‘Kaka-TikTok Mo ‘Yan’: Gen Z laban sa kurakot
Ang mga “henerasyong walang alam sa politika” ay tumungo na sa kalsada, may dalang plakard at sumisigaw: Ikulong na ‘yan mga kurakot! Magnanakaw! Mga pahirap! Tanggalin sa kanilang pwesto!
“Puro cellphone.” “Lulong sa TikTok.”
Sa mga mata ng ilan, puro sayaw, meme, at filters lang ang laman ng araw ng Gen Z, manhid sa mga isyung panlipunan.
“Kaka-cellphone mo ‘yan,” sabi nga ng matatanda. Pero ngayong mainit ang pampolitikang usapin tungkol malawakang korupisyon ng gobyerno, binabasag ng mga kabataang ito ang ganitong impresyon.
Hindi na lang sila basta tutok sa kanilang mga cellphone Ginagamit nila ito bilang paraan para matuto at magmulat. Mula sa mga online post hanggang sa mga lansangan, nagsisimula silang magtanong, magalit at kumilos.

Noong Okt. 17, higit 5,000 kabataang estudyante mula iba’t ibang paaralan sa Kamaynilaan ang lumahok sa National Youth Day of Action Against Corruption. Ang araw na ito ay laban sa patuloy na pangungurakot sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.
Habang patuloy na pinapabayaan ang sistema ng edukasyon, sabay-sabay na tinuligsa ng mga kabataan ang paglulustay ng bilyon-bilyong piso sa “unprogrammed appropriations” at pork barrel.
Ilang linggo lamang ito matapos ang marahas na pag-aresto ng 277 katao, karamihan ay kabataan, sa Mendiola noong Set. 21.
Ang mga tinatawag na “adik sa TikTok” ay nagmumulat ng kapwa estudyante at mamamayan. Ang mga “henerasyong walang alam sa politika” ay tumungo na sa kalsada, may dalang plakard at sumisigaw: Ikulong na ‘yan mga kurakot! Magnanakaw! Mga pahirap! Tanggalin sa kanilang pwesto!
Ito ang mga Gen Z Kontra-Korap.
Charlie Caraga, 18

Para kay Charlie ng National University, hindi na biro ang epekto ng korupsiyon sa edukasyon. “Sa halip na mapunta sa mga paaralan, binibigay ang pondo sa unprogrammed appropriation funds, sa pork barrel ni BBM,” aniya.
Ramdam ni Charlie ang bigat ng dagdag miscellaneous fees at pagtaas ng tuition, lalo na sa private schools. Kaya sa kanya, malinaw ang panawagan: gawing libre ang edukasyon. “Hindi dapat pribilehiyo ang pag-aaral. Isa itong karapatan, at bawat pisong ninanakaw sa kaban ng bayan ay ninanakaw din sa kinabukasan namin.”
Kia Diaz, 18

“Natutuwa ako na mas mulat na ang kabataan ngayon,” sabi ni Kia Diaz mula Philippine Normal University.
Ayon sa kanya, dati ay iniisip na “pasaway” o “tiwali” ang mga kabataang sumasali sa protesta. Pero ngayon, nakikita niya kung paano ito nagiging simbolo ng pagkakaisa at malasakit.
Para kay Kia, bawat PNU-ian sa lansangan ay patunay na buhay ang diwa ng pagiging guro — hindi lang sa silid-aralan, kundi sa paglikha ng kasaysayan.
Marjorie Marcelo, 22

Bilang kulasa, dala-dala ni Marjorie Marcelo ang aral ng social justice mula pa high school. “To live out this value is to stand with the masses,” sabi niya.
Naalala niya ang unang sumama sa noise barrage noong 13 anyos pa siya, laban sa paglibing kay dating President Ferdinand Marcos Sr. sa libingan ng mga bayani.
“Doon nagsimula ang formation ko bilang kulasa,” aniya. “Simula noon, kahit sa simpleng paraan, ini-encourage ko pa nga mga magulang ko na sumama.”
Ngayon bilang editor-in-chief ng The Scholastican, mas lalong lumalim ang kanyang paninindigan. “Hindi pwedeng surface-level lang ang binabalita namin. Dapat tumindig. Ang pagiging mamamahayag ay bahagi rin ng pagkilos.”
Zumi Salcedo, 19

“Yung galit locally sa university, ginamit po namin para palabasin ang mga estudyante,” kuwento ni Zumi Salcedo. Sa ilalim ng represibong na administrasyon ng Universidad de Manila, hindi madali ang magprotesta pero pinili nilang tumindig.
“Noong una, takot kami. Pero in-announce namin sa mga kanya-kanyang org, ginamit namin ‘yung galit para maging tapang.”
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang unibersidad, nakumbinsi ni Zumi at ng kanyang mga kaibigan ang mahigit 60 estudyante na mag-walkout mula sa klase.
RS, 21, at Bernadette, 20

Para sa magkaibigang RS at Bernadette, parehong estudyante mula sa Philippine Christian University, ang pakikibaka laban sa korupsiyon ay pananampalatayang isinasabuhay.
“Bilang Kristiyanong institusyon, hindi dapat nakakulong lang sa eskwelahan,” sabi ni Bernadette. “Ang turo ng Diyos ay hindi lang sa loob ng Bibliya, kundi sa lansangan—lalo na sa laban kontra korupsiyon.”
Para kay RS, ang pagkilos nila ay isang panawagan para sa buong sambayanang Pilipino. “Para sa akin, para sa buong Pilipinas at sa buong Kristiyanong mamamayan—bumoboses kami para sa ating bansa.”
Vel, Angi, Ryza at Charlene

Sama-samang dumating sina Vel (20), Angi (19), Ryza (20), at Charline (21), magkakaibigan at mga BS Psychology students mula sa National Teachers College. Hindi nila inaasahang makikilahok sila sa isang malaking protesta sa Mendiola.
“Nakita lang namin sa Facebook, tapos may namimigay ng flyers,” kwento ni Vel. “Vocal na ako tungkol sa korapsyon, pati na rin sa nangyayari sa Palestine. Kaya nang may rally malapit sa school, sumali ako kahit kakatapos lang ng klase.”
Para naman kay Ryza, hindi lang baha ang problema sa Mendiola. “Lagi pong baha dito — pero hindi lang flood control ang kailangan. Dapat mapanagot ‘yung mga nagpapabaha ng sistema.”
Hindi pa tapos ang laban

Ang walkout ng mga kabataang-estudyante noong Okt. 17 ay hindi lang isang araw ng protesta kundi simula ng mas malalim at pangmatagalan na pagkilos.
Marami pang mga kabataang sa mga susunod na araw, buwan, o taon ay lalabas din sa kalsada. Maniningil sa mga kurakot. Hihingi ng hustisya. At ipapaalala sa lahat na habang patuloy ang kabulukan sa gobyerno, patuloy ding nagigising ang kabataan sa buong bansa.
Dahil sa huli, ang henerasyong ito, ang sinabing lulong sa TikTok at walang pakialam ang siyang magpapatunay na hindi natatapos sa walkout ang laban, kundi sa tuloy-tuloy na paniningil at pagpapanagot sa mga tiwali at taksil sa bayan
At kung kinakailangang ipagpatuloy nila ang laban umabot man ito sa pagpapatalsik sa mga bulok na lider at sa sistemang matagal nang nagpapahirap sa mamamayan, handa silang ituloy ang paninindigan.