LGBTQ+ para sa sining, sining para sa LGBTQ+ 


Walang special effects o bonggang storyline. Sa halip, itinatampok nito ang pang-araw-araw na nararanasan ng LGBTQ+.

Mayroong gampanin ang sining na natatangi sa sinasabi ng impormasyon o mga datos. Mas nilalapit nito sa puso ng isang tao ang repleksiyon ng kanyang buhay higit sa pagiging numero o bahagi ng porsiyento. 

Nakakita ka na ba ng drag queen na nagmomotorsiklo? O baka mas pamilyar ang trans woman na nagkakahera sa isang sinehan? May kakilala ka bang isang bakla na ulila kung kaya’y nangangatulong upang masustentuhan ang sarili? Ilan lang ito sa mga tauhan sa line up ng mga maikling pelikulang ipinalabas sa kauna-unahang RainbowQC Pride Film Festival ng QCinema nitong Hun. 25.

Binubuo ng samu’t saring kuwento ng queer women, trans women at drag queen ang “The Dolls Will Live Forever,” ang naturang koleksiyon ng shorts, na tinipon ni Jason Tan Liwanag at iprinesenta kasama ang ASEAN SOGIE Caucus, isang network ng tanggol-karapatan sa Southeast Asia. Kinabibilangan ito ng likha mula sa mga bansang Brunei, Indonesia, Myanmar at Pilipinas na nagsasalaysay ng makukulay na buhay at danas ng mga taong iba-iba ang pinanggalingan at pinanggagalingan. 

Walang special effects o bonggang storyline ang mga istorya. Sa halip, itinatampok nito ang pang-araw-araw na nararanasan ng LGBTQ+. Isa na rito ang dokumentaryo tungkol kay Asmin Jallih, isang bakla mula Barangay Taluksangay sa Zamboanga City. Ipinakita ng “Budjang” ni Rhadem Camlian Morados ang interseksiyon ng pagiging bakla, gampanin ng pamahalaan at nagiging papel ng relihiyon sa ekspresyon ng kasarian. Higit sa hinahayaang magladlad, kinakailangan ng depinitibong batas o ordinansang pumoprotekta sa karapatan ng komunidad. Para kay Asmin, ramdam niyang hindi pa rin siya tunay na tanggap dahil maraming relihiyosong naniniwala na dalawa lang ang kasariang ginawa ng diyos. 

Ganito rin ang naging paksa ng “The Visible” ni Atikah Zainidi sa isang bansang nangingibabaw ang Islam. Tinalakay nito ang pagiging babae at queer sa ganoong konteksto kung saan maski ang ikli o haba ng buhok ay tahasang pinupuna. Sa kabila ng mga restriksiyon, madiing ipinahayag ng tatlong kinapanayam—isang lesbian, nonbinary at trans woman—ang kapasyahan sa pagiging totoo sa kanilang identidad.

Siya ring paninindigan ang ipinamalas ni Juju na pangunahing tauhan sa “Juju Vs. The Possibilities of Love, Life, and Death” ni Htet Aung Lwyn. Bilang nagtatrabaho sa sinehan, marami siyang naiisip na plot batay sa genre. Nilahad sa pamamagitan ng pagkukunwaring siya’y nasa isang indie movie ang sentimyento ng mga trans woman sa larangan ng pag-ibig at pagdadahilan ng mga lalaking nagiging kasintahan na pagpapakasal sa “tunay na babae.” Bagaman mapait ang ganitong sinasapit ng mga trans, hinding-hindi umano isasarado ni Juju ang kanyang puso. 

Ipinagdiwang naman ng “The Sappho Project: Fragment 147” ni Sari Kathryn sa pamamagitan ng animation ang mga sapphic na relasyon. Binigkas sa iba’t ibang wika ang mga sipi mula sa mga akda ng sinaunang makatang Griyego na si Sappho na icon din sa literaturang lesbian at queer. “Sinasabi ko sa’yo, may makakaalala sa atin sa malayong hinaharap.” Binibigyang-diin nitong may mga queer noon pa man at magpahanggang ngayon.

Mas pinagtibay ng “Queer Care: A Literary Map-Making in the City” ni Mark Andy Pedere ang ganitong tinig. Tinalunton ng docu-exhibition ang bakas ng mga baklang nasa siyudad gamit ang mga panulat na idinikit sa iba’t ibang sulok ng Kamaynilaan. Katha sa 13 wika ng Pilipinas, isinulat ito ng mga bakla para sa kapwa bakla na nagtatrabaho sa mall, naghahanapbuhay sa pabrika, pumapasok sa opisina at nagtuturo sa eskuwelahan. May mga tula at may mga nakatataas ng moral gaya ng, “Keri lang krumayola mhiema kez pero tandaan na pinalaki ka ng sexbomb kaya lavaaan!”

Sa huli, isinalaysay ng “Attached (Melekat)” ang tipikal na araw sa buhay ng isang drag queen sa direksiyon at pagganap ni Byakta Babam. Ibinahagi ni Luna, kaniyang drag name, ang panghaharas ng Islamic Defenders Front sa kanilang Raminten Cabaret Show sa Yogyakarta, Indonesia at kung paano nila kinailangang bayaran ang pulisya kapalit ng “seguridad.” Iba-iba ang seksuwal na pagkakikilanlan ng mga drag queen at pinili ni Babam na mabuhay si Luna sa entablado at hindi palagi, araw at gabi. “Hanga ako sa aking sisters na nagpapasyang maging babae araw-araw sa kabila ng mga hamon sa lipunan,” ani Babam. 

Tunay na kaakibat ang tapang sa pagiging bahagi ng LGBTQ+ sa lipunang patuloy na nangdidriskimina, nanghaharas, at mas malala pa’y kumikitil ng buhay. Sa pagbubukas ng programa, naglaan ng panandaliang katahimikan para sa dalawang trans woman na pinaslang kamakailan—si Ali Macalintal, isang brodkaster at tanggol-karapatan na binaril sa isang spa sa Gen. Santos City, at si Kierra Apostol, isang estudyanteng natagpuang patay sa Peñablanca, Cagayan.

“Sa pagdiriwang natin ng Pride Month at sa pagmamartsa sa Hun. 28, ating bitbitin ang kanilang mga alaala. Alalahanin natin ang lahat ng transwomen at queer people na maagang nawalan ng buhay, lalo na sa Pilipinas at Southeast Asia,” ani Solimar de Castro, tagapagsalita ng ASEAN SOGIE Caucus.

Nananatili ang lalong kahalagahan ng pagbibida sa queer stories sa panahong sunod-sunod at iba’t ibang atake ang mga LGBTQ+ dahil sa kanilang kasarian. Ngayong napakikinggan ang hinaing at hangarin ng komunidad gamit ang sining, dapat itong tumutuloy sa pagsulong ng karapatang tutugon sa kanilang mga isyung hinaharap.