Pop Off, Teh!

Pagtataya


Paano natin ngayon sasabihing may mas mahalagang isyu gayong lahat naman ng isyu ng bayan ay nakaangkla sa karapatang pantao? ‘Di ba dapat priyoridad ang karapatang pantao?

Masusukat nga ba sa isang “no” ang kabuuang pananaw ng isang tao, halimbawa ng isang politiko? Maaaring pagdebatehan ito, gaya nang nangyari sa social media kung saan nagtimbangan pa nga kung ano ang mas mahalaga—ang pagsugpo sa korupsiyon at bulok na sistema o ang karapatan at kagalingan ng mga LGBTQ+.

Si Heidi Mendoza, dating state auditor at tumatakbong senador, ay nagpaliwanag. Aniya, hindi naman daw talaga siya tutol—bagkus, imposible raw ang civil union para sa mga komunidad kung baluktot ang sistema. Tama naman siya sa puntong baluktot ang sistema pero tama rin bang tutol na dahil hindi ito pinahihintulutan ng sistema? 

Katakot-takot na pagtuligsa ang inabot ni Mendoza at umabot pa sa puntong hindi na sumusuporta ang mga dati niyang tagasuporta. Hindi ko na tutuligsain si Mendoza (na una rin akong pinahanga). Siya nga sana ang pang-12 ko sa listahan bukod sa Makabayan Coalition senatorial slate na nagbubukas ng posibilidad ng pagbabago sa paglahok ng mga progresibo sa pamamahala. 

Ang magandang pag-usapan ay mga “boto” sa mga debate. Bakit nga ba tumataliwas ang mga politiko tulad ni Mendoza sa mga mahahalagang isyung pangkasarian tulad ng civil union?

Tumataya ang mga politiko sa opinyon ng simbahan kaya mas gugustuhin nilang panghawakan ang konserbatibong pananaw at tindig sa halip na buksan ang isip at imulat ang mga mata sa halaga ng mga usaping pangkasarian. Allergic ang maraming politiko at pa-safe pa nga pagdating mga usapin tulad ng SOGIESC Bill, diborsyo, at civil union ng LGBTQ+. 

Isa pa, maaaring ipagpalagay na ang tingin ng mga politiko sa karapatan ng mga grupong naisasantabi tulad ng LGBTQ+ at maging ng kababaihan ay dapat munang itabi sa gilid gaya ng kanilang kasalukuyang estado. Dahil ‘di umano, ang role ng sangkabaklaan ay taga-host, tagakampanya at taga-show para sa mga politiko. 

Tingnan n’yo nga ‘yong advertisement ng isang tumatakbong senador—ITIM daw—pero wala sa itim na pinagsasabi niya ang mga isyu ng bayan. Halatang nakasentro lang sa pag-agaw ng kapangyarihan sa kapatid niyang pangulo. Pero ‘wag ka, itong ate n’yong ito, pinagmamalaking alyado ng LGBTQ+. Saang banda, manang? 

Sabi ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino, hindi naman humihingi ng espesyal na pagtrato ang mga LGBTQ+. Aniya, ang ipinaglalaban ng mga LGBTQ+ ay ang kanilang karapatan na bahagi ng mga batayang karapatan ng mamamayan.

Paano natin ngayon sasabihing may mas mahalagang isyu gayong lahat naman ng isyu ng bayan ay nakaangkla sa karapatang pantao? ‘Di ba dapat priyoridad ang karapatang pantao? Kaya nga pinananatili ng mga nasa estado poder na limitado ang karapatan ng mga naisasantabing mamamayan upang malito tayo at magtiis na lang sa mumo sa plato ng mga trapo. 

Mahalaga ang boto at tinig ng LGBTQ+ sa mga eleksiyon dahil laging test case ito kung hanggang saan tataya ang mga nasa estado sa karapatang pantao. Sa matagal na panahon, walang katiyakan ang mga LGBTQ+ sa bibigyan tayo ng pantay na karapatan.

Pansinin ninyo: halos magtatatlong dekada na ata ang mga panukalang batas para sa isyung pangkasarian tulad ng SOGIESC Bill. Panibagong tatlong taon na naman ito—maghihintay na naman ba tayo sa wala? 

Kung tutuusin, hindi naman talagang walang-wala na tayong pag-asa. Kung bibigyan natin ng pagkakataon ang mga progresibong kandidato tulad ng mga nasa Makabayan, mas maraming magsasalita at titindig para sa mga karapatan natin at ng iba pang sektor.

Nasanay na kasi tayo sa sistemang mapang-api at mapagsamantala. Kaya nga nanonormalisa sa buhay ng mga Pilipino ang kahirapan at pagsasantabi sa mga karapatan. Bakit hindi tayo tumaya sa mga mga may totoong malasakit sa atin at may pagkiling sa pantay na karapatan para sa lahat?