Kababaihang manunulat
Malaking tagumpay ng Gantala ang pag-iiwan ng pananda hindi lamang sa produksiyong pampanitikan kundi sa paglampas sa hanggahan ng tungkulin ng mga palimbagan.
Paano nga ba ibalik ang panulat ng kababaihan? Isa itong mapangahas na pangarap sa kabataang kababaihan noong 2015 na nagtipon-tipon upang buuin ang isang palimbagang feminista.
Nagsimula ito sa isang call sa social media at sa serye ng mga kuwentuhan ng kababaihang manunulat, aktibista, guro, manggagawang pangkaunlaran at artista, nabuo ang isang palimbagang tinawag na Gantala Press.
Simboliko ang pangalang Gantala—“spool” sa Ingles—na lagayan ng sinulid na ginagamit sa pananahi. Mula noon ay ipinagpatuloy na ng Gantala ang naiwang gawain ng mga naunang palimbagang feminista at lumampas pa ito sa mga hanggahan.
Sa pagkakabuo ng Gantala Press, isang small press na binubuo ng kababaihan, nabuksan ang espasyo upang ang mga naratibo ng kababaihan mula sa iba’t ibang sektor. Dahil naniniwala ang Gantala Press na katulad din “karaniwang babae” ang nararanasang pagsasamantala at pang-aapi ng mga magsasaka at manggagawa, nakatuon ang mga inilalathala nitong mga antolohiya at indibidwal na koleksiyon sa pagpapatampok ng usapin ng kababaihan mula sa mga komunidad ng pagsasaka, tanggol-karapatan (o human rights defenders) at manggagawa.
Ilan sa mga naging publikasyon ng Gantala ay ang “Danas” (antolohiya ng mga bagong tinig ng kababaihan), “Lupang Ramos” (mga naratibo ng kababaihang magsasaka sa Lupang Ramos), “Lutong Gipit” (cookbook na likha ng kababaihang magsasaka at maralita), “Binhi ng Paglaya” (koleksiyon ni Amanda Echanis), “Saloobin” (antolohiya ng kababaihang bilanggong politikal), “Dawwang” (kababaihang tagapagtanggol ng lupang ninuno) at marami pang iba.
Maraming pagkakataong nagbahagi rin ng pananaw at pag-aaral ang Gantala sa iba’t ibang plataporma at tinalakay ang papel ng mga small press at ang pag-uugnay sa mga pakikibaka ng mga sektor. Isa rin ang Gantala sa mga nanindigan laban sa paglahok ng Pilipinas sa Frankfurt Bookfair sa gitna ng genocide sa mga Palestino sa Gaza.
Siyempre bahagi rin ng gawain ng Gantala ang paglahok sa mga pagtitipon ng mga independent at small press at mga zinesters (‘yong mga gumagawa ng zine) tulad ng BLTX at kung ano-ano pa. Nag-organisa rin ito ng sariling fair para sa kababaihang manlilikha tulad ng Gandang-ganda sa Sariling Gawa (GGSSG).
Mahigpit din ang naging ugnayan ng Gantala sa mga organisasyong masa tulad ng Amihan National Federation of Peasant Women kung saan ilan sa mga kasapi nito ay nagboluntir at naglaan ng panahon para sa pagsusulong ng kilusan ng kababaihang magsasaka.
Sampung taon na pala ang nakalilipas mula nang maitayo ang Gantala at marami-rami na rin itong narating sa kabila ng iilang taong nangangasiwa nito at nagboboluntir ng oras dito.
Taong 2020, mapalad akong naimbitahang maging kasapi ng Gantala. Bago magpandemya ito—niyaya ako ni Faye Cura, ang tagapagtatag at tagapag-ugnay nito. Aniya, mahalaga rin ang representasyon ng babaeng transgender sa isang palimbagang binubuo ng kababaihan. Siyempre naman, tinanggap ko ang imbitasyon dahil sa parehong pagtingin.
Masaya akong maging bahagi ng isang kolektibang nakatuon sa produksiyon para sa at tungo sa kababaihan at sa bayan. Isang karangalan para sa isang babaeng trans na tulad ko ang maging bahagi ng kolektiba. Nakilala ko at naging malapit na kaibigan sina sina Faye, Agatha, ate Mae Ann, Bebang at iba pa.
Sampung taon na pala ang nakalilipas at nagpapatuloy pa rin ang Gantala sa kabila ng limitado nitong rekurso at nakasalalay lamang sa boluntir. Sa kabila nito, malaking tagumpay ng Gantala ang pag-iiwan ng pananda hindi lamang sa produksiyong pampanitikan kundi sa paglampas sa hanggahan ng tungkulin ng mga palimbagan.
Ang totoo, ang pagbubuo ng mga kolektiba at small press tulad ng Gantala ay tugon sa hamon ng panahon at pangangailingan upang mapanatili ang mga gunita at kasaysayan na kadalasang na perspektibo ng lalaking nagsusulat nito.
Hamon nga ni Faye, “How can my writing emancipate women so that many more women can write or tell their stories through writing?” Tiyak na magpapatuloy ang Gantala upang tumugon sa hamong ito. Maligayang ika-10 anibersaryo, Gantala Press!