Kawalang trabaho ang nagtutulak sa mga Pinoy sa mga trafficking hub


Binibingwit ang mga Pinoy na nauuwi sa mga bantay-saradong compound kung saan kailangan makilahok sa online fraud o panloloko habang namumuhay na parang mga preso.

Dumarami ang walang trabaho at sumisirit ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong 2025. Kaya naman natutulak mangibang bansa ang maraming Pilipino para maghanap ng trabaho na matagal nang dapat naibibigay ng gobyerno.

Dumoble na sa 2.3 milyong Pilipino ang nangingibang bansa para sa trabaho, pinakamataas na mula 2019, ayon sa Asian Development Bank noong 2024. 

Lumalabas na nasa 6,301 Pilipino kada araw ang pinipili maging overseas Filipino worker (OFW)—tanda na ang pagmimigrante ay estratehiya para mabuhay at hindi lang basta interes. Para sa maraming Pilipino, tulay ito sa mas magandang kalagayang pinansiyal.

Sa kasamaang palad, libo-libo ang nagiging biktima ng human trafficking sa mga scam hub sa Timog Silangang Asya. Gamit ang pangako ng mataas na sahod at lehitimong trabaho, binibingwit ang mga OFW na nauuwi sa mga bantay-saradong compound kung saan kailangan makilahok sa online fraud o panloloko habang namumuhay na parang mga preso.

Akala ni Mary, hindi niya tunay na pangalan, sinuwerte siyang makakita sa isang Facebook post ng magandang oportunidad: customer service representative sa ibang bansa na kikita ng $700 hanggang $1,000 kada buwan at may libreng tirahan at transportasyon.

“Nakakaakit kaya nag-apply ako,” sabi niya sa panayam ng Bulatlat. “Pero sa reyalidad, baliktad ang nangyari.”

Bukod sa pangakong mataas na sahod at perks, wala nang detalyeng ibinigay ang recruiter na si Angelica Cochuela. Na-book ang ticket sa eroplano ni Mary ilang araw lang matapos siya mag-apply.

“Masyadong mabilis ang mga pangyayari,” aniya.

Bago ang flight, sinabihan si Mary na mamalagi sa hotel kung saan niya nakilala ang dalawa pang Pilipino na narekrut rin sa ganoong paraan.

Habang naroon, sinabihan sila na bayad na ang ginastos sa visa, flight at tutuluyan nila sa Hong Kong.

“Bilang dating OFW, sanay na akong lumilipad para sa trabaho. Pero kakaiba itong naranasan namin,” sabi ni Mary.

Sa Philippine immigration counter, may napansin siyang kakaiba. Walang hiningi na dokumento sa kanila, kahit pa certificate of employment. Sumulyap lang ang immigration officer sa mga passport tapos pinadaan na sila.

“Pagkatapos no’n, naisip namin na baka kasabwat rin ang immigration officer,” sabi ni Mary.

Pagkarating sa Hong Kong, may lumapit sa kanila at nagsabing mayroong isa pang flight para sa kanila papuntang Cambodia at stop-over lang ang kanilang paglapag sa Hong Kong.

Tumitindi na ang pangamba. Inisip ni Mary kung posibleng tumakas papuntang Dubai, pero tali pa rin ang kanyang mga kamay dahil wala na siyang pera.

Pagdating sa Cambodia, kinumpiska na ang mga pasaporte nila.

“Madalas, kapag kukunin ng employer ang passport, may ibibigay silang kapalit—isang ID o kaya working visa. Pero doon, walang inabot sa amin,” kuwento ni Mary.

Mula sa airport, dinala na sila sa isang apartment complex sa Phnom Penh.

“Sabi nila ‘opisina’ ‘yon, pero walang laman. Walang mga computer. Wala. Sabi nila doon lang muna kami para sa training.”

Habang naroon, pinagkabisa sila ng “script” na hindi naman sinabi kung para saan. 

Sa buong tinagal ng umanong training, malayang nakakilos naman sina Mary at ang mga kasama niya. Puwede nila tawagan ang kanilang mga pamilya, at binibigyan pa sila ng supervisor ng pagkain, allowance at iba pang kailangan. Dahil malapit sila sa mga consular office, hindi sila nagsuspetsa. 

“Hindi nila pinahalata na bahagi sila ng sindikato,” dagdag ni Mary.

Nabasag ang ilusyon sa dulo ng Pebrero nang sabihan sila na ililipat sila sa ibang lugar.

“Bumiyahe kami ng walo hanggang siyam na oras sakay ng minibus,” sabi ni Mary. “Dinala kami sa isang casino complex malapit sa border ng Thailand. May malaking gate at maraming mga guard. Hindi namin alam na simula na pala iyon ng paghihirap.”

Sa loob, para silang nasa presinto. Kinulong sila sa isang kuwarto na puno ng mga cellphone, mga tablet, at inutusan na kumausap sa mga “kliyente.”

Napagtanto rin nila ang katotohanan: sila ay pinupuwersang makisangkot sa scam operations—kailangan lokohin ang mga biktima at kumbinsihin na may pinasok silang transaksiyon para mahuthutan sila ng pera.

Mga Pinoy na biktima ng trafficking sa online scam hub ng Cambodia. Larawan mula sa Migrante International

Pinagtrabaho sila ng 12 hanggang 14 oras kada araw, malayo sa ipinangakong otso oras.

“Puwede kaming magsimula ng 8 ng gabi at matapos ng 10 o 11 ng umaga,” sabi niya. “At kahit ganoon, hindi puwedeng matulog agad. Tanghali dumarating ang pagkain kaya kailangan maghintay. Minsan hindi pa kami pinapatulog bilang parusa.”

Ayon kay Mary, pinaparusahan sila kapag hindi nila naabot ang quota na 200 na kliyente. Kaya napipilitan silang tumanggap ng tawag habang nakatayo magdamag o habang naglilinis ng compound.

Pinilit rin silang magsulat sa papel ng mga script. Kapag hindi nila natapos sa itinakdang oras, kailangan nila doblehin ang pagsusulat kinabukasan.

Minsang sinubukan ni Mary ang negosasyon para sa kalayaan niya, pero sabi nila sa kanya kailangan niyang magbayad ng P1 milyon o hindi bababa sa $16,000 para lang makauwi.

Dagdag pa roon, kailangan raw niya bayaran ang nasa $2,000 na ginastos para sa “utilities” na ginamit sa training center sa Phnom Penh, kung saan sila namalagi ng dalawang buwan.

“Sabi nila, nasa kontrata raw namin iyon, na kailangan naming magbayad ng multa kung uuwi kami kahit hindi pa tapos ang kontrata—pero pinapirma lang ang kontrata pagkarating na sa Cambodia. Wala na rin kaming magawa,” paliwanag ni Mary.

Dahil sa hindi makataong sitwasyon, paulit-ulit na mga parusa at mala-presong turing kina Mary at ilan pang mga Pilipino, sinubukan nilang makipagsapalaran para humingi ng tulong.

Kapag may pagkakataon, pinapadala nila sa mga pamilya at kaibigan ang lokasyon na nakalagay sa mga cellphone nila. Pero ‘di kalaunan, nakalagay sa cellphone na “unknown” o ‘di na matukoy na lugar.

Isang tanghali noong Marso, bigla silang inutusan ng supervisor na mag-impake dahil pupunta raw ang mga awtoridad para silipin ang complex.

Dumating ang mga opisyal ng Cambodia at idinemandang malaman ang identidad ng mga Pilipino na biktima ng trafficking. Para hindi lalong lumala ang isyu, pumayag ang supervisor na pakawalan sila.

Pero imbis na pauwiin, dinala sila sa isang detention center sa Siem Reap.

“Siksikan ang mga biktima ng trafficking—mga Indonesian, mga Indian, mga Chinese,” ani Mary. “Pinuwesto kami malapit sa banyo nang walang ibinibigay na kahit ano.”

“Sinabihan kami na kailangan namin bayaran ang lahat doon—ni wala kaming pagkain, o kahit disenteng kama. Kailangan pa namin i-contact ang embassy kung gusto namin kumain. At pagkatapos kailangan pang nakarasyon ang bigay na pagkain. Ginupit na namin ang mga bote ng tubig para gamiting baso dahil halos walang ibinibigay na suporta.”

“Halos isang buwan kami nagtiis bago kami pinayagang umuwi,” sabi ni Mary. Sa buong panahon na ito, minsan lang daw sila binisita ng mga opisyal ng Philippine Embassy.

“Nagpakita lang sila sa araw na pauuwiin na dapat kami,” sabi niya. “Sabi nila para sa ibang mga Pilipino, magiging babala sa mga scam ang kaso namin.”

Pagkauwi, pinangakuan sina Mary ng suporta—kabuhayan, pangkalusugan, pati tulong psychosocial—pero wala silang natanggap.

“Marami silang ipinangako sa amin. Pero wala pa kaming natatanggap hanggang ngayon,” sabi niya.

Nang tanungin siya kung may mensahe siya sa gobyerno ng Pilipinas, sabi ni Mary na sana mas makakuha pa ng atensiyon ang kaso nila.

“Umaasa kaming mabigyang-pansin ng iba pa sa gobyerno, ang mga senador, ang ating presidente. Para matulungan nila ang mga biktima ng human trafficking, kasi pakiramdam namin kinakalimutan lang kami,” dagdag niya.

“Sana mapansin ang mga biktima ng human trafficking, kahit kami ay undocumented. Sana matulungan kami makahanap ng trabaho ulit sa pagbalik namin sa Pilipinas dahil nakadepende pa rin sa amin ang mga pamilya namin.”

Para sa Migrante International, hindi mga isolated incident o paisa-isang kaso ang mga kaso ng human trafficking nitong mga nakaraang buwan, partikular na ang mga “scam hub” sa Timog Silangang Asya. Sintomas ito ng mas malalim na krisis na dahilan para mapilitan ang mga Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Migrante International deputy secretary general Josie Pingkihan, umaagapay ang Migrante mula pa noong Marso 2025 sa mga biktima ng trafficking, marami sa kanila napain ng mga scam operation sa ibang bansa.

“May inasikaso tayong mga kaso mula Cambodia, Myanmar at Laos. Marami sa mga nalapitan namin ay galing sa mga scam hub sa Cambodia,” sabi ni Pingkihan sa Bulatlat.

“Noong isang buwan lang, tumulong kami sa kaso ng nasa 200 Pilipino na nakatakas sa scam hub sa Myanmar. Mula sa 200 na deported, 14 ang nakauwi. Tinutulungan namin sila ngayon na makakuha ng tulong-pinansya mula sa DMW (Department of Migrant Workers),” dagdag niya.

Ayon sa tala ng Migrante International, kalakhan sa mga biktima’y narekrut online gamit ang mga simpleng Facebook post tungkol sa customer service work.

Matapos ang paunang pag-uusap, lilipat na mga rekruter ang usapan sa Telegram at doon na ilalatag ang mga detalye at benepisyo ng trabaho.

“Sinasabihan sila madalas na magiging online customer service representative sila,” paliwanag ni Pingkihan. “Pinagmumukha itong lehitimong trabaho na may mataas na sahod.”

Hanggang unang bahagi ng 2024, madali lang nakakaalis ang mga biktima sa bansa gamit ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

“Kapansin-pansin sa mga naunang kaso na idinadaan ang lahat ng biktima sa iisang immigration officer. Kung walang duty ang officer na ‘yon, sinasabihan silang bumalik sa ibang araw.”

Mula 2022, nailuat ng DMW na mayroon nang 1,910 Pilipinong biktima ng human trafficking ang pinauwi sa Pilipinas mula sa mga karatig na bansa, kalakhan para sa online job scam at iba pang mga scam. Tumugon naman ang Migrante International sa 34 na kaso mula noong Abril 2025, habang may pito pang rescue request na inaasikaso.

Inanunsiyo ng DMW na pinapapalakas na ng gobyerno ang mga hakbang anti-trafficking, pero para sa Migrante International, hindi tugma ang mga deklarasyon sa totoong nangyayari.

“Kung totoong tumitindi ang crackdown, dapat nakikita natin na kumukonti ang mga biktima,” sabi ni Pingkihan. “Pero hindi ganoon ang nakikita natin. Tumataas pa ang bilang habang tuloy ang pagpunta ng mga Pilipino sa mga scam center.”

Naniniwala rin ang Migrante International na hindi masosolusyonan ang isyu sa pagsugpo lang mga ilegal na rekruter, tulad ng plano ng DMW.

“Kailangan natin tanggapin na hindi na sapat ang P649 minimum wage sa Metro Manila para mapakain ang isang pamilya,” dugtong ni Pingkihan.

Kahit pa mas sinsinin ng DMW ang proseso ng rekrutment, halos wala nang habol ang ahensiya sa mga rekruter kapag nakalabas na ng bansa.

Para sa Migrante International, malinaw ang ugat ng krisis: malawakang kawalan ng trabaho at kahirapan ang dahilan kaya bulnerable ang mga Pilipino sa trafficking sa ibang bansa.

“Kung may maayos na sahod at seguridad sa trabaho dito sa Pilipinas, hindi na kailangan makipagsapalaran ng mga Pilipino,” sabi ni Pingkihan. “Lumalago ang illegal recruitment dahil desperado ang mga tao. Kailangan tugunan ‘yon ng gobyerno.” /Unang inilathala sa Bulatlat noong Dis. 22, 2025 at isinalin ni Andrea Jobelle Adan