Kuwentong Kabataan

‘Pag batang Tatalon daw…


‘Pag batang Tatalon daw, hindi na natatakot sa baha. Sanay na raw. Matatag. Pero hanggang kailan namin ito gagawin? Paulit-ulit kasi. Taon-taon na lang.

Nakahubad na ang medyas at sapatos, nakataas ang pantalon at nakapatong sa ulo ang mga bag. Handa nang suungin ang ga-baywang na baha. Ito na ang karaniwang senaryo sa amin tuwing umuulan.

Hayskul ako nