#KuwentongKabataan

Lumalamig na edukasyon sa mainit na klasrum


Kasabay ng problema sa pasilidad ng mga pampublikong paaralan ang paglala ng init na dinadanas natin dahil sa nagbabagong klima. Nakababahala na ang isyu sa pasilidad ay hindi priyoridad ng ating pamahalaan.

Paypay dito, paypay doon. Maingay na Jisulife dito, maingay na Jisulife doon.

Ito ang karaniwang maoobserbahan sa bawat klasrum sa mga pampublikong paaralan at pamantasan partikular sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Ang mga ganitong eksena’y hindi lang simpleng obserbasyon, kundi patunay sa hindi magandang kalagayan ng mga estudyante sa kanilang paaralan. Sa init ng panahon ngayon, napakahalaga ang pagkakaroon ng maluwag na klasrum na mayroong maayos na bentilasyon.

Ang kaso, hindi ganyan ang reyalidad ng mga estudyante sa PUP. Imbis na nakikinig sila sa kanilang guro tuwing may klase, kailangan pa nilang pawiin ang init na nararamdaman nila. Kahit anong pakikinig ang gawin, napakahirap pa rin ang magpokus sa leksiyon lalo na’t mainit at maliit ang klasrum ng sintang paaralan.

Hindi na ito isang bagong isyu. Ito’y isang karanasan na nararanasan ko simula pa noong elementarya hanggang sa kasalukuyan kong pag-aaral sa kolehiyo. Ang nakakalungkot pa, isa lang ako sa milyon-milyong estudyante na dumadanas nito. 

Alam nating ang mga ganitong sitwasyon ay naging normal na sa mga pampublikong paaralan. Noong nasa hayskul ako, mahigit 50 kami sa isang klase kung saan tatlong bentilador lang ang gumagana. Damang-dama talaga ang init na nakasanayan na lang dahil taon-taon naman na ganoon ang nararanasan namin.

May iilang klase pa ang kailangan magkasya sa kalahating espasyo ng isang ordinaryong klasrum. Ibig sabihin, mahigit 100 estudyante ang nagsisiksikan sa isang maliit at mainit sa kuwarto.

Noong nasa elementarya naman ako, kailangan pa naming mag-ambagan para makabili ng isa pang dagdag na bentilador. Galing mula sa bulsa ng aming mga magulang na dapat ay mula sa pondong inilaan ng pamahalaan.

Umasa ako na pagdating sa kolehiyo, maluwag at malaming na ang aming klasrum. Akala ko magiging kompartable na ako sa pag-aaral. Pero sa totoo lang, mas malala pa nga ito sa dati kong naranasan.

Sa College of Communication, mayroon lang dalawa o tatlong bentilador sa bawat klasrum. Minsan hindi pa gumagana ang isa. Bukod dito, hindi rin maganda ang bentilasyon ng ibang mga silid-aralan. Mayroong isang klasrum sa pinakadulo, kung saan doble ang init dahil iilan lang ang bintana.

Kasabay ng problema sa pasilidad ng mga pampublikong paaralan ang paglala ng init na dinadanas natin dahil sa nagbabagong klima. Nakababahala na ang isyu sa pasilidad ay hindi priyoridad ng ating pamahalaan.

Sa loob ng tatlong taon ko sa PUP, ni hindi nadagdagan kahit isa ang bentilador sa aming klasrum. Aanhin namin ang malaki at bagong telebisyon kung hindi naman kami makapag-aral nang maayos dahil sa init ng panahon?

Delikado na ang init ng nararanasan natin ngayon. Hindi na ito kagaya ng dati na sorbetes at halo-halo lang kailangan upang pawiin ang init na nararamdaman. Ngayon, kahit nakabukas na ang air con, ramdam pa rin ang init. 

Dahil din sa lumalalang init ay nagsususpinde na ng klase. Ayon sa mga eksperto, may banta na ng heat stroke ang init na nararanasan natin sa bansa.

Ang kaso, may mga hindi sang-ayon sa mga ganitong suspensiyon. Ang sabi nila, masyado na raw nagiging tamad ang mga estudyante ngayon. Kaunting ulan at init daw ay gusto na ng suspensiyon.

Masisisi mo ba ang kabataan kung uunahin nila ang kanilang kaligtasan mula sa tumitinding init? Kung sana malaki at malamig ang mga pasilidad sa aming paaralan. Kung hindi lang binabawasan ang pondo sa edukasyon at isinasantabi ang hinanaing naming mga estudyante, hindi na siguro kailangang humantong sa suspensiyon ng klase.

Hindi porket may pamaypay at Jisulife na kami, maayos at komportable na ang aming kalagayan habang nag-aaral. Malayo ito sa katotohan. Kahit kailan, hindi nito maiibsan ang kawalan ng maayos na pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

Totoo nga na ang kalagayan naming mga estudyante sa mga pampublikong paaralan at state university ay nangangailangan ng agarang aksiyon.

Karapatan ng bawat estudyante ang matuto sa isang komportable at maayos na klasrum. Hindi lang ito isang pangangailangan na dapat pa naming ipagmakaawa sa mga namumuno. Isa itong karapatan na dapat tinatamasa naming lahat.