Kuwentong Kabataan

Ayokong masira ang plano


Minsan, ang mga planong hindi natuloy dulot ng iba’t ibang dahilan ang siyang magdadala sa’yo sa landas na malayo man sa planong idinidikta ng isip mo ay malapit naman sa kagustuhan ng puso.

Gusto ko maging Certified Public Accountant (CPA). Buo ang loob ko. Plano ko ito. Simula pagkabata ito ang pangarap ko.

Bilang isang bata na madalas marinig ang tungkol sa propesyon na ito, nabuo na sa isipan ko na ito lang ang daang tatahakin ko kahit hindi ko naman naiintindihan kung anong klaseng trabaho ito. 

Hindi pangkaraniwan sa mga bata ang mangarap na maging CPA lalo sa maliit naming bayan. Biro nga minsan ng mga nasa propesyon na walang bata ang pinangarap na maging CPA kung hindi narinig sa mga nakatatanda o pinilit ng magulang. 

Nakaugat mula pagkabata ang plano ko, kaya nang dumating ang panahon ng pagpili ng kurso sa kolehiyo, Accountancy ang unang nasa isip ko. Sa pagpasok ko sa Far Eastern University at pagtungtong sa Maynila, malinaw ang layunin at pangako ko sa mga magulang ko—ang tapusin ang Accountancy at tuparin ang pangarap ng batang ako.

Pero sa kolehiyo pala kahit gaano kabuo ang desisyon mo sa isang bagay, mananatiling mabagal, magulo at madalas mabigat ang proseso patungo sa pangarap.

Sa limang semestre, maraming beses akong nagduda kung kaya ko pa ba. Tinatanong ko rin ang sarili kung kanino ba talagang pangarap ito. Dahil kahit anong pilit, hindi na ako tumutugma sa landas na gusto kong panindigan. Ngunit sa kabila ng lahat ng naramdaman ko, ayokong umamin sa sarili dahil ayokong masira ang plano.

Hindi naman kasi madaling lumipat ng kurso. Nakakakaba, nakakatakot at nakakalungkot dahil madami ang magbabago. Higit sa lahat, nakapanghihinayang ang ideya na mawalan ng saysay ang hirap sa mga nakaraang taong ginugol ko.

Alam ko na hindi lang ako ang may ganitong karanasan o binabagabag ng ganitong pakiramdam dahil kung may ipinamukha sa akin ang buhay-kolehiyo, ito ay ang marami palang hindi nasusunod na plano at natutupad na pangako sa Maynila.

Kahit gaano ka kasigurado, may mga pagkakataong kusang lumilihis ang direksiyon at dinadala ka nito sa mga landas na hindi mo inaasahan. Mabilis ang takbo ng buhay lalo sa siyudad, hindi mo namamalayan na may ibang bagay na palang naghihintay.  

Nang mabigyan ng pagkakataon na makalipat ng kurso, nabawasan ang bigat sa pakiramdam at muli na namang nagbago ang plano ko. Natuklasan ko na may gusto pa pala akong pagtuunan at gawin.

Hinayaan ko na lumawak ang dedikasyon ko sa pagiging student-journalist. Habang lumalalim ang partisipasyon ko sa pagsusulat, habang mas nakikisalamuha ako sa masa at habang mas natututo akong tumingin sa mga isyung panlipunan, natagpuan ko ang sarili ko sa bagong landas. Napagtanto ko na ito pala ang gusto ko at ang matagal ko nang hinahanap na magbibigay sa akin ng pakiramdam ng katuparan.

Minsan, ang mga planong hindi natuloy dulot ng iba’t ibang dahilan ang siyang magdadala sa’yo sa landas na malayo man sa planong idinidikta ng isip mo ay malapit naman sa kagustuhan ng puso.

Higit sa lahat, sa kolehiyo ay malaya ka. Isa itong espasyo, isang panahon—para hanapin at kilalanin ang sarili. Higit sa paghubog sa atin bilang mga propesyonal, mas espasyo ito para makilahok at mahanap ang boses natin sa lipunan.