Unang protesta sa Araw ng Paggawa sa Pilipinas
Noong Mayo 1, 1903 ang kauna-unahang malaking kilos-protesta ng obrerong Pilipino sa paggunita sa Araw ng Paggawa.

“Kamatayan para sa imperyalismong Amerikano!”
Ito ang sigaw ng libo-lubong manggagawa noong Mayo 1, 1903 sa harap ng Palasyo ng Malacañang na nagmartsa mula Tondo, Maynila sa kauna-unahang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa bansa.
Pinangunahan ito ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) na itinatag ni Isabelo delos Reyes noong 1902 sa Sampaloc, Maynila. Ito ang kauna-unahang pambansang sentrong paggawa sa Pilipinas na kinabibilangan ng mga unyon mula sa iba’t ibang industriya.
Ipinahayag ng mga manggagawang Pilipino ang hinaing sa dagdag sahod, makataong kondisyon sa trabaho at ang kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga Amerikano.
Noong panahong iyon, 12 oras ang trabaho ang mga manggagawa at ipinatupad ng kolonyal na pamahalaan ng mga Amerikano ang minimum na sahod at labor contracting na hadlang sa permanenteng empleyo.
Nagmartsa ang mga manggagawa mula sa Plaza Moriones sa Tondo hanggang Malacañang sa San Miguel sa Maynila bitbit ang panawagan sa pagtaas na sahod, maayos na kondisyon sa pagawaan at walong oras na paggawa.
Limang taon mula ng unang martsa ng UODF, idineklarang pista opisyal ang Araw ng Paggawa sa pamamagitan ng Batas Blg. 1818 na pinagtibay ng Pambansang Asambleya, ang lehislatura ng Pilipinas noon.
Sa loob ng mahigit isang siglo, patuloy na bitbit ng uring manggagawa ang panawagan sa nakabubuhay na sahod, karapatan sa pag-uunyon at sama-samang pakikipagtawaran, maayos na kalagayan sa paggawa, regular at disenteng empleyo at iba pang karapatan ng mga obrero.
Ginugunita ang Araw ng Paggawa sa mga kilos-protesta para isulong ang mga panawagan para sa mga karapatan ng manggagawa at pagpupugay sa kanilang ambag sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sa pangunguna ng mga progresibong grupo tulad ng pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno, patuloy ang pakikibaka at pagsusulong ng interes ng uring manggagawa at mamamayan.
Sa darating na eleksiyon, hinahamon ng mga sektor ng manggagawa, malamanggagawa at maralita ang mga kandidato sa pagpapatupad ng mga patakarang magtityak sa interes at kagalingan ng obrerong Pilipino sa pagsusulong ng nagkakaisang adyenda sa paggawa.