Hindi sukat ng katalinuhan ang mataas na grado, pero…
Na-realize ko na ang katalinuhan, hindi lang nasusukat sa exam. Minsan, mas matalino ang tahimik lang sa klase pero may malalim na pag-unawa, kaysa sa palaging Top 1 pero hindi bukas sa bagong perspektiba.
Lumaki akong “honor student.” Simula kinder hanggang umabot ako ng Grade 6, hindi nawawala ang pangalan ko sa Top 10 Achievers.
Tatlong taong gulang pa lang, ipinasok na agad ako sa kindergarten at nagtapos na Top 1. Naaalala ko pa noong elementarya ako, tinatawag ako ng mga kaklase ko na “Teacher’s Pet” dahil palagi akong aktibo sa klase, laging sumusunod sa mga inuutos, laging pumapasok at laging may sagot bawat salita ng mga guro.
Naaalala ko pa na parang kahapon lang ang mga hanger na sinira sakin ni mama makapagbasa lang ng ABKD, naaalala ko rin ang mga kuwento sa libro na pinapakabisado sa amin noon. Tuwang-tuwa pa si mama na ang galing-galing ko raw magkabisado kahit na gaano pa kahaba ang kuwento, walang kahirap-hirap ko natatandaan na para bang may photographic memory ako.
Natapos ko ang anim na taon sa elementarya na hindi man lang natatanggal sa star section, isang karangalan para sa mga estudyante sa paaralan namin.
Pagdating ng high school, doon nagsimulang magbago ang takbo ng aking kuwento.
Sa totoo lang, akala ko noon ay kaya ko na ang lahat. Parang mayabang na kompiyansa dahil sa track record ko sa elementarya, inisip kong madali na rin ang high school.
Pero nagkamali ako. Unang linggo pa lang, nag-cutting class agad ako.
Oo, masarap sa pakiramdam ang mga medalya at pagkilala. Pero mas mahalaga pala ang bakit mo gustong matuto, at ano ang natutuhan mo sa proseso—kahit pa hindi ito laging nakikita sa report card.
Ipinagpatuloy ko ang ganitong gawain hanggang senior high school. Kataka-taka lang na hindi naman ako bumabagsak o kahit nagkaroon man lang ng palakol na grado.
Sabi ni mama, baka tinamad na lang daw ako mag-aral dahil sobrang bata ko pa noong nagsimula ako. Sinisi ko pa ang mga kaklase ko noon dahil sila ang nag-impluwensiya sa akin mag-cutting class.
Pero ngayon na nagkolehiyo ako, napaisip ako. Kung dati, lagi akong mataas ang grado, bakit ngayon parang wala na akong gana? Kung matalino talaga ako, bakit parang wala akong direksiyon?
Doon ko unti-unting naintindihan na hindi pala lahat ng mataas na grado ay tunay na sukatan ng katalinuhan. Maraming beses sa buhay-estudyante ko, mataas nga ang marka ko pero hindi ko alam kung naiintindihan ko ba talaga ang aralin o basta lang ako magaling mangabisa. May mga quiz akong sinagutan na parang laro lang, hindi dahil alam ko, kundi dahil gamay ko na ang sistema ng paaralan kung paano makuha ang tamang sagot kahit hindi alam ang buong konsepto.
At ngayon na mas mature na ako, doon ko lang nakikita ang tunay na halaga ng pagkatuto kumpara sa pagkakaroon lang ng mataas na grado. Oo, masarap sa pakiramdam ang mga medalya at pagkilala. Pero mas mahalaga pala ang bakit mo gustong matuto, at ano ang natutuhan mo sa proseso—kahit pa hindi ito laging nakikita sa report card.
Na-realize ko na ang katalinuhan, hindi lang nasusukat sa exam. Minsan, mas matalino ang tahimik lang sa klase pero may malalim na pag-unawa, kaysa sa palaging Top 1 pero hindi bukas sa bagong perspektiba.
May mga kaklase ako noon na hindi kailanman pumasok sa honors at para bang wala kang makikitang pagkatuto sa kanila, pero ngayon ay matagumpay at malawak mag-isip dahil hindi sila nagpakulong sa ideya na grado lang ang sukatan ng galing.