. Matapos maluto ng lahat ng sangkap, ihain na kasama ang mainit na kanin.

Ilan lang ito sa mga tinapa recipe na swak sa Semana Santa o kung kailan man mas mainam kumain ng isda. Malimit na inuulam ang isda sa pagninilay-nilay tuwing Mahal na Araw bilang simbolo na rin ng pagpapakumbaba, pagtitiis, at pagsasakripisyo ng pansariling kaginhawaan.