Walang kukurap sa laban kontra-korap
Kahit buwan na ang inabot ng paniningil ng hustisya, tuloy ang pagbabantay ng taumbayan na ninakawan.
“Mahiya naman kayo!” patama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address sa mga opisyal ng gobyerno at kontratistang sangkot sa mga maanomalyang flood control project.
Sinundan ito ng hiyawan. Hindi raw pipirmahan ni Marcos Jr. ang anumang pambansang badyet para sa 2026 na aniya’y hindi sang-ayon sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino.
Ngayon, halos anim na buwan na ang lumipas nang sindihan ng administrasyon ang palabas na mga imbestigasyon hinggil sa malawakang korupsiyon, pero mas nauna pang masampahan ng kaso ang mga kabataan at indibidwal na militanteng nagprotesta noong Set. 21, 2025.
Nauna pang nalagas isa-isa ang mga kasapi ng itinayong Independent Commission on Infrastructure ng Malacañang.
Sa kabila ng pagkakabunyag sa sistematikong paggamit sa pambansang badyet para sa mas suwabeng pagtitiyak ng kurakot, pinirmahan ni Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Act (GAA) o pambansang badyet na batbat pa rin ng iba’t ibang klase ng pork barrel.
Sa pagsusuri ng Koalisyong Makabayan, hindi bababa sa P695.78 bilyon ang nanatiling pork barrel sa ipinasang 2026 General Appropriations Bill ng bicameral conference committee. Bagama’t nag-alis ng P92.5 bilyon mula sa unprogrammed appropriations si Marcos Jr. dito, nananatili pa rin umano ang ibang pork barrel ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Ang tanong ng taumbayan, nasaan napunta ang hiya ng pangulo? Ano ang mukhang ihaharap ng administrasyon sa naghihirap na mga Pilipino?
Malaking pagpapanggap
Sa tatlong taong pagkakaupo ni Marcos Jr. sa puwesto, patuloy nalulugmok ang ekonomiya at ang mga Pilipino sa mas masahol na kahirapan.
Batay sa Social Weather Stations, umangat sa 51% ang nagsasabing naghihirap sila sa pagtatapos ng 2025, mula 48% noong nagsimula ang termino ni Marcos Jr. Ito’y kasabay ng apat na taong mabagal at pabulusok na galaw ng ekonomiya simula 2022.

Habang lugmok ang antas ng pamumuhay ng ordinaryong Pinoy, malalaking isyu ng paglustay ng pera ng taumbayan ang nasiwalat.
Noong Pebrero 2025, nalantad ang hindi maipaliwanag na paggastos ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na may kabuuang P612.5 milyon. Desidido ang taumbayan na panagutin si Duterte sa kanyang lantarang pangungurakot at patalsikin sa puwesto.
Sa dulo, inamin ni Marcos Jr. na nagpadala siya ng text sa mga lider sa Kamara na huwag magpasa ng impeachment complaint laban kay Duterte. “Dapat private communication pero na-leak na. Pero oo, ‘yon ang opinyon ko,” sabi niya sa Ingles.
“This is not important,” sabi ng Pangulo, kahit pa isyu ito ng nilustay na pera ng taumbayan.
Sa ikalawang hati ng 2025, sinubukang muli ni Marcos Jr. na pumosturang kontra-kurakot. Sinakyan niya ang lumalaganap na galit ng taumbayan sa mga palpak na flood control projects sa harap ng mas tuminding pinsala ng mga nagdaang bagyo.
Sa pagbubukas ng imbestigasyon kuno, hindi nagtagal at tumalbog pabalik ang pananagutan sa mismong opisina ni Marcos Jr.
“Hindi naman talaga ito tungkol sa paninindigan na, ‘mahiya naman kayo, I am going after you,’ no. Hakbang lang ito para makakuha ng kontrol [sa piskalya] at manumbalik ang tiwala ng publiko. Pero bigo siya, bumalik rin sa kanya ang sisi sa dulo ng taon,” pahayag sa Ingles ni Ibon Foundation research head Rosario Guzman sa kanyang presentasyon sa Birdtalk Yearstarter 2026.
Habang nalantad ang mga kontraktor na nakinabang mula sa bilyon-bilyong proyekto, ang mga padrong politiko, at ang mga umano’y opereytor at bagman sa loob mismo ng mga ahensiya, hanggang ngayon wala pa ring napapanagot na malaking isda.
Ani Guzman, nasaksihan na natin ang isa sa pinakamalalang pagkalagas ng mga pinakamatataas na opisyal sa lehislatura at ehekutibo, itinuro na ni dating House Appropriations Committee chairperson at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co si dating House Speaker Martin Romualdez at Marcos Jr. bilang may pinakamalaking porsiyento ng kickback, pero hanggang ngayon, walang gumugulong na imbestigasyon laban sa kanila.
“Andoon na e, bakit [walang nangyayari], wala pang hakbang para imbestigahan sila,” sabi ni Guzman. “Ang Office of the Ombudsman at ibang anti-korupsiyon na ahensiya tulad ng Commission on Audit, Department of Justice, at kahit pa Anti-Money Laundering Council na nagagamit para sa gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at development worker, wala pang sinisimulan na pagsisiyasat kahit pa mandato nila ‘yon ayon sa Konstitusyon.”
Aniya, isang malaking palabas lang ang buong kontra-korupsiyong krusada ni Marcos Jr. upang pagtakpan ang katotohanang posible lang ang sistematikong korupsiyon sa bansa kung kalahok ang pangulo.
Umaalingasaw na baho

