Pag-ayaw ng abogadong iapela ang isang labor case
Nilinaw ng Korte Suprema na maaari kang humingi ng pagpapahaba ng panahon o motion for extension of time sa balak mong isampa na petition for certiorari basta’t may mapanghikayat at mabigat kang dahilan sa likod nito.

Sa isang manggagawa o empleyado na nagkaroon ng problema sa kanyang trabaho, ang unang tanggapan na maaaring lapitan para magdesisyon sa kanyang kaso ay ang opisina ng labor arbiter.
Kapag hindi siya kuntento sa naging hatol ng labor arbiter, maari niyang iapela ito sa National Labor Relations Commission (NLRC). Ang desisyon ng NLRC ay pinal na sa bahagi ng kompanya.
Sa bahagi naman ng manggagawa, maaari pa rin niya itong iakyat sa Court of Appeals sa pamamagitan ng isang petisyon na kung tawagi’y petition for certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court.
Ang desisyon ng Court of Appeals ay maaari pa ring iakyat sa Korte Suprema kung saan ang desisyon ng Korte Suprema ay magiging final na. Ganito ang proseso ng ating mga labor case, mga kasama.
Dapat lang nating tandaan na ang pag-aapela mula sa desisyon ng labor arbiter patungo sa NLRC ay kailangang magawa sa loob ng 10 araw mula sa pagkatanggap ng nasabing hatol ng labor arbiter.
Ang hatol naman ng NLRC ay maaaring kuwestiyonin sa Court of Appeals sa loob ng 60 araw mula sa pagkatanggap ng desisyon.
Ngunit maaaring humingi ng extension of time o pagpapahaba ng panahon ang sinumang partido sa kaso para maiakyat ito sa Court of Appeals.
Kailangan lang mayroon siyang makatuwirang dahilan o justifiable reason sa hinihingi niyang pagpapahaba ng panahon.
Ganito ang nangyari sa kasong Catalino E. Fajardo, et. al. vs. San Miguel Foods, Inc., et. al (GR No. 267580) na hinatulan ng Korte Suprema nitong Nobyembre 11, 2024.
Sa nasabing kaso, mula pa noong 2005 hangang 2006 ay nagtatrabaho na sa kompanya sina Catalino sa pamamagitan ng isang labor contractor.
Noong 2019, tinapos ng labor contractor ang kanilang kontrata sa kompanya. Dahil dito, pagdating ng katapusan ng taon ay tinanggal na rin ng kompanya sa kanilang mga trabaho sina Catalino.
Nagsampa ng demandang illegal dismissal at regularization sina Catalino laban sa kanilang kompanya at sa labor contractor nito. Ang kanilang kaso ay isinampa nila sa tanggapan ng labor arbiter.
Sa hatol ng labor arbiter, inabsuwelto niya ang kompanya sa reklamo nina Catalino ngunit inutusan nito ang labor contractor na bayaran sila ng kanilang separation pay.
Inapela nina Catalino ang desisyon sa NLRC. Sa kasamaang palad, ganoon pa rin ang naging desisyon ng NLRC.
Nag-file ng Motion for Reconsideration sina Catalino sa desisyon ng NLRC pero hindi rin nabago ang hatol nito. Umakyat sa Court of Appeals sina Catalino.
Sa kanilang pag-akyat sa Court of Appeals, humingi ng extension of time sina Catalino. Bale 30 araw na extension ang kanilang hiningi dahil sabi nila, hindi raw sapat ang 60 araw na binibigay sa kanila ng batas para magsampa ng petition for certiorari.
Ito ay sa dahilang iniwanan sila ng kanilang dating abogado at kumuha sila ng kapalit nito. Dangan nga lang at hindi alam ng bagong abogado ang detalye ng kanilang kaso kung kaya kailangan nilang mag-file ng motion for extension of time para sa pagsampa ng nasabing petisyon.
Sa kasamaang palad, hindi pinayagan ng Court of Appeals ang motion for extension of time nina Catalino. Napilitang umakyat sa Korte Suprema itong sina Catalino at binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals.
Nilinaw ng Korte Suprema na maaari kang humingi ng pagpapahaba ng panahon o motion for extension of time sa balak mong isampa na petition for certiorari basta’t may mapanghikayat at mabigat kang dahilan sa likod nito.
Sa kaso nina Catalino, humihingi sila ng mas mahabang panahon para makapagsampa ng kanilang petisyon ay dahil sa pag-ayaw nito ng dati nilang abogado.
Noong una’y binigyan sila ng katiyakan ng dati nilang abogado na tutulungan sila kaugnay ng kanilang isasampang petisyon. Subalit pagpunta nila sa tanggapan nito ay wala doon ang abogado sa kabila ng kanilang kasunduan na magkikita sila sa opisina nito.
Wala rin siyang ginawa na draft ng petisyon kahit nakatanggap na siya ng advance para sa docket fee at iba pang babayaran. Dahil dito, inisip nilang hindi na interesado ang dating abogado na hawakan ang kanilang kaso kaya kumuha sila ng bagong abogado para hawakan ito
Ito lahat, sabi ng Korte Suprema, ay sapat na dahilan upang payagan ang hinihiling na extension of time nina Catalino.
Kaya binaliktad ng Korte Suprema ang Court of Appeals at pinayagan sa kanilang hinihingi sina Catalino.
Sana, mga kasama, makakatulong sa atin ang desisyong ito ng Korte Suprema.