Karapatang sibil at pampolitika
Uri ng mga karapatan na nagtitiyak sa malayang pakikilahok ng tao sa sibil at politikal na buhay ng lipunan at ng estado at nagbibigay proteksiyon mula sa paglabag ng mga pamahalaan, mga organisasyong panlipunan at mga pribadong indibidwal o institusyon.
Karapatang sibil at pampolitika – Uri ng mga karapatan na nagtitiyak sa malayang pakikilahok ng tao sa sibil at politikal na buhay ng lipunan at ng estado at nagbibigay proteksiyon mula sa paglabag ng mga pamahalaan, mga organisasyong panlipunan at mga pribadong indibidwal o institusyon.
Kasama sa mga karapatang sibil sa pangkalahatan ang pagtiyak ng pisikal at mental na integridad, buhay at kaligtasan ng mga tao, proteksiyon mula sa diskriminasyon, karapatan sa pribasiya, kalayaan sa pag-iisip, pananalita, relihiyon, pagpapahayag, at pagtitipon.
Kabilang sa mga karapatang pampolitika ang mabigyan ng patas na pagdinig bago gumawa ng isang desisyon sa batas, tulad ng mga karapatan ng akusado, kabilang ang karapatan sa mabilis na paglilitis; angkop na proseso; ang karapatang humingi ng kabayaran o isang legal na remedyo; at mga karapatan ng pakikilahok sa lipunang sibil at politika tulad ng kalayaan sa pagsasamahan, karapatang magtipon-tipon, karapatang magpetisyon, karapatang ipagtanggol ang sarili, at karapatang bumoto.
Ang mga karapatang ito’y dapat din sumunod sa legal na pamantayan dahil dapat silang magkaroon ng puwersa ng batas at akma sa sistema ng hustisyang administratibo. Ang isang pangunahing tampok sa modernong lipunan ay ang higit na magagarantiya ng isang estado ang mga karapatang pampolitika ng mga mamamayan, mas mabuti ang relasyon ng estado sa mga mamamayan nito.
Bakit wala sa State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. at binaliwala ang isyu ng karapatang pantao?
Sa nakaraang SONA ni Marcos Jr., hindi nabanggit ang karapatang pantao o ang proteksiyon ng mga kalayaang sibil, maliwanag ng nagpapatuloy ang mga paglabag at pag-atake. Ang pagkukulang na ito ay nagpapahiwatig na ang karapatang pantao ay hindi priyoridad ng kanyang administrasyon.
Ipinagpatuloy niya ang mga umiiral na mapaniil na istruktura, tulad ng NTF-Elcac at iba pa, na itinatag ng mga nakaraang administrasyon at patuloy na nagpapatupad ng mga estratehiya sa seguridad na nag-aambag sa panunupil at mga pang-aabuso sa karapatang pantao.
Sa ulat ng bantay-karapatang pantao na Karapatan, may 129 kaso ng extrajudicial killing, 15 sapilitang pagkawala, 288 ilegal na aresto, 571 forced of fake surrender at marami pang ibang paglabag sa loob ng tatlong taon ng rehimeng Marcos Jr.
Nagpahayag ng pagkabahala si United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan sa kalagayan ng mga karapatan sa Pilipinas sa kanyang ulat sa UN Human Rights Council nitong Hunyo. Binigyang-diin niya ang mga isyu tulad ng red-tagging at ang masasamang epekto nito sa kalayaan sa pagpapahayag. Binanggit ang paggamit nito upang sugpuin ang aktibismo at malayang pamamahayag sa bansa.
Ang pinakakaraniwang lumalabag sa mga karapatang sibil ay ang mga awtoridad tulad ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at mga inorganisa ng estado para pumaslang, mandukot at alisan ang mga mamamayan ng kanilang mga karapatan. Kasama sa iba pang karaniwang mga paglabag ang brutalidad ng pulisya, pagbuwag sa mga protesta, pang-aabusong seksuwal, at maling paghatol gamit ang mga hukuman.
May mga ulat din ng paggamit ng mga batas na kriminal, partikular na ang mga batas laban sa terorismo, bilang mga instrumento upang sugpuin ang hindi pagsang-ayon at nagsisilbing mga kasangkapan ng panunupil.
Ayon sa Karapatan, 93 indibidwal ang itinalaga bilang terorista sa ilalim ng Anti-Terrorism Act, 73 indibidwal ang kinasuhan ng terrorism financing, at 17 non-government organization ang nabigyan ng freeze order at napapailalim sa forfeiture proceedings.
Naging malupit ang rehimeng Marcos Jr. at armadong puwersa nito ang mga pag-atake at panunupil sa mamamayang Pilipino sa mga nagdaan taon. Dumanak ang dugo at kabi-kabila ang naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Ang mga ulat na ito’y naglalabas ng mga pagkabahala tungkol sa estado ng mga kalayaang sibil at karapatang pantao sa Pilipinas.
Mahalagang maipagtanggol at mapangalagaan ang mga karapatang sibil at pampolitika upang matiyak ang paggalang sa dignidad at kalayaan ng bawat indibidwal. Mahalagang maitaguyod ang isang lipunang patas, makatarungan at demokratiko.