Editoryal

Naratibo ng pasista at kurakot, iisa


Anumang gawin ni Ferdinand Marcos Jr. na pagpopostura, simula’t sapul, madungis at duguan ang kanyang mga kamay. 

Ang sabi ng punong kurakot na si Ferdinand Marcos Jr., walang sasantuhin, kahit ang pinsan, kung sangkot, pananagutin. May apog pang sabihing kung hindi lang pangulo, sasama sa protesta dahil nakikiisa kuno sa galit ng mamamayan. 

Sinusubukang alisin sa kamalayan ng mamamayan ang pagnanakaw na ginawa ng kanyang pamilya sa loob ng ilang dekada: ang tuloy-tuloy na pagtakas sa pananagutan sa ill-gotten wealth noong panahon ng diktadura, ang pagkasangkot niya sa “pork barrel scam” noong nasa Senado pa siya, ang pag-endorso at pag-apruba niya sa pambansang badyet, ang pagtakas niya mula sa pagbusisi ng pondo ng kanyang opisina lalo na sa Confidential and Intelligence Funds, at ang porsiyentong nakukuha ng Unang Pamilya mula sa mga proyektong flood control, ang flagship project ng pangulo.  

Habang kunwari’y simpatetiko sa galit ng taumbayan, takot sa maaaring sumambulat na pag-aalsa na maaaring magpabagsak sa kanya, kagaya nang sinapit ng ama. Kaya sa kumpas niya bilang punong ehekutibo, ang kanyang armadong pwersa’y nagpakawala na ng mas maraming tauhan sa mga lugar ng protesta.

Pininturahan pa nga lang ang gate ng mga Discaya, inilagay na agad sa high alert ang sarili, handang-handang supilin ang galit ng taumbayan. Ang mga batuta at posas nakahanda para sa mamamayan, habang ang mga magnanakaw komportableng nakaupo sa Malakanyang, Senado at Batasang Pambansa. 

Sa simula pa lang ng pagsambulat ng isyu ng korupsiyon, mabilis na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), isa sa pinakakurakot na institusyon, sa red-tagging propaganda. Para takasan ang pananagutan, ginawang multo ng komunismo ang lehitimong galit ng mamamayan.

Ang panawagan para panagutin ang mga opisyal, gawing panlalason sa isip ng mamamayan. Nagbabaga pa lang, gusto nang patayin ang mga pagkilos para protektahan ang estadong pinaghaharian ng interes ng mga dinastiya, dayuhan at malaking negosyo.  

Hindi nakakagulat lalo pa’t lumobo ang pondo ng NTF-Elcac sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr. Kumita mula sa daan-daang fake surrenderees, mula sa mga huwad na proyektong farm-to-market roads sa kanayunan, mula sa huwad na Barangay Development Program, maskara ng laganap na militarisasyon at pagkakampo sa mga komunidad. Habang inaayos ang mga kalsada, pinapalipad ang mga drone, naghuhulog ng mga bomba, pumapatay ng masa, palalabasing engkuwentro, kahit sa totoo, masaker.

Anumang gawin ni Marcos Jr. na pagpopostura, simula’t sapul, madungis at duguan ang kanyang mga kamay. 

Sa naratibo ng pasista at kurakot, nagtatagpo sa iisang hangarin, protektahan ang makauring interes sa kayamanan at kapangyarihan, supilin ang lehitimong galit ng taumbayan.

Hindi na maitatanggi ang pag-alingasaw ng kabulukan ng sistemang pinaghaharian ng interes ng mga burukrata-kapitalista, malaking negosyo at imperyalistang dayuhan. Kahit magbuo pa si Marcos Jr. ng kuno’y independent commission para imbestigahan ang korupsiyon sa flood control, walang maniniwalang magiging patas ito, lalo pa’t si Marcos Jr. lang din naman ang namili ng bubuo dito.

Desperasyon at taktika ni Marcos Jr. ang pagpoposturang kontra-korupsiyon upang takasan ang malaking kasalanan sa mamamayan, pero sa dulo walang mananagot. 

Kapag nagawa na niyang ibahin ang ayos ang sistema ng korupsiyon pabor sa kanyang interes, hindi malayong ang krusadang kontra-korupsiyon ay ibaling sa krusadang kontra-mamamayan.

Kaya walang ibang solusyon sa bulok na sistema kung hindi ang pagsusulong ng totoong alternatibo at solusyon batay sa demokratikong interes ng mamamayan. Wala sa mga Marcos at Duterte ang sagot at pagbabago. Ang puno’t dulo ay ang pagbaklas sa paghahari ng mga kagaya mga Marcos at Duterte na ginawang negosyo ang gobyerno.

Ang solusyon sa matinding epekto ng kalamidad ay hindi mga proyektong flood control na pugad ng korupsiyon, pero ang pagpapatigil ng mga mapaminsalang mga aktibidad sa kalikasan para lang sa supertubo ng mga pinapaborang negosyo’t dayuhan.