Pagpasok ng taon, matapos malantad ang maruming kalakaran ng mga politiko sa pambansang badyet, wala pa ring nagbago, parehong balangkas pa rin ang umiral sa pinirmahang P6.8 trilyong pambansang badyet ni Marcos Jr.—badyet para sa korupsiyon, bayad-utang at pasismo.
Sa pahayag ng Bayan, pabalat-bunga lang ang pagtanggal ni Marcos Jr. sa ilang bahagi ng badyet para pahupain ang galit ng taumbayan at lumikha ng ilusyon ng pagbabago. “Kahit may line-item vetoes, kung buo at buháy pa rin ang sistema ng pork barrel at patronage, walang makabuluhang pagbabago,” saad ng Bayan.
| Pork barrel sa 2026 budget | |
| “Soft” pork barrel projects o mga ayuda na bulnerable sa patronage politics o pagpapabida ng mga politiko | P63.9 bilyon sa emergency aid |
| P51.6 bilyon sa medical assisstance | |
| P22.4 bilyon para sa informal workers | |
| P10 bilyon para sa mga magsasaka at mangingisda | |
| Confidential and intelligence funds (CIF) na hindi nasisilip ang paggamit | P4.6 bilyon para lang sa pangulo, o 38% ng CIF sa pambansang badyet |
| Kalahating trilyon na nakatali pa sa mga proyektong pang-imprastruktura | |
Ani Guzman, sa paglaon ng palabas na kampanyang kontra-korupsiyon ng rehimen, lalong mas malinaw sa mamamayan na ang isyu ng korupsiyon ay sistemikong problemang nakaugat sa pamamayagpag ng burukrata kapitalismo.
Paliwanag ni Guzman, ang sistemang pinapairal ng burukrata kapitalista ay pagpapatakbo sa gobyerno bilang isang malaking negosyo. Sumisidhi na ang galit ng mga Pilipino sa reyalidad na ito, at isa sa mga malalakas na boses kontra-korupisyon ay mismong mga kabataan.
Kabataan laban sa burukrata kapitalismo

“Masidhi po ang aking damdamin sa paglaban sa korupsiyon dahil malinaw kong nakita kung paano nito nilulugmok ang buhay ng mamamayan na nakapaligid sa akin at kung paano ninanakaw ang pondo para sa serbisyo, sa aking edukasyon, at kabuhayan [ng mamamayan] habang ang iilan ay patuloy na nagpapayaman.”
Ito ang hugot ni Kristian Gomez, isa sa mga tagapagtatag ng Kalayaan Kontra Korupsiyon (KKK), sa kanyang paglahok at pangunguna sa serye ng mga protestang kontra-korupsiyon.
Si Gomez ay nagtapos ng kursong human resource management sa Batangas State University. Aniya, noon pa man, interesado na siya sa mga usaping pambayan, pero lalo itong naging matingkad sa kanya nang makabahagi siya sa mga talakayan tungkol sa lipunang Pilipino noong nagkolehiyo. Nagsimula lang siya sa pakikinig hanggang nakibahagi na rin siya sa mga diskusyon at mga protesta.
“Para sa akin, ang pagiging interesado sa politika ay bahagi ng pagiging responsableng mamamayan,” sabi niya. Ito ang dahilan kung bakit sa kasagsagan ng pagkakalantad ng mga anomalya sa mga flood control project, hindi naging mahirap para kay Gomez na aktibong lumahok sa pagbubuo ng isang samahan ng mga kabataan laban sa korupsiyon.
“Sinimulan po namin ang KKK noong [2025] na may iisang malinaw na layunin—ang maningil at [magpanagot] ng mga korap sa kanilang mga pagnanakaw at pang-aabuso sa kapangyarihan. Itinatag po namin ito bilang isang kolektibong boses ng mamamayan para igiit ang pananagutan, hustisya at tunay na pagbabago,” paliwanag niya.
Ngunit ang matapang na paninindigan ng mga kabataan ay tinapatan ng represyon at paninindak ng mga puwersa ng estado. Bago pa man may makulong na opisyal, nauna nang kasuhan ang mga lider-kabataang nanguna sa makasaysayang pagkilos noong Set. 21, Baha sa Luneta.


Sina Tiffany Brillante at Jacob Baluyot, mga lider-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), ay dalawa sa apat na lider-kabataan at daan-daang kinasuhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng sedition at inciting sedition. Si Baluyot ay kinasuhan din ng indirect contempt.

Para kina Brillante at Baluyot, hindi maitatangging nagdulot ng matinding pangamba, lalo sa kanilang pamilya, ang ginawang pagpunta at pag-iimbestiga ng PNP-CIDG. Ngunit mabilis na nanaig din sa kanila ang galit at lalong pag-kuwestiyon sa umiiral na sistema ng hustisya sa bansa.
“Kami ‘yong iniimbestigahan, ginugugulan ng pondo, pero ‘yung mga tunay na sangkot [sa korupsiyon], ‘di pa napapanagot ngayon. Gagawin [nila] ang lahat para patahimikin ang mga indibidwal na naglalantad sa kabulukan [ng sistema],” ani Brillante.
Para sa mga iskolar ng bayan, madali anilang kumalat ang apoy ng galit at pagkadismaya sa eskandalo ng flood control dahil ramdam nila sa araw-araw ang epekto ng pinagdadamot na pondo para sa kanilang edukasyon.
“Sa main campus [ng PUP], dahil ginagawa ang isang malaking bahagi ng academic building na nakatengga hanggang ngayon, napipilitan na mag-agawan ng classroom para may magamit. May mga [estdyanteng] sabay-sabay ang pasok, nag-aagawan ng classrooms, tapos ang mga classroom hindi conducive, maliit, sira-sira ang electric fan, blackboard at mga upuan,” daing ni Brillante.

Sa kabila ng kasong kinahaharap, hindi natitinag si Baluyot sa tuloy-tuloy na paglaban sa harap ng nakakadismayang mabagal na usad ng pagpapanagot.
“Daig pa namin ang mga kurakot, kung puntahan sa residence, may mga subpoena pa from DOJ and RTC, napaka-strict ng state forces sa mga lumalaban pero sa perpetrators ng corruption, ng impunity, wala,” sabi ni Baluyot.
Martsa pasulong
Nakatakdang maghain ng kanilang salaysay sa korte sina Brillante, Baluyot at ang daan-daang iba pang kinasuhan ng PNP-CIDG sa Ene. 29. Kasabay nito, patuloy lang din ang paghahanda ng mga kabataan sa PUP at mga kasapi ng KKK para sa isa muling malaking protesta kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power sa Peb. 25.
“Ngayong 2026, makabagong panahon, hindi lang ito aalalahanin ng mga kabataan kundi isasabuhay ang diwa at militansya ng mga kabataan na ipinakita noong martial law upang ipagpatuloy ang laban natin sa kasalukuyan sa pagpapanagot sa lahat ng kurakot,” pahayag ni Brillante sa press conference ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, Ene. 19.
Sa kabila ng lantarang pananakot at panunupil ng estado, hindi magpapasindak ang kabataan Anila, hanggang walang napapanagot mula sa pinakamatataas na opisyal ng gobyerno, hindi matitigil ang pag-iingay at paninindigan ng mga kabataang Pilipino kasama ang sambayanang Pilipino.