PBB: Paalala sa botohan, beh!


Kailangan nating lahat ng paalala sa mga dapat at hindi dapat gawin sa Mayo 12 para handang-handa tayong papasok at lalabas sa mga presinto.

Markahan ang mga kalendaryo: Boboto na tayo sa Mayo 12, mga housemate! Oo, housemates, dahil kung parang bahay ang Pilipinas, gusto natin mga katiwa-tiwalang kasamahan lang ang makakapasok.

At sa dami ng mga ganap natin sa buhay, kailangan nating lahat ng paalala sa mga dapat at hindi dapat gawin sa Mayo 12. Para iwas balisa at handang-handa tayong papasok at lalabas sa mga presinto.

Ngayon pa lang, gamitin na ang Commission on Elections (Comelec) Precinct Finder para makita ulit kung saan nga ba boboto. Malaking tulong ‘to sa mga unang beses boboto at sa mga may nalaktawang eleksiyon. Kung nakapagparehistro at regular na bumoboto, pero sabi sa website ay hindi aktibo, pumunta agad sa pinakamalapit na opisina ng Comelec.

Kung tugma ang datos at may nakalista nang presinto, dito na tayo sa mahahalagang paalala para sa mismong araw ng halalan.

  1. Sa maliit na bag na dadalhin sa mga presinto, magbaon ng tubig, pamaypay, payong at listahan ng mga napupusuang iboto. 
  2. Pagkakuha sa balota, siguraduhing hindi pa nasusulatan o nasasagutan ng iba. Kung may kaduda-dudang marka ang balota, lumapit sa Electoral Board para ipakita.
  3. May ibibigay na ballpen o panulat ang Comelec para kulayan ang mga bilog. Ito lang ang dapat gamitin.
  4. Tingnan maigi kung nakatapat ang bilog sa pangalan ng gustong iboto. Maging maingat sa pagkulay ng bilog.
  5. May ibibigay ring ballot secrecy folder para takpan ang balota habang bumoboto.
  6. Siguraduhing ikaw mismo ang magpapasok ng balota sa vote-counting machine. Pagtapos nito, tingnan kung tugma ang nakalista sa Voter’s Receipt sa binoto mo. Kung walang problema, iiwan ang resibo sa gagamiting Voter-Verified Paper Audit Trail o VVPAT.
  7. Kung may katanungan habang nasa kuwarto na ng pagbobotohan, sa Electoral Board lang puwedeng magtanong.
  8. Kapag may nakitang kaduda-dudang kaganapan sa kapaligiran ng presinto, ipagbigay-alam agad sa mga poll watcher o sa mga independiyenteng organisasyon na magbubukas ng hotline tulad ng Kontra Daya.
  1. Bawal mamigay ng mga gamit sa pangangampanya sa loob ng polling center at presinto.
  2. Huwag tutupiin o pupunitin ang balota.
  3. Huwag susulatan ang mga bahagi ng balota liban sa nakatakdang sulatang mga bahagi. Walang dapat burahin na mga detalyeng opisyal na kasama sa print.
  4. Bawal makipag-usap sa mga katabing bumoboto habang hawak na ang mga balota.
  5. Siguraduhing hindi lalagpas sa tamang bilang ng dapat iboto ang kukulayang bilog sa balota.
  6. Bawal kuhanan ng retrato o bidyo ang balota at bawal rin ang pag-vlog habang nasa loob ng polling precinct.
  7. Huwag iuuwi ang balota, folder at ballpen na manggagaling sa presinto.

Tara’t protektahan ang karapatan bumoto. At tandaan, kung hindi tayo magpapapasok ng magnanakaw at sinungaling sa ating mga kabahayan, bakit sila bibigyan ng puwang sa halalan?