MH
Sinasabi ng gobyerno na karapatang pantao ang mental health, ngunit kapansin-pansing hindi sapat ang suporta upang ang karapatang ito ay matamasa ng mamamayan.

Tuwing Mayo, ginugunita ang Mental Health Awareness month na naglalayong itaas ang kamalayan ng mamamayan sa halaga ng pangangalaga sa ating lusog-isip. Masakit mang isipin, pero isa ang mental health sa hindi binibigyang-pansin na sektor ng kalusugan.
Totoong may batas na tulad ng Philippine Mental Health Act na naglalayong paunalarin ang pagbibigay ng serbisyo sa mental health, pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga indibidwal na nangangailangan ng mga serbisyo, at pagbubuo ng mga programa sa komunidad at pambansang gobyerno sa mental health. Malaking pag-abante ito kung tutuusin lalo pa’t sobrang limitado ng serbisyong sikolohikal at mababa rin ang kamalayan ng mamamayan ukol dito.
Ngunit ayon na mismo sa World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH), tanging 5% lang ng alokasyon sa Universal Health Care Act ang nakalaan sa mental health.
Sa ulat ng WHO, tanging 7.76 ang hospital bed at wala pang isa (0.41) ang bilang ng mental health worker sa kada 100,000 tao—’di hamak na mababa sa kapareho nating mga bansa gaya ng Indonesia at Malaysia. Hindi rin sapat ang suporta ng gobyerno para sa organisasyong kabahagi sa pagsusulong at pagpapatupad ng mga polisiya sa mental health.
a ulat naman ng Congressional Policy and Budget Research Department, tinatayang ang bilang ng concern sa mental health sa Pilipinas ay 11.3% hanggang 11.6%, na tinatayang tumataas hanggang 2.0% o mula 7 hanggang 12.5 milyong Pilipino mula 1990 hanggang 2019. Ang pinakaramaraming bilang dito ay ang anxiety at depresyon. Marahil konserbatibo pa ang bilang nito lalo pa’t maraming Pilipino ang walang akses sa serbisyo sa mental health.
Sa isang episode nga ng iWitness ng GMA Network, ikinulong na lang ng isang ina sa ginawang selda ang kanyang mga anak na may schizophrenia. Matanda na ang nanay at wala nang kakayahan upang alagaan at suportahan ang kanyang mga anak. Kung hindi pa tinulungan ng kapitbahay at kung hindi pa naging tampok sa midya ang kalagayan nila, hindi sila mabibigyan ng angkop na tulong.
Paano nga naman hihingi ng tulong ang mga nakararanas ng problema sa mental health kung lubhang nakapamahal ng serbisyong ito? Sobrang mahal ng mga gamot at hindi bababa sa P1,000 hanggang P3,000 ang bayad ng konsultasyon sa isang psychiatrist at psychologist. Dumadagdag pa sa mga pasanin natin ang ligalig na dulot ng kahirapan at karahasan na siyang malaking salik kung bakit marami lalo ang nakararanas ng depresyon at iba pang suliranin sa mental health.
Sinasabi ng gobyerno na karapatang pantao ang mental health, ngunit kapansin-pansing hindi sapat ang suporta upang ang karapatang ito ay matamasa ng mamamayan. Totoong mahalagang bahagi ang “awareness,” pero mas mahalagang ayusin ang mga sistema lalo na sektor ng kalusugan.
Kahit ano pang awareness campaign ang ilunsad, kung hindi dadagdagan ang badyet para sa kalusugan at hindi maglalaan ng malaking porsiyento ng badyet dito, mananatili ang kahungkagan ng serbisyo para sa mental health. Kung magkakaroon ng mas maraming psychiatrist, psychologist at iba pang mental health worker at abot-kayang serbisyo, tiyak na mas maraming makahahakbang pasulong mula sa bigat at hirap.
Napapanahon ang paggunitang ito ngayong taon dahil eleksiyon at may matinding hamon kung mababago nga ba ang sistemang nagdudulot sa atin ng matinding pagkaligalig, pagkabalisa at pagkabagabag. Mahalagang maging mapanuri ang mga botante sa mga kumakandidato lalo pa’t karamihan sa kanila ‘di umano ay nagsusulong ng mga adbokasiya sa kalusugan.
Paulit-ulit na nga ang kalusugan sa kanilang mga islogan—ano nga ba ang katiyakan na magbabago ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating sektor ng kalusugan sa kamay ng mga politiko? Isama natin ang mental health sa ating mga batayan ng ibobotong opisyal. Piliin natin ang mga lider na may pagkalinga at paglingap sa ating kalusugan, kapakanan at karapatan.