Editoryal

Kayo-kayo na lang


Bulok ang politika at burukrasya sa bansa. Sa antas ng mga mainstream na politiko, partido at personahe, kapos ang talakayan para solusyonan ang mga problema sa bansa. Wala namang nagtutunggaliang ideya, pananaw o suri. May bangayan lang para makapaghari at makapanamantala. Pasikatan. Pabonggahan. Pataasan ng ihi. Pero walang aktuwal na nagagawa.

Ang bilis ng rigodon sa gabinete ng Palasyo. Wala pang isang buwan matapos ang eleksiyon, pinagbitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kalihim ng mga kagawaran. Ang sabi pa ng pangulo, alang-alang ito sa gusto ng mamamayan na matigil na ang pamumulitika at mauna ang paglilingkod.

Gustong palabasin ni Marcos Jr. na biglang dumapo sa kanya ang rebelasyong ito matapos ang halalan, ilang buwan bago ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte at kumpirmasyon ng mga kaso ng kanyang ama, habang usap-usapan na agad ang mga tatakbo sa 2028.

Kumbaga, ang hakbang na sinasabing pag-iwas sa pamumulitika ay mukhang tahasang pamumulitika rin pala.

Sa tingin ng mga eksperto, hungkag na retorika lang ito. Panay salita, pero matagal naman nang walang gawa. Masahol pa, maaari itong hakbang para magpalakas ng hanay nila bilang paghahanda na rumesbak sa mga karibal sa politika.

Kung taumbayan ang tatanungin, malamang gusto nating matapos na nga ang pamumulitika. Wala namang pakinabang diyan. Hindi naman iyan makakain at hindi na rin nasisikmura.

Kung talagang iigpawan na ang pamumulitika, dapat mga isyung pambayan at hindi posisyon ang uunahin. Imbis na maging atubili sa poder, bakit hindi nakabubuhay na sahod, reporma sa lupa, murang pagkain at soberanya ng bansa mula sa Amerika at Tsina ang bigyang pansin?

Napakabilis mag-move on ng mga nanalo mula sa napakaruming eleksiyon na parang wala lang porke nakaupo na. Samantala, matumal ang pag-uusap at pagkilala sa mga matagal nang hinaing ng tao. Malinaw noon pa man na pagtugon sa ekonomiya at kabuhayan at numero unong interes ng mamamayan.

Bulok ang politika at burukrasya sa bansa. Sa antas ng mga mainstream na politiko, partido at personahe, kapos ang talakayan para solusyonan ang mga problema sa bansa. Wala namang nagtutunggaliang ideya, pananaw o suri. May bangayan lang para makapaghari at makapanamantala. Pasikatan. Pabonggahan. Pataasan ng ihi. Pero walang aktuwal na nagagawa.

Hindi mahihiwalay itong rigodon sa gabinete sa resulta ng halalan. Lamang ang kampo ng mga Marcos sa pangkalahatan pagdating sa lawak ng impluwensiya sa politika sa pambansa at lokal na antas. Sa katunayan, ayon sa Third World Studies Center ng University of the Philippines, Davao lang ang masasabing solidong base ng mga Duterte.

Pero hindi rin maitatanggi na nakapuntos ang pamilyang Duterte sa pampublikong opinyon, gamit ang makinarya para sa dismporasyon na pinakakalat sa social media.

Kaya kalokohan ang sinasabi ng pangulo na hindi siya namumulitika, kasi mula’t sapul siya na mismo ang pasimuno nito.

Ano pa bang aasahan natin sa trapo? Mas marami pang ginagawa itong mga ito para sa magkamal ng papuri kaysa sa aktwal na tulong.

Sa libreng edukasyon sa kolehiyo, nag-aaway ang mga tagasuporta nina Senator-elect Bam Aquino at mga Duterte sa pangunguna ni Kitty Duterte na nagsabing pirma ng ama niya ang susi sa batas. Dekada ‘80 pa lang panawagan na ito ng mga progresibong grupo na malimit pagbantaan at pagsabihan na ‘di makatotohanan ang dinedepensahan nilang mga karapatan. 

Ang Kabataan Partylist, matagal nang inaatake ng gobyerno kahit pa sila ang tunay na tinig ng kabataan sa Kamara. Samantala ang Duterte Youth Partylist, panay matatanda ang miyembro pero pikon na pikon dahil nalalantad na posisyon at hindi serbisyo ang habol nila na ginagamit lang na bala sa pagbabanta sa Commission on Elections ang pagsisiwalat ng korupsiyon. 

Nagkalat ang mga magkatunggaling interes. Sila-sila na lang. Pero dapat hindi hahayaan ng mamamayan na lunurin ng mga nasa poder ang pinakamahalagang mga usapin.

May puwang sa kalsada, paaralan, pabrika at komunidad para mamayani ang pinakamaiinit na panawagan para sa mas maunlad na Pilipinas.