Ika-13 pambansang kongreso ng KMU, ikinasa


Tagumpay ang ika-13 pambansang kongreso ng Kilusang Mayo Uno sa Baguio City nitong Hun. 27 hanggang 30. Patuloy na mangangahas manindigan ang sentrong unyon para sa kapakanan ng obrero at masang Pinoy.

Nagsara ang matagumpay na ika-13 Pambansang Kongreso ng Kilusang Mayo Uno sa isang protesta upang markahan ang ikatlong taon ni Bongbong Marcos. Kilusang Mayo Uno/Facebook

Makalipas ang pitong taon, inilunsad ang ika-13 pambansang kongreso ng Kilusang Mayo Uno (KMU) nitong Hun. 27 hanggang Hun. 30 sa Baguio City na dinaluhan ng mahigit 300 na delegado mula sa buong bansa.

Sa unang araw ng kongreso, isa-isang kinilala ang bawat rehiyonal na balangay, pederasyon at pangmasang organisasyon mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Diin ng KMU sa pagtitipon, mala-kolonyal pa rin ang Pilipinas kung saan patuloy pa rin itong umaasa sa dikta at utang mula sa mga dayuhan gaya ng Estados Unidos at China.

Pinakaapektado ang ekonomiya dahil patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at nananatili pa ring mababa ang sahod ng mga manggagawa.

Sa ikalawang araw, nagkaroon ng bukas na talakayan patungkol sa pangkalahatang plano ng pagkilos.

Layunin ng buong KMU sa susunod na tatlong taon na imulat ang mga mata ng bawat Pilipino hinggil sa lumalalang krisis sa ekonomiya.

Layon rin nila ang pagpapanagot sa mga krimen ng pamilyang Duterte lalong-lalo, kapwa si Rodrigo at Sara sa pangungurakot at panunupil.

Sa ikatlong araw naman ginanap ang eleksyon para sa mga bagong pambansang komiteng tagapagpaganap at ng mga kagawad ng pambansang konseho.

Nahalal bilang pambansang tagapangulo si Jerome Adonis. Ayon sa kanya, kanilang panghahawakan ang natatanging kasaysayan ng manggagawa na walang ibibigay ang gobyerno sa kanila kung hindi sila lalaban.

“Ibig sabihin, when say we, ‘laban’, sama-sama talaga,” aniya.

Nahalal naman sina Florentino “Pol” Viuya bilang pambansang pangalawang tagapangulo, si Mary Ann Castillo bilang pangkalahatang kalihim, si Joanne Cesario bilang pangalawang pangkalahatang palihim at si Maria Ellen Pausal bilang pambansang ingat-yaman.

Kasama rin sa mga opisyal na nahalal kinatawan ng iba pang samahan sa ilalim ng KMU.

“Gusto nating magkaroon ng boses ang lahat ng mga [impormal] na manggagawa tungo doon sa pagkakamit ng regular na hanapbuhay,” ani Mimi Doringo, lider-maralita at bagong halal na lider ng Kadamay.

Para sa mga bagong halal na opisyal, patuloy na lumalala ang kalagayan ng mga manggagawa at kitang-kita na walang ginagawang aksiyon ang gobyerno para lutasin ito. 

“Dapat kumilos, magkaisa, magpalawak, magpalalim ng kasapian at ilunsad yung pinakamalawak na pagkilos hanggang pambansang welga,” wika ni Noel Amboy, pangalawang tagapangulo ng KMU-Central Luzon

Nagtapos ang pagtitipon sa protesta kung saan nagmartsa sila sa downtown ng Baguio City.