Dagdag kinang sa protesta
Lalong kuminang ang mga naging protesta laban sa korupsiyon at katiwalian dahil sa presensiya ng mga sikat na personalidad na madalas lang nakikita sa telebisyon, pelikula at online.
Tunay na napakalaki at makasaysayan ang nangyaring kilos-protesta noong Set. 21. Higit 100,000 katao ang sama-samang nanawagan at naggiit ang pagtigil ng korupsiyon, pagpapanagot sa mga sangkot sa mga maanomalyang proyektong flood control, at paniningil sa ulo ng lahat ng ito—ang tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.
Lalong kuminang ang mga naging protesta dahil sa presensiya ng mga sikat na personalidad na madalas lang nakikita sa telebisyon, pelikula at online.
Kinagiliwan ng marami sa Luneta ang pagdalo ng bida sa pelikulang “Sunshine” na si Maris Racal. Pinag-usapan ang kanyang pelikula dahil sa sensitibong paksa nito patungkol sa aborsiyon at kawalan ng maayos na batas para sa reproductive health. Sinamahan niya ang Philippines-Palestine Friendship Association kasama ang aktres na si Andrea Brillantes at parehong nagbitbit ng panawagan para sa mga Palestino.
Humawak pa sa megaphone at nanguna sa pagsigaw ng ilang chant noong martsa si Racal. Trending ang kanyang bidyo na sumisigaw ng “Serbisyo sa tao, ‘wag gawing negosyo.”
Sa gitna ng programa, nagbigay ng mensahe ng pakikiisa kontra-korupsiyon sa entablado ang mga aktor sina Angel Aquino, Jodi Sta. Maria, Tessie Tomas, habang nakibahagi sa mga nagpoprotesta si Alex Medina.
Patok rin ang pamosong costume protest ni Mae Paner o kilala bilang Juana Change suot ang mga laruang buwayang nakapaligid sa kanyang katawan. Nakiisa rin sa protesta sa Luneta si Ms. Philippines Earth 2025 Joy Barcoma na nagtapos sa Polytechnic University of the Philippines.
“Dahil kung hindi tayo kikilos, sino?” nagmarka ang mensaheng ito ni Jodi sa Luneta. Ito raw ang unang beses niyang sumali sa demonstrasyon bitbit ang mga panawagan, habang si Angel naman, sanay na sa mga kilos-protesta dahil dating sumasama noong siya’y mag-aaral sa University of the Philippines Baguio.

Maliban sa mga premyadong aktor na ito, nilahukan rin ang Baha sa Luneta ng iba’t ibang mga musikero, partikular ng mga hip-hop artists, gaya ng grupong Morobeats, FlipTop artists gaya nina Panday Sining member na si Vitrum at Uprising members Plazma, Supafly, at marami pang iba. Nagtanghal din ng kanilang mga awitin ang ilan sa kanila sa Luneta. Laman ng mga kanta nila ang paglalarawan sa korupsiyon at pang-aabuso ng pamahalaan.
Noong hapon, nagsimula namang magtipon ang iba sa EDSA People Power Monument sa Quezon City. Kalahok naman dito ang mga personalidad at mainstay ng programang “It’s Showtime” gaya ni Vice Ganda, isa sa mga top taxpayer sa bansa, nobyong si Ion Perez, magkapatid na Anne Curtis at Jasmine Curtis-Smith, at Darren Espanto.
Matagal na ring sumisikat ang ilang reels sa social media mula sa “It’s Showtime” dahil sa ilang mga patama ng mga hosts nito, lalo na si Vice dahil sa ilang mga pasaring niya sa kanilang programa patungkol sa mga pinakapinag-uusapang isyu sa bansa na iniaangkop niya sa kanyang komedya at nakatatawang mga linya.

Naging biktima rin ang “It’s Showtime” ng pagpapatahimik ng estado dahil sa pagbasura ng franchise renewal ng ABS-CBN noong panahon ng pandemya at rehimeng Rodrigo Duterte. Sa kasalukuyan, naipapalabas ang programa sa iWant app, Kapamilya Channel sa cable, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook Live, at sa A2Z Channel 11 ng ZOE Broadcasting Network at GTV ng GMA Network matapos ng mga partnership nito sa ABS-CBN.
Nakita rin sa pagtitipon sa EDSA si Ms. Universe 2018 Catriona Gray na matagal na ring nagsasalita sa mga isyung panlipunan magmula pa noong nakilala ito matapos ang naturang kompetisyon. Kapansin-pansin din sina Elijah Canlas na kilala rin sa mga progresibong komento nito sa mga usaping pampolitika at Donny Pangilinan na nakihanay sa mga artista mula sa “It’s Showtime.”
Nandoon rin sina Iza Calzado, Gabbi Garcia at nobyong si Khalil Ramos, vlogger at content creator na si Ivana Alawi, magkakamag-anak na Julia, Leon at Marjorie Barretto, Gardo Versoza at Nadine Lustre.

Maliban sa pagtitipon sa Luneta at EDSA Monument, nagsagawa naman ng “Takbo Kontra Korupsiyon” sa Ayala Avenue, Makati na inorganisa nina Dingdong Dantes at Kim Atienza. Lumahok rin dito ang mga artistang sina Benjamin Alves, Jerald Napoles, Kim Molina, Dasuri Choi at Faith Da Silva.
Hindi naman bago ang censorship sa mga artista ng kanilang mga manager at pinagmumulang mga talent agency, kaya malaking bagay ang mga ganitong bihirang pagkakataon na sumasama sila sa galit na mamamayan sa lansangan upang makisangkot sa mga isyung pambayan.
Tanda ito na sa malubha na ng nangyayaring korupsiyon sa pamahalaan at bansa, dahil nagtungo sila sa lansangan kahit may pinoprotektahan silang imahen sa publiko, iniingatang mga kontrata at advertising deal, at potensiyal na negatibong epekto sa kanilang mga trabaho.
Sa lawak ng kanilang impluwensiya, may bigat na dinadala ang bawat salita at kilos na kanilang bibitawan. Sa pagsama sa mga ganitong pagtitipon, mas naipapakita ang kanilang pagmamalasakit sa bayan at pagpapanatili ng kanilang kamalayan sa mga isyung pambayan, kahit pa sinasabi ng ilan na “neutral” lang dapat sila bilang mga artista.