Panliligalig sa Sitio Marihangin


Pinanghihimasukan ng San Miguel Corporation, kasabwat ang National Commission on Indigenous Peoples, ang tahimik at payapang pamumuhay ng mga katutubong Molbog sa isla ng Bugsuk sa Balabac, Palawan para pagtayuan ng isang luxury resort.

Prayer vigil ng mga katutubong Molbog mula Balabac, Palawan noong Abril 8, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Sana naman ‘wag na nila kami guluhin kasi mayaman na sila. Kami ay mahirap lang, papahirapan pa nila,” luhaang wika ni Tarhata Pelayo, katutubong Molbog mula Sitio Marihangin sa isla ng Bugsuk sa bayan ng Balabac, Palawan.

Mahigit 800 kilometro ang layo mula sa kanilang mga tahanan sa malaking isla ng Palawan, nakipagsapalaran sa Kamaynilaan ang mga katutubong Molbog upang makatakas sa pandarahas.

Kaagapay ang mga organisasyon kagaya ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka at Samahan ng mga Katutubo at Maliliit na Mangingisda sa Dulong Timog Palawan (Sambilog), isinusulong nila ang kampanya laban sa marahas na pangangamkam ng San Miguel Corporation (SMC).

Isang kultural na minorya ang mga katutubong Molbog na mula sa hilagang Borneo ang mga ninuno. Nakatira sila sa Balabac, ang pinakamalayong munisipalidad sa timog ng probinsiya ng Palawan. Mula sa kayamanan ng dagat at lupain, doon nila nakukuha ang kanilang ikinabubuhay—mula sa pangingisda, pagsasaka at paggawa ng agar-agar.

Sa kalikasan na nakasandig ang mga Molbog. Ayon kay Eusebio Pelayo, asawa ni Tarhata, hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang karamihan ng mga katutubo. Marami rin daw sa kanila ay lumaki na “no read, no write.”

Bagaman matagal na ang kanilang paninirahan sa Balabac, ginugulo ngayon ng mga malalaking korporasyon ang kanilang mapayapang pamumuhay.

“Nagsimula ang kaguluhan sa pag-deploy ng security. Ang nangyari ay pumasok ang DAR (Department of Agrarian Reform), nakikiusap na [mayroon] daw silang ipapaliwanag sa kapatid ko at ang mga pulis. Ang pumalit sa kanila ay ang San Miguel Corporation. Pinasok nila kami, gusto nilang pasukin kami. Hinarang sila ng mga [kababaihang katutubo] doon,” kuwento ni Eusebio.

“Hindi nangyari ’yong pagpasok nila, umalis sila. Kinabukasan, [akala] namin wala lang. Madaling araw pa lang nag-deploy na sila ng security, ayon nagkaputukan na.”

Hunger strike ng mga residente ng Sito Marihanging sa labas ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City noong Dis. 10, 2024. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ipinagbigay alam ng mga opisyal ng DAR noong Hun. 27, 2024 sa komunidad ang malawakang demolisyon ng kanilang kabahayan para sa pagpapagawa ng Bugsuk Island Resort, isang malaking eco-luxury tourism project na may lawak ng mahigit 5,500 ektarya.

Ayon sa Environmental Impact Summary na isinapubliko ng DAR, inaasahang matatapos ang proyekto sa 2038 na siyang inendorso ng Sangguniang Bayan ng Balabac. Nakalista din sa isinumite nilang Securities and Exchange Commission form na nakalista ang proyektong ito bilang isa sa mga principal property, ang kabuuang listahan ng mga ari-arian ng isang korporasyon, noong 2023.

Makalipas ang dalawang araw, pinaputukan ng mahigit 16 na mga ‘di kilalang armadong tauhan ang komunidad ng Sitio Marihangin na nagpupumilit na pumasok sa mga lupain ng mga katutubong Molbog.

Ipinahayag ng mga katutubo na bagamat sinubukan nilang lapitan ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan, partikular si Gob. Dennis Socrates, upang imbestigahan ang patuloy na pandarahas ngunit wala silang tulong na natanggap. 

Bago pa man magsimula ang pandarahas ng SMC, sinubukan nang paalisin ang mga katutubo ng Sitio Marihangin.

Ayon sa mga residente, ipinakita ng SMC ang kanilang plano para sa pagsasagawa ng isang resettlement program para sa mga pamilya ng Sitio Marihangin. Inalok nila ng P75,000 kung may lupa o P100,000 kung walang lupa.

‘Di nagtagal, tumindi ang tensiyon at tinaasan ng SMC ang kanilang alok na humigit-kumulang P400,000 kung aalis ang mga pamilya sa kanilang lupang ninuno. 

Iginiit ng residenteng si Angelica Nasiron na nagdulot ito ng hidwaan sa loob ng komunidad pati na ang kanilang mga kaanak. Mayroon pa raw mga katutubong kinontrata ng SMC upang magtrabaho para sa kanila.

“Tingin nila na mababayaran nila kaming lahat dito sa Marihangin kaya pinahihintulutan silang pumasok sa komunidad,” ani Angelica.

Tinatayang mahigit 90 na pamilya pa rin ang matatag na naninirahan sa isla upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno.

Liban sa mga nabanggit na maniobra ng SMC, sinampahan din ng kompanya ng gawa-gawang kasong grave coercion ang mga katutubong Molbog.

“Hinarang lang namin sila tapos kakasuhan nila kami. Ilan na kami kinasuhan ngayon. Imbis na ibigay namin sa mga anak namin na pampaaral, mapupunta pa doon,” ani Tarhata.

Isa sa mga kinasuhan ng SMC ang kanyang asawang si Eusebio. Nang tanungin siya sa subpoena na kanyang natanggap, ipinaliwanag niya na nagulat siya sa isinampang kaso sapagkat may kulang 15 metro ang kanyang layo sa mga negosasyon at diyalogo na nangyari sa pagitan ng kanyang mga kapatid at mga kinatawan ng korporasyon.

Sa opisyal na reklamong kriminal na inihain sa piskal sa Puerto Princesa City, nagsampa ang isang Caesar Ortega awtorisadong kinatawan umano ng mga landowner na nakatira sa mga Isla ng Bowen.

Kilala din si Ortega sa kanyang pansamantalang panunungkulan bilang officer-in-charge ng National Commission on Indigenous Peoples at direktor ng Ancestral Domain Office ng ahensiya.

Madamdamin na ginunita ni Angelica Nasiron ang kasalukuyang lagay sa Sitio Marihangin sa 9 na araw na hunger strike ng mga katutubo. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Kasama si Ortega, pati ang mga sinasabing miyembro ng SMC, nang ianunsiyo ng DAR ang malawakang demolisyon sa Balabac kung saan iprinesinta din nila ang Certificate of Finality (COF) na inilabas ng DAR mismo.

Nakasaad sa reklamo na “pisikal siyang hinarang sa pagtapak sa baybayin nang labag sa kanyang kalooban at walang pahintulot na labag sa kanyang karapatang legal sa makababa sa dalampasigan para sa pakay na pagbibigay ng mga kopya ng COF.”

Sa kabuuan, mahigit 10 residente din ang sinampahan ni Ortega ng grave coercion at isa na dito si Angelica na isa ring Molbog na sumama sa siyam na araw na hunger strike ng mga katutubo sa tapat ng DAR sa Quezon City.

Paliwanag ni Nasiron na hindi totoo ang mga paratang ni Ortega sapagkat wala siya sa Marihangin ng maganap ang naturang insidente.

Pahayag ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement, layunin ng mga gawa-gawang kaso na gipitin ang mga katutubo na patuloy na lumalaban upang igiit ang kanilang karapatan sa mga lupaing ninuno nila sa Bugsuk.

“Sinusuportahan ko lamang ang aking katutubong asawa. Nasa likod ako nila. Hindi ko alam kung sino ang nagsampa ng kaso laban sa akin. Tinutulungan ko lang ang pamilya ko sa mga alitan nila sa lupa na kinakaharap namin sa Marihangin,” ani Pelayo.

Kinumpirma ng SMC ang kanilang pagkuha ng mahigit 7,000 ektarya ng lupain sa Bugsuk Island sa Balabac, Palawan. Binigyang-diin nila na nauna ang paglagda ng mga titulo sa pagsasabatas ng Indigenous Peoples Rights Act at walang titulo ng ancestral domain na umiiral sa lupain. 

Paliwanag ng SMC, nakuha nila ang mga ari-arian mula sa pagbili ng mga kompanya na may hawak sa mga titulo na inisyu noon pang 1974 bilang parte ng programa ng gobyerno sa pagbabahagi ng mga lupang sakahan sa mga magbubukid sa ilalim ng land reform program.

Pinanindigan din daw ng DAR ang kanilang mga atas noong Ago. 15 at Set. 20, 2023 na hindi kasama ang lupain sa Bugsuk sa hurisdiksyon ng agrarian reform distribution, dahil  sa pagbawi ng DAR sa Notice of Coverage (NOC) noong 2014.

Ang NOC ang pormal na dokumento na patunay ng pagkuha ng isang lupain upang ipamahagi sa agrikultural na sektor sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Dahil binawi ng DAR ang NOC noong 2023, labas na ang lupain sa CARP na nagpatindi sa pandarahas ng mga pribadong korporasyon. Nang maitala ang desisyon na ito, nakatanggap daw ang mga katutubo ng mga liham ng reklamo at kinakailangan na umano nilang lisanin ang kanilang lupain.

Pakikiisa ni Sandugo chairperson Amirah Lidasan sa prayer vigil ng mga katutubong Molbog sa Quezon City noong Abril 8, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Pinagtangkaan pa nilang kasuhan ang mga katutubo kung hindi daw sila aalis sa kanilang mga lupain na siyang may katumbas na kabayaran ng P2 milyon para sa kompensasyon at kabayarang legal.

Ipinaliwanag ni Romillano Callo, ang tagapagsalita ng Sambilog, na pumapasok ang batayan ng pagmamay-ari ng mga katutubo mula sa kanilang mayaman na kasaysayan na umuugat sa kanilang mga lupaing ninuno. Sa katunayan, mayroon ng mga batas at kaso na nagbibigay katuwiran sa karapatan ng isang katutubo upang mag-ari ng lupa bago pa man nilagdaan ang kanilang titulo.

Sa mata ng batas, tinatawag na “native title” ang karapatan ng katutubo upang pag-arian ang kaniyang lupa na matagal ng inookupahan. Mula ito sa kasong Cariño v. Insular Government noong 1909 kung saan inilatag na hindi kailanman naging pampubliko ang lupa ng mga katutubo sapagkat noon pa man pribado ito.

Nakasaad din sa Commonwealth Act 141, na naisabatas noong 1936, na ang mga kultural na minorya na matagal ng naninirahan sa kanilang lupang ninuno ay may karapatan na kilalanin bilang mga may-ari nito.

Matagal nang nakasaad sa mga batas ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno. Sa katunayan, hindi nagkukulang ng probisyon kung saan nakasaad ang kanilang mga karapatan.

Ngunit dahil sa malaking kaibahan sa kapangyarihan, kapital at kakayahan, binabaluktot ng malalaking korporasyon ang batas para sa pansariling interes na sanhi ng pag-abuso at paglabag sa karapatan ng mga katutubo.

Matagal ng pinag-iinteresan ng mga sakim na korporasyon ang mga lupang ninuno ng mga katutubo at hindi pa rin tumitigil ang pandarahas sapagkat hindi pa rin kinikilala ng mga ahensiya ng gobyerno ang karapatan ng mga katutubo kahit nakasaad na ito sa batas.

Nitong Abril 4 lang, mahigit 80 na mga armadong tauhan ng JMV Services, isang ahensiya ng seguridad na kaugnay ng Bricktree Properties na subsidiary ng SMC, ang muling sapilitang pumasok sa komunidad ng mga katutubo.

Muling nagdaos ng mga pagkilos ang mga katutubo upang igiit ang kanilang matatag na paninindigan sa kanilang lupang ninuno. Sapagkat, anila, noon pa man ay sa kanila ang Bugsuk at hindi sa SMC.

May mensahe naman ang mga katutubong Molbog kay Ramon Ang, ang may-ari ng SMC.

“Boss, bigay niyo na lamang samin po ‘yong lupa. Mayaman na po kayo. Ilang taon na rin po kayo nag pasasa sa inyong kayamanan,” ani Callo.