Editoryal

Tanda ng pag-asa ang talakayan sa loob at labas ng halalan


Walang isang milagrosong solusyon para bukas makalawa biglang maglaho lahat ng problema sa Pilipinas. Pero malinaw na hindi makakatulong ang pagsuko. At ang panaka-naka lang na pakikilahok sa mga usapan at talakayan, pag-share, like, repost, kailangan pang dagdagan.

Katakot-takot, kamangha-manghang dami ng impormasyon ang madalas ibinibida kapag tintingnan ang pagbabagong dala ng internet at social media. Tama naman. At tama rin ang mga dating pangamba sa katangian na ito ng mundo online.

Tuwing panahon ng eleksiyon lalo, napakaraming ads, pandadaot, sayawan, tsismis at (buti naman) may basehang kritisismo na nagpapakulay sa mga usapan online. Pero sa delubyo ng impormasyon, mahirap kapag share, like at post ang bulto ng pakikisangkot natin sa politika.

Sa politika, mas mahalaga ang akses o pagkakataon makipag-usap kaysa sa pagkakataon makakuha ng impormasyon, sabi noon sa Ingles ng banyagang akademiko na si Clay Shirky. Kapag nakikipag-usap nang harapan, higit ang pagkakataon para maikonekta ang danas natin at ng kapwa Pilipino. Kapag harapan, mas lamang ang pag-asa na magkaunawan. 

Pero hindi milagrosong solusyon ang harapang pakikipag-usap.

Halimbawa na lang nito ang nangyari kay Beverly Gofredo, volunteer para sa Kabataan Partylist sa Davao City. Libo-libo ang nakapanood sa bidyo kung saan sinisigawan siya ng isa sa mga residente kahit pa sinisikap niyang maipaliwanag ang tindig at mga plataporma ng partylist. Dinuro-duro si Gofredo at pinaratangan pang terorista.

Bumuhos ang suporta para kay Gofredo, hindi lang dahil sa pagsisikap niyang makipag-usap sa kabila ng pagbabanta. Nakiisa ang mga tao dahil alam nilang hindi ito ang natatanging insidente ng bayolenteng pakikitungo sa mga aktibista.

Paano ba naman, ganito rin mismo at mas marahas pa nga ang pakikitungo ng gobyerno sa mga aktibista’t tanggol-karapatan. Pruweba na ang pambungad na barbed wire sa mga sumali sa protesta para sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa nitong Mayo 1.

Pero para kay Gofredo, makatuwiran at walang mali sa pagiging volunteer. Sabi nga niya sa kanyang paliwanag online, “Nanalo [ang Kabataan Partylist] hindi sa pandaraya kundi sa sama-samang pagkilos ng kabataan at mamamayan.” Naglalakad sila, kumakatok sa mga kabahayan. Wala silang magagarang sasakyan para sa kampanya, walang milyones na mula sa mga may-ari ng higanteng mga korporasyon.

Sa kabila ng nangyari sa kanya, nanghikayat si Gofredo na maging mahinahon sa pagpapaliwanag sa iba pa na posibleng makaranas ng ganito. “Bahagi ito ng karapatan natin: ang magtanong, magpahayag o sumalungat,” sabi niya. Walang mali sa pagiging aktibista, sa pagiging volunteer.

Mainam din alalahanin ang isa sa mga linya ng namayapang Santo Papa: “Masyado nang bihag ang lipunan ng pamantayan ng pamilihan, at parang lahat ng bagay ay dahil sa pansariling interes at pagkamal ng kita. Ang volunteering [pagtulong nang walang bayad] ay propesiya at tanda ng pag-asa.” Dito, sabi ni Pope Francis, nangingibabaw ang pakikiisa at ang serbisyo sa kapwang nangangailangan.

Maraming pagkakataon na nakakapoot ang talakayan sa politika dahil sa nakikikita nating asta ng mga nasa posisyon at ang parang paulit-ulit na kuwento ng mga dinastiyang naliligo sa salapi. Pero may kapangyarihan sa pag-asa at pagkilos. Hindi ba ito ang dahilan bakit tayo bumoboto? Sa pag-asang bubuti ang ating sitwasyon, at sana, pati na rin ng ating kapwa.

Walang isang milagrosong solusyon para bukas makalawa biglang maglaho lahat ng problema sa Pilipinas. Pero malinaw na hindi makakatulong ang pagsuko. At ang panaka-naka lang na pakikilahok sa mga usapan at talakayan, pag-share, like, repost, kailangan pang dagdagan.

Sa darating na halalan at kahit pa matapos ito, mainam na gawing halimbawa ang mukha mang kakaibang gawain ng mga aktibista, mga makabayang tanggol-karapatan, mga volunteer.

Kailangan natin mangumusta ng kapwa, makipagtalakayan, lumahok sa ambagan ng pagkatuto at pati karaniwang pagtutulungan. Kumustahin natin nang harapan ang kalusugan, ang puso, ang danas sa trabaho at paaralan ng mga nakakasama natin at kahit iba pa. Hindi para sa anumang pansariling interes sa politika, pero dahil may pakialam tayo sa kapwa.

Kapag naging karaniwan ito, higit lalakas ang boses ng karaniwang tao.