Hakbang pasulong para sa LGBTQ+ 


Ang pasya ng Korte Suprema na ang mga pagsasamang homoseksuwal ay nasasaklaw ng Article 148 ng Family Code ang maituturing na isang hakbang pasulong sa pagkilala sa karapatan ng mga LGBTQ+ couple.

Sa mahabang panahon, ang larawan ng isang karaniwang pamilyang Pilipino, iyong may nanay, tatay at mga anak. Ito ang katanggap-tanggap sa mata at moralidad ng marami, lalo na sa isang Kristiyanong bansa kagaya ng Pilipinas. 

Pero paano kung dalawa ang nanay o kaya ang tatay, maituturing ba silang isang pamilya na mayroon ding mga karapatan sa pagsasalo sa mga ari-arian? 

Sa isang makasaysayang desisyong inilabas ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema, Peb. 5, kinilala at pinagtibay nito na ang mga relasyong homoseksuwal ay isang uri ng relasyong saklaw ng Article 148 ng Family Code of the Philippines

Ani Senior Associate Justice Marvic Leonen, sa Ingles, sa kanyang opinyon ng pagsang-ayon sa wikang Ingles, “Ang isang same-sex na relasyon ay isang normal na relasyon, kaya’t nararapat itong saklaw ng Article 148 ng Family Code. Kung hindi, ginagawa nating guni-guni sa mata ng batas ang ilang porma ng lehitimong mga relasyon.” 

Kopya ng pasya ng Korte Suprema sa kasong Josef vs Ursua. Screengrab mula sa desisyon ng Supreme Court

Ang desisyon ng Korte Suprema ay tugon sa petisyong isinampa ni Jennifer Josef para repasuhin ang desisyon at resolusyong iginawad ng Court of Appeals (CA) sa naging desisyon ng Branch 87, Regional Trial Court (RTC) ng Quezon City laban sa kanyang dating kinakasama na si Evalyn Ursua

Sa unang taon ng kanilang pagsasama, napagpasyahan ng dalawang bumili ng sariling bahay sa Quezon City sa ilalim ng pangalan ni Ursua. Ngunit dalawang taon makalipas, noong 2007, naghiwalay ang magkasintahan at pinagpasyahang ibenta ang bahay at pantay na paghatian ang mapagbebentahan. 

Sa kabila ng pagkakaroon ng notarisadong Acknowledgment of Third-Party Interest in Real Property o dokumentong tahasang naglalahad ng pantay na pag-aari ng magkasintahan sa bahay, nagbago ang isip ni Ursua. Itinanggi ni Ursua ang pantay na pag-aari nila ni Josef sa bahay. Sa harap ng korte, inilahad nito na bagaman mayroong pinirmahang dokumento, wala umanong naging ambag si Josef sa pagbili at pag-aayos ng nasabing ari-arian.

Sa resolusyon ng RTC, na kalauna’y sinang-ayunan nang may ilang modipikasyon ng CA, pinagpasyahan nilang walang pag-aari si Josef sa bahay. Ngunit, sa desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito na sapat na batayan ang pinirmahang acknowledgment bilang pagpapatunay sa pantay na pag-aari ng dalawang babae sa bahay sa bisa ng Article 148 ng Family Code. 

Ang pasya ng Korte Suprema na ang mga pagsasamang homoseksuwal ay nasasaklaw ng Article 148 ang maituturing na isang hakbang pasulong sa pagkilala sa karapatan ng mga ito.

Ani Associate Justice Amy Lazaro-Javier sa kanyang opinyon ng pagsang-ayon sa Ingles, “Wala akong nakikitang kahit na anong rason kung bakit hindi maaaring saklawin ng proteksiyon ng Article 148 ng Family Code ang mga kasapi ng LGBTQIA+.” 

Sina Apple at May sa Lauterbrunnen, Switzerland noong Setyembre 2025. Larawan mula kay Apple Llave

Pangarap din nina Apple Llave, 36, at May Lido, 35, isang same-sex couple, ang magkaroon ng isang farmhouse sa hinaharap. Si Llave ay isang freelance na manunulat, habang si Lido naman ay nagtatrabaho sa pribadong kompanya. Pitong taon na ring nagsasama ang dalawa sa isang apartment sa Taguig City. Anila, naging natural sa takbo ng kanilang relasyon ang pagsasama sa iisang bubong. 

“Originally, taga-Quezon City ako, pero nasa BGC ang office ko. Kaya kailangan kong umupa ng apartment. Tapos si Apple, pumupunta-punta din sa apartment ko,” sabi ni Lido. 

Dagdag naman ni Llave, higit na mas matipid kung magkasama sila sa isang bahay. “Gano’n din, lagi [rin akong] pumupunta [sa kanya],” ani Llave. Nagpasya silang kumuha ng mas malaking apartment dahil din sa sinimulang negosyo ni Llave na mobile bar. 

Anila, sa tagal ng kanilang pagsasama, hindi nila masyadong naiisip ang legal na usapin sa kanilang pagsasama. “Sa isip ko, kasal na kami,” ani Lido. “Kung ano ang akin, kanya rin. Wala sa isip ko na hati kami, 50-50, sa mga bagay.” 

Kuwento ng magkasintahan, minsan na rin nilang naisip na kumuha ng bahay gamit ang Pag-IBIG ni Lido.

“Dati, si May, ine-encourage n’ya akong kumuha ng property. Hindi pa ako ready [noon] mag-mortgage pero siya, willing siyang ipagamit ang account n’ya [sa Pag-IBIG],” ani Llave.

Dagdag ni Lido, walang kaso sa kanyang siya ang nakapangalan sa mga papeles, pero si Llave ang magbabayad ng buwanang hulog.

Sina Apple at May sa paanan ng Eiffel Tower, Paris, France noong Setyembre 2025. Larawan mula kay Apple Llave

Para sa magkasintahan, maganda at positibo ang naging desisyon ng Korte Suprema, pero kahit wala ito, tingin ni Lido, mayroon pa ring ibang legal na pamamaraan, kagaya ng property trust, para tiyaking mapupunta kay Llave ang anumang kanyang naipundar. 

Labas sa naging pasya ng Korte Suprema, tingin nila, dapat ding bigyang priyoridad ng gobyerno at mga mambabatas ang pagpapasa sa Sexual Orientation and Gender Expression and Identity (Sogie) Bill, pagpapahintulot sa pagpapakasal at diborsyo, proteksiyon sa mga LGBTQ+ na nais mag-ampon, at mga batas sa pangangalaga ng reproductive health ng mga kasapi ng LGBTQ+.

Sa panayam sa magkasintahan, higit na mas mahalaga para sa kanila ang malayang magsama at ituring bilang lehitimong pamilya.  

“Ngayon, maysakit si [May], kailangan n’yang mag-undergo ng operation, [pero] ang daming obstacles, kahit gusto mo lang siya alagaan, pero dahil hindi [ako] considered as family, legally, ang daming obstructions,” pagbabahagi ni Llave.  

“Sobrang daming bagay na sana meron din kami [kagaya] ng normal couple. Kung meron lang, nagpakasal na kami, matagal na,” ani Lido.

Hangad ng magkarelasyon na bumuo ng isang pamilya, pero kung sakali, hangad nilang mabuhay ang magiging anak nila sa isang lipunang mas mabait sa mga kasapi ng LGBTQ+. 

Hindi man lahat ay may kakayanang mag-ari ng mga lupain, isang bagay ang unibersal para sa mga kasapi ng LGBTQ+, ito ang kagustuhang magmahal nang malaya’t lubos.