Migranteng Pinoy, dusa ang danas sa ibang bansa


Binatikos ng Migrante New Jersey, Tanggol Migrante at iba pang progresibong grupo ng mga migrante sa US ang matagal na pagtugon ng gobyerno sa isyu ng mga migranteng nakakaranas ng pang-aabuso at hindi makatarungang pagkakakulong.

Nananawagan ng hustisya at proteksiyon ang mga migranteng Pilipino sa United States (US), South Korea at Cambodia na dumaranas ng abuso, hindi makatarungang pagkakakulong at banta ng deportasyon.

Ayon kay Consulate General Donna Rodriguez, mayroong humigit-kumulang 20 Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa US sa gitna ng kampanya ng administrasyong Trump laban sa mga migrante.

Kabilang sa mga Pilipinong nakulong si Lewelyn Dixon, 64 anyos at isang lab technician sa University of Washington. Permanenteng residente si Dixon sa US sa loob ng 50 na taon.

Pebrero nang idetine si Dixon sa airport ng walang malinaw na dahilan bago nilipat sa kustodiya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) at dinala sa Northwest Detention Center (NWDC) sa Tacoma, Washington.

Orihinal na nakatakdang magsimula ang pagdinig sa kaso ni Dixon sa Hul. 16, ngunit matagumpay na naipaglaban ng mga migrante sa Amerika na gawin itong mas maaga upang bumilis ang pag-usad ng kanyang kaso at makalaya na. Nakatakda na ang unang araw ng pagdinig sa Mayo 29.

Deportasyon naman ang kinahinatnan ni Dhenmark Francisco, isang Pilipinong nurse assistant na nakulong noong Okt. 2024 dahil sa kasong aggravated assault.

Isinampa ang kaso laban sa kanya nang depensahan niya ang sarili, kasama ang isa pang nars, mula sa isang pasyenteng tangka silang atakihin.

Binatikos din ng Migrante New Jersey, Tanggol Migrante at iba pang progresibong grupo sa US ang matagal na pagtugon ng gobyerno sa isyu ng mga migranteng nakakaranas ng pang-aabuso at hindi makatarungang pagkakakulong.

Samantala, nakalaya na si Michelle noong Abril 30, isang permanenteng residente sa US at ina ng tatlong anak, matapos siyang marahas na arestuhin ng ICE sa airport noong Pebrero.

Ayon sa sulat na ipinadala ni Michelle noong Abril, hindi makatao at tila hayop ang pagtrato sa kanila habang nakakulong sa NWDC. Aniya, halos hindi makain at minsan expired pa ang hinahain na pagkain sa kanila.

Lalo ring naging mahirap ang kalagayan ni Michelle dahil mayroon siyang brain tumor at hindi tinugunan ng NWDC ang kanyang pangangailangang pangkalusugan.

Liban kay Michelle, lumaya na rin ang isang Filipino-Japanese na green card holder mula sa Alaska.

Para sa Migrante USA, ang mga pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng mga migranteng Pilipino ang naglalantad sa tunay na mukha ng rehimeng US-Marcos Jr. at US Ambassador Jose Manuel Romualdez na patuloy na nagpapakatuta sa administrasyong Trump.

Samantala, mariing kinondena ng Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (Kasamma-Ko) ang hindi makatarungang pag-aresto sa isang Pilipinong manggagawang si Armand (hindi tunay na pangalan), sa loob mismo ng Gyeonggi Regional Office of the Ministry of Employment and Labor sa South Korea.

Ayon pa sa inilabas na pahayag ng Kasamma-Ko, nasa opisina si Armand para sa ikalawang pagdinig ng kasong isinampa laban sa dating kompanya na pinagtrabahuhan niya ng 10 na taon, ang Seo Seokjae Co., Ltd., kaugnay sa hindi nito pagbabayad ng kanyang huling suweldo at separation pay.

Napag-alaman din na ang anak ng may-ari ng kompanya ang nagpaaresto kay Armand dahil sa pagiging undocumented ng migrante. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Suwon Regional Immigration Office si Armand.

Masusing imbestigasyon ang panawagan ng Kasamma-Ko sa hindi makatarungang pag-aresto kay Armand sa loob mismo ng tanggapan ng paggawa, kung saan dapat malaya at ligtas silang magsumbong ng kanilang hinaing at magsampa ng kaso.

Hustisya rin ang hinihingi ng mga migranteng grupo kasama ang pamilya ng 10 na biktima ng human trafficking sa Cambodia na kauuwi lang nitong Abril 20.

Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, customer service representative ang inalok na trabaho sa kanila na may suweldong $700 kada buwan.

Online scamming ang trabahong dinatnan ng mga biktima sa Oddar Meanchey, Cambodia kung saan puwersahan silang pinagsusulat ng aabot sa 100 na iskrip para lokohin ang mga kapwa Pilipino sa United States.

Pinagbantaan din sila gamit ang bidyo na nagpapakita ng ibang tao na pisikal na sinasaktan bilang parusa kung hindi susunod sa kanilang mga utos.

Bago man masagip at mapauwi ang mga biktima sa Pilipinas, nakaranas na sila ng pisikal na pang-aabuso mula sa mga trafficker matapos malamang nakipag-ugnayan sila sa Philippine Embassy sa Phnom Phen, kabisera ng Cambodia.

Bukod pa rito, sa halip na tulungan sila ng mga pulis sa Cambodia, ikinulong sila sa isang maliit na bilangguan kung saan hindi sila nakakakain at nakakainom ng maayos sa loob ng ilang linggo.

Matindi ang panawagan ng pamilya ng mga biktima sa gobyerno na panagutin ang mga salarin at bigyang hustisya ang kanilang mga kaanak na nakaranas ng pang-aabuso sa ibang bansa.