Pop Off, Teh!

Suong


Ang mga tulad ni Nanay Mila ay natutuhan nang maging matapang at nabuhay din ang diwa ng pagiging mapagmalasakit nila lalo pa’t sa komunidad nila ay maraming nabibiktika ng Tokhang.

Halos magdadalawang taon mula nang maglunsad kami ng palihan sa pagsulat para sa mga kapamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, sa pinaslang sa giyera kontra droga ng gobyernong Duterte.

Tinawag naming “Suong” ang palihan bilang pagkilala sa katatagan ng mga pamilya—asawa, kapatid, manugang, apo—sa paghahanap ng hustisya at pagpasan sa bigat ng pagsalo sa mga naiwan. Ang “suóng”, ayon sa UP Diksyonaryong Pilipino, ay nangangahulugang matapang na pagharap sa anumang balakid, suliranin o laban.

Sa paghahanda, may paalala sa amin si Sister S, ang nag-oorganisa sa mga pamilya: huwag naman na sanang nakatuon sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. 

Oo nga naman, paulit-ulit na ang pagkabiktima nila sa tuwing may bagong balita ng pamamaslang at sa tuwing paulit-ulit na iwinawisas ni Duterte na wasto lamang ang pamamaslang at handa umano siyang pagtakpan ang mga pumaslang—kadalasang mga ahente ng estado—pulis, sundalo at berdugong pakawala.

Sabi nga ni nanay Susan, isa sa mga kalahok, “Nanginginig na ako, ayaw kong pinag-uusapan o mababanggit man lang ang tungkol sa nangyari. Dahil sobrang sakit sa pakiramdam.”

Kaya sinikap naming pagtuunan ng pansin ang iba pang aspekto ng buhay ng mga kapamilya—kumusta sila noon at ngayon, paano sila sumusuong sa araw-araw na hamon, at paano nila nahanap ang lakas at tatag sa tulong na rin ng kanilang kapwa survivor.

Mayroon din mga aktibidad para sa paglilimi sa araw-araw na buhay nila. Bumabaha ng luha lalo noong kinukumpara nila ang buhay nila noong kasama pa nila ang mahal nila sa buhay.

“Masaya kami noon, noong buhay pa ang anak ko kahit dalawa lang kaming magkasama. Siya ang gumagawa ng lahat ng gawain ko sa bahay, ako’y tagahanapbuhay lang. Siya ang nagluluto, naglalaba, naglilinis ng bahay,” kuwento ni nanay Lorna. Napagkamalan ang anak niya dahil kapareho ng damit nito ang damit ng hinahabol ng mga papatay. 

Hindi lang sakit ang kinuwento ng mga kapamilya sa amin. Sa palihan, ikinuwento ni Nanay Mila na nakahanap siya ng lakas sa mga kapwa niya kapamilya.

“Simula nang mamatay ang asawa ko ay naging matapang ako. Kung noon ay mahiyain ako, ngayon ay matapang na. Umattend ako sa iba’t ibang organization na tumutulong sa amin para makamit ang hustisya para sa aming mahal sa buhay.”

Ang mga tulad ni Nanay Mila ay natutuhan nang maging matapang at nabuhay din ang diwa ng pagiging mapagmalasakit nila lalo pa’t sa komunidad nila ay maraming nabibiktika ng Tokhang.

Noon, ikinukuwento ng mga nanay, kapatid, at asawa ang pagiging mailap ng hustisya. Pabalik-balik sila sa Commission on Human Rights (CHR) at lumalapit kung saang ahensiya ng gobyerno, ngunit katulad ng mga abo ng kanilang mahal sa buhay, tila baga, wala na’t naitangay na hangin pangako nila ng hustisya.

Kaya nang lumabas ang balitang inaresto na si Duterte, mahirap sikmurain na ang naging tuon na ng usapan ay ang pag-aresto kay gobyerno at ‘di umano’y pagsuko ng soberanya natin.

Dito raw dapat litisin, dito raw dapat ikulong. Biased ang International Criminal Count (ICC). Kesyo puwede naman daw magpila ng kaso dito sa Pilipinas at paganahin ang sistema ng hustisya.

Ang tanong, bakit mas mahalaga pa ang politiko kesa sa libo-libong biktima? Baka nakalilimutan ng marami ang katotohanang ang sistema ng hustisya sa bansa ay umuubra lamang para sa iilan. Nakalimutan na ba natin ang pagkakabasura ng kaso ng mga Marcos, ni Gloria Macapagal-Arroyo, ng mga Estrada at Revilla? 

Noong nakaraang taon inilunsad ang librong “Suong” sa isang simpleng pagtitipon sa CHR. Kahanga-hanga ang tapang ng kababaihang mga kalahok—ginamit nila ang kanilang boses na madalas binubusalan ng estado at ng mga panatikong tagasuporta ni Duterte.

Sa panulat nila, ipinakikilala bilang tao ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Hindi sila mga bilang lang na kinukuwenta na parang mga baryang wala nang halaga. 

Suportahan natin ang “Suong: Mga Sulatin ng Paglaban sa Gera Kontra-droga” (Gantala Press, 2024). Basahin ito’t ipalaganap. Tuloy ang laban para sa hustisya!