Ang Mayo Uno sa kasaysayan
Sa Pilipinas, ang International Workers’ Day na lalong kilala sa tawag na Labor Day o Araw ng mga Manggagawa, ay pinagdiriwang upang bigyan ng halaga ang papel na ginagampanan ng manggagawa.

Sa paglabas ng kolum na ito, tapos na ang Mayo Uno. Ang araw na ito ay mahalaga dahil dito natin ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa.
Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 1, 1886, libo-libong mga manggagawa sa Estados Unidos ang tumigil sa kanilang mga trabaho upang ipaglaban ang eight-hour work day.
Tinatantyang mga 350,000 na manggagawa sa Estados Unidos na galing sa mga 1,200 na pabrika ang nagwelga bilang pakikiisa sa ipinaglalaban nilang ito.
Tuloy sana ang kanilang protesta, ngunit noong Mayo 4, 1886 nangyari ang isang riot sa Haymarket Square sa Chicago, isang marahas na sagupaan ng mga manggagawa at mga pulis.
Sa gitna ng pagkilos ng mga manggagawa, bigla na lang may naghagis ng bomba sa mga pulis na nagpaputok naman ng mga baril bilang ganti.
Nagbunga ang Haymarket incident ng pagkamatay ng pitong pulis at pagkasugat ng mga 60 sa kanila . Sa bahagi ng mga ralyista o sibilyan, apat hanggang walo ang tinatayang namatay samantalang 30 hanggang 40 naman ang tinatantyang nasugatan.
Dahil dito, mahigit 150 na bansa sa buong mundo tuwing Mayo 1 ang nagdiriwang rito bilang International Workers’ Day . Kabilang sa mga bansang ito ang Germany, France, Brazil, China, South Africa, maging ang Pilipinas .
Sa Pilipinas, ang International Workers’ Day na lalong kilala sa tawag na Labor Day o Araw ng mga Manggagawa, ay pinagdiriwang upang bigyan ng halaga ang papel na ginagampanan ng manggagawa.
Nagsimula nating ipagdiwang ang Araw ng mga Manggagawa mula pa noong Pebrero 2, 1902 matapos itatag nina Isabelo delos Reyes at Herminigildo Cruz ang Union Obrero Democratica (UOD) .
Kasama sa mga adhikain ng UOD ang pagpabuti sa kalagayan ng mga manggagawa pati na rin ang pagkamit sa kalayaan ng bansa mula sa mga Amerikano.
Kaya noong Hulyo 4, 1902 ay namuno ito sa isang rally na sinamahan ng 70,000 katao para hingin ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos
Noong Agosto 2, 1902 ay nanawagan din ng isang national strike ang UOD para iprotesta ang hindi pagbigay ng dagdag na sahod sa mga manggagawa.
Noong Agosto 9, 1902 naman, sinuportahan ng UOD ang welgang ginawa sa Malabon Commercial Tobacco Factory. Ginantihan naman ito ng gobyerno ng pag-aresto at pagkulong sa apat na lider-unyon, pati na kay delos Reyes.
Nakulong si delos Reyes nang apat na buwan dahil sa pangyayaring ito bago siya binigyan ng pardon sa kondisyong hindi na niya ipagpapatuloy ang pagiging labor leader.
Nagbitiw si Isabelo delos Reyes sa kanyang posisyon habang siya ay nasa kulungan at nahalal si Dominador Gomez bilang kanyang kapalit noong Setyembre 1902 at naging Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) ang pangalan ng sentrong unyon.
Noong Abril 1903, nagkaroon ng pagpupulong sa Malacañang ang mga pinuno ng UODF at ni Governor General William Taft kung saan hiniling ng mga pinuno ng UODF na payagan silang ipagdiwang ang Labor Day tuwing Mayo 1. Hindi pumayag si Taft sa mungkahing ito at binansagan pa niyang subersibo si Dominador Gomez.
Sa kabila nito, natuloy ang malaking pagkilos noong Mayo 1, 1903 . Dinaluhan ito ng mga 100,000 ka tao sa pangunguna ng UODF at ginanap sa labas ng Malacañang. Ito ang unang May Day celebration sa Pilipinas.
Dahil dito, inaresto at kinulong si Gomez. Katulad ni delos Reyes, siya’y pinakawalan sa kondisyong siya ay aalis sa UODF at tutulong sa negosasyon tungkol sa pagpapasuko kay Macario Sacay sa pamahalaan.
Sa pag-alis ni Gomez sa UODF, maraming unyon ang nagsialisan. Dagdag pa rito , ipinasok ng administrasyong Amerikano ang uri ng unyonismo na tumitingin din sa interes ng kapitalista.
Ganoon pa man, patuloy na hinarap ng manggagagawang Pilipino ang problema sa kabuhayan. Patuloy nitong pinaglaban ang karapatan ng manggagawa sa maayos na trabaho at nakabubuhay na sahod.
Kaya noong Hulyo 1903, mga 70,000 na Pilipino ang nagmartsa upang hingin ang kalayaan mula sa Estados Unidos. Nang sumunod na buwan, isang pambansang welga ang naganap dahil sa pagtanggi sa dagdag na sahod na hinihingi ng mga manggagawa.
Noong 1926 naman, isang welga ang ginawa ng mga 6,000 manggagawa sa apat na pabrika ng sigarilyo dahil sa pagbaba ng kanilang sahod. Nagkagulo rin sa mga plantasyon ng asukal at bigas sa Pampanga, Panay, Bulacan at Tarlac dahil sa pagtanggi ng mga may-ari na bigyan ng mas mataas na sahod at mas mabuting kondisyon sa trabaho ang mga manggagawa. Ilang welga ang naganap mula 1898 hanggang natapos ang rehimeng Amerikano noong 1946.
Hindi natin maipagkaila na noong rehimeng Amerikano, maraming batas o patakaran ang ginagawa dito sa ating bansa upang ilapit ang magkalayong interes ng manggagawa sa kapitalista.
Kabilang sa mga ito ay ang pagtayo ng Bureau of Labor upang tugunan ang isyu sa pag-gawa noong 1908; ang Eight Hour Labor Law o Commonwealth Act 444 noong 1939 na nagsasabing hanggang walong oras lang ang regular na pagtatrabaho; ang Act No. 3428 na nagtakda ng kabayaran sa mga manggagawang namatay o nagkasakit bunga ng kanilang mga trabaho; at ang Commonwealth Act 103 na nagtatag ng Court of Industrial Relations upang husgahan ang mga labor case.
Hinayaan ng Amerika ang unyonismo sa ating bansa basta’t hindi nakikialam sa politika. Subalit sa prosesong ito’y napagtanto ng mga manggagawa na ang kanilang hinahabol na katarungang panlipunan ay nakakabit sa politika.
Kasama ang iba pang makabayang grupo ay inilaban nila ang pagbigay ng kalayaan sa Pilipinas. Noong 1946, nominal na ibinalik ng Amerika ang kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas.
Noong 1950, dahil sa lumalawak na militansya sa mga unyon, napilitan ang pamahalaan na itayo ang National Confederation of Trade Unions (NACTU). Noong taon ding iyon ay itinayo ng Heswitang si Fr. Walter Hogan ang Federation of Free Workers upang labanan ang kontrol sa mga manggagawa ng kanilang mga kompanya.
Noong 1953 naman nabuo ang Philippine Association of Free Labor Unions upang itaguyod ang sosyalismo laban sa imperyalistang Amerika; ang National Organization of Trade Unions na ang layunin ay ang makawala ang mga manggagawa sa sistematikong pang-aapi; ang Malayang Samahang Magsasaka na itinayo noong 1964 upang labanan ang pyudalismo at kapitalismo; ang National Federation of Labor Unions para labanan ang sistema ng kapitalismo at igiit ang repormismo sa bansa; at ang Pagkakaisa ng mga Magbubukid sa Pilipinas na itinayo noong 1969 para igiit ang implementasyon ng Agricultural Land Reform Code.
Noong 1954, lumitaw ang National Labor Union at Associated Labor Union, Philippine Labor Alliance Council na binuo ng 1967 at Pambansang Kilusan ng Paggawa na binuo naman ng 1969.
Sa usapin ng pagtatakda ng minimum na sahod, nakaroon ng unang batas hinggil sa national minimum wage noong 1951, ang Minimum Wage Law o Republic Act 602. Noong 1989, sa ilalim ng Wage Rationalization Act o Republic Act 6727, naging rehiyonal na ang pagtatakda sa minimum wage.
Ideklara naman ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar noong 1972 para umano pigilan ang komunismo sa Pilipinas. Kaya noong Mayo 1, 1974, inilabas ni Marcos Sr. ang Presidential Decree 442 na nagtatakda ng Labor Code of the Philippines.
Ang Labor Code na ito ang nagpasimula sa kontraktuwalisasyon. Dito rin sumiklab ang unang welga sa ilalim ng batas militar, ang welga ng mga manggagawa sa pagawaan ng alak ng La Tondeña.
Noong Peb. 25, 1986, napatalsik si Marcos sa puwesto ng EDSA People Power. Ngunit nakalulungkot na hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang problema ng mga manggagawa sa mga may-ari ng kompanya o kapitalista.
Halimbawa, ilang pangulo na ang nagdaan ngunit ang sahod na tinatanggap ng mga manggagawa ay hindi pa rin sapat para sa batayang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan, P645 ang minimum wage sa Metro Manila. Subalit sa pag-aaral ng Ibon Foundation, ang living wage o ang kinakailangang halaga para matugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilyang may limang kasapi ay hindi bababa sa P1,223 na sa bawat araw sa Metro Manila.
Kung ganito sa Metro Manila, ganoon din sa ibang bahagi ng ating bansa. Tinataya na sa buong bansa, ang family living wage ay umaabot ng P1,224 ngayon ngunit ang average daily nominal wage ay 38% lang nito.
Kaya sa sitwasyong ito, saan na lang pupunta ang mga manggagawa? Mayroon pa rin ba silang dahilan para ipagdiwang ang Labor Day?
Ang sagot sa katanungang iyan ay nasa inyong lahat, mga kasama. Makabuluhang Labor Day para sa inyong lahat!