Balik-Tanaw

Pag-alala sa Death March


Ang paggunita sa Araw ng Kagitingan ay pag-alala sa katapangan, pagpupursigi at sakripisyo ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bansa.

Larawan mula sa US National Archives and Records Administration

Taon-taon tuwing Abril 9 ginugunita ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa katapangan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa kamay ng marahas na hukbong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Umabot sa higit tatlong buwan ang pakikipaglaban sa  Bataan para sa kalayaan ng sambayanang Pilipino. Sa Isla ng Corregidor ang huling depensa ng pinagsanib na puwersang Pilipino at Amerikano.  

Sa kasamaang palad, higit-kumulang 76,000 na sundalong Pilipino at Amerikano ang isinuko ni Maj. Gen. Edward King Jr. ng United States sa  pwersang Hapon noong Abril 9, 1942.  

Nasa higit-kumulang 64,000 ang Pilipino habang nasa 12,000 ang mga Amerikano ang sumuko ang gutom, uhaw at may mga dinaramdam na sakit.  Pagkatapos nito, sapilitang pinalakad ang mga Pilipino at Amerikano ng 140 kilometro mula Bataan papunta sa Camp O’Donell sa Capas, Tarlac. Ito ang tinawag na Death March.

Nasa 54,000 na lang ang nakarating sa kampo pagkat libo-libo ang nasawi habang naglalakad, ang iba naman nakatakas sa tulong ng mamamayang Pilipino.

Nang makarating sa San Fernando, Pampanga, inilagay ang  mga bihag na sundalo sa mga boxcar ng tren patungong Capas. Sobrang siksikan din ang mga sundalong Pilipino at Amerikano sa mga boxcar kung saan marami ring nagkasakit at nasawi.

Umabot ng pitong araw ang Death March kung saan hindi nagbigay ng mga tubig at pagkain ang mga hukbong Hapones sa mga Pilipino at Amerikano. Bunga nito,  karumaldumal na kagutuman, uhaw, panghihina at kamatayan ang sinapit ng mga bihag.  Karamihan, binugbog at pinatay ng sundalong Hapones ang mga nahuling tumatakas at mga mababagal lumakad.

Napalaya lang mga nakaligtas sa karumal-dumal na Death March noong 1945.  Sa kabila ng pangyayari, Pilipinas ang huling bansang sumuko sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Timog-Silangang Asya.

Ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 3022 noong 1961 para italagang public holiday ang Araw ng Kagitingan tuwing Abril 9 upang bigyang-pugay ang mga bayani noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dati rin itong tinawag na Bataan Day

Ang taunang paggunita ng Araw ng Kagitingan ay pag-alala sa katapangan, pagpupursigi at sakripisyo ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bansa. Mahalagang hindi ito nakalimutan dahil palatandaan ito ng dinanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan at laging lumaban para sa lupang sinilangan.