Mutual Defense Treaty ng 1951
Nilagdaan ang Mutual Defense Treaty noong Ago. 30, 1951 sa pagitan ng United States at Pilipinas. Pero may pakinabang ba ito sa Pilipino?
Nilagdaan noong Ago. 30, 1951 ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng United States (US) at Pilipinas na isang kasunduan para umano sa pagtutulungan sa panahon ng armadong pag-atake sa Karagatang Pasipiko na sakop ng alinmang panig.
Nilalaman din ng kasunduang ito na ang anumang uri ng armadong pag-atake laban sa Pilipinas ay ituturing ding pag-atake laban sa US. Sa bisa nito, nangako ang Amerika na tutugon at makikipagtulungan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga hakbang na maaaring kabilang ang paggamit ng puwersang militar bilang bahagi ng kanilang obligasyon sa ilalim ng MDT.
Gayundin, patuloy ang pakikipagkasundo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa US kaugnay ng mga kasunduang militar upang patatagin umano ang depensa ng bansa. Sa katunayan, nitong nagdaang taon ay tinatayang umabot na sa 16 ang mga site sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) o mga base militar ng Amerika sa Pilipinas.
Maliban dito, isinagawa ang malakihang Balikatan Joint Military Exercises sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas, US, Australia, France at iba pang kaalyado ng Amerika. Libo-libong sundalong Pilipino at Amerikano ang lumahok sa mga ehersisyong militar. Ilan lang ito sa patunay na ginagamit lang ng US ang Pilipinas bilang estratehikong lokasyon ng kanilang sandatahang lakas at armas pandigma sa posibleng sagupaan laban sa China.
Hindi tulad ng ibang bansa gaya ng Vietnam na kayang ipagtanggol ang kanilang teritoryo laban sa anumang uri ng panghihimasok, patuloy ang Pilipinas na nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa US at nagpapasailalim sa kagustuhan at impluwensiya nito, lalo na kaugnay sa pagpapatupad ng MDT, VFA, EDCA at iba pang tagibang na kasunduan.
Habang patuloy naman ang tumitinding girian sa West Philippine Sea, kasabay nito ang banta mula sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na gamitin ang MDT sakaling magkaroon ng armadong pag-atake ang China.
Bilang nakatali ang Pilipinas sa mga kasunduang militar na ito, damay ang sambayanang Pilipino sa gitna ng umiigting na tensiyon at banta ng digmaan sa pagitan ng US at China.
Nagiging kasangkapang ang Pilipinas sa tunggalian ng dalawang makapangyarihang bansa, isang alitang maaaring humantong sa isang malawak at mapaminsalang digmaan.