Kuwentong Kabataan

Clocked in, cut off


Kahit na ba wala silang ginagawang mali, kahit anong oras, puwede silang mawalan ng trabaho, tulad ng nangyari sa’min.

Wala pa ako sa legal na edad, naghahanap na ako ng summer job. Nagbabalak kasi noon ang mga pinsan ko na pumunta sa Thailand at Singapore, kaya bukod sa pag-iipon, wala pang isang linggo pagkatapos ng graduation ko ay nakapila na ako sa application sa BPO company.

Sa isip ko kasi noon, senior high school graduate pa lang naman ako, at alam kong madali lang makapasok bilang call center agent—basta ba marunong ka mag-computer at mag-Ingles, papasa ka na. 

Kinabukasan, nag-email na rin sila sa akin, pinababalik ako para sa final interview. Matapos ang isang linggo, nag-umpisa na rin ako pumasok. Tinabi ko ang pera sa una kong sahod, pang-ipon sa out-of-the-country trip namin.

Pero bago pa pumasok ang ikalawang cut-off, natanto kong hindi ko kaya ang ganitong linya ng trabaho. Mababaw kasi ang luha ko, kaya no’ng sinabi sa akin ng isang caller na kung mamamatay man raw siya ay kasalanan ko, nag-AWOL na ako. Nakita ko rito kung gaano kabilis ang daloy ng trabaho: kung gaano ako kabilis natanggap, ganon rin ako kabilis umalis.

Sakses naman ako sa overseas trip namin sa Thailand at Singapore. Kaya lang, hindi pa kami nakakabalik ng Pilipinas, nagbabalak na naman sila ng isa pang alis.

Wala pang isang buwan bago kami makauwi, nagsimula akong mag-intern sa marketing company na pinasukan ng pinsan ko. At pagpatak ng Nobyembre, nabigyan ako ng job offer. Aba, walang pag-aalinlangan kong tinanggap ang role.

Napakarami kong natutuhan mula sa experience ko rito, lahat ng mga social media strategy, mga teknik para dumami ang viewers, pati na rin ‘yong totoong workplace friendship—kahit na ba remote lang kami. 

Pagdating ng Pebrero nitong taon, kahit na medyo gipit sa pera, sa wakas, nakarating rin ako sa Vietnam. Winter pa sa kanila noon, ibang-iba sa init dito sa Pilipinas. Masasabi ko talagang iba ang sarap ng kape sa kanila, mapa-egg coffee o coconut coffee, talagang matapang at sumisipa.

Napagisip-isip ko noon, tatlong ibang bansa na ang napupuntahan ko, pero sa Pilipinas, wala pa akong masyadong napupuntahan. Kaya nang mag-aya ang mga pinsan ko sa Boracay, aba siyempre sumama ulit ako.

Na-promote din ako isang buwan bago ang alis namin—mula assistant role, naging specialist na ako. Dito ko rin nakita na mabilis pala ang usad ng roles sa kompanya namin dahil tatlo kaming sabay sabay na na-promote noon, kaya nakampante na ako. Mukhang hanggang sa pag-graduate ko ng college, dito pa rin ako magtatrabaho. Bukod kasi sa maluwag na schedule, maganda rin ang pasahod, at gamay ko na rin ang mga gawain. 

Pagpunta namin sa Boracay, isa-isang nababawasan ‘yong mga hawak naming kliyente. Swerte! Maluwag akong makakagala. Akala ko kasi mabilis rin silang mapapalitan, dahil mabilis ang daloy ng kliyente sa amin. Ang kaso, paglapag namin ng Maynila, bilang na lang sa daliri ang mga kliyenteng natitira, at walang bagong pumapasok.

Makalipas ang isa pang linggo, iisang kliyente na lang ang natira. Nagsimula na akong kabahan na baka mawalan ako ng trabaho. At sa umpisa ng Hulyo, nagkaroon ng cost-cutting sa kompanya, at nabuwag na ang department namin sa lay-off.

Wala akong oras para iproseso iyon noon, kasi mayroon kaming mabigat na produksiyon para sa finals sa isang subject namin. Binibiro-biro ko pa na wala na ‘kong trabaho, at wala man lang akong naipon sa kakagala ko.

Pero dito ko unang nakita ang kakulangan ng job security, lalo na at nasa Amerika ang kompanyang pinapasukan ko, kaya walang regulasyon mula sa Department of Labor and Employment, at wala rin kaming kontrata.

Hindi naman mahalaga sa’kin ang trabaho ko, sinusutentuhan naman ako ng mga magulang ko. Pero papaano ‘yong mga kasamahan kong may binubuhay na pamilya? Papaano ‘yong mga may binabayarang utang, o ‘yong mga may pinapaaral na kapatid?

At labas pa sa kompanya namin, alam kong maraming Pilipino ang bigla-bigla na lang ding natatanggal sa trabaho dahil hindi sila regular. Kahit na ba wala silang ginagawang mali, kahit anong oras, puwede silang mawalan ng trabaho, tulad ng nangyari sa’min. 

Sa susunod na taon ay may balak na naman ang mga pinsan kong pumunta sa ibang bansa, pero wala pa akong balak maghanap ng trabaho. Ayos lang sa’kin kahit hindi muna ako makasama, nais ko munang magpokus sa pagsulat, pag-cover ng balita, at pag-educate sa sarili ko tungkol sa mga bagay na hindi ko naman binibigyang pansin noon.

Imbis na pera, kaalaman muna ang iipunin ko at sa bayan ko muna ika-clock in ang oras ko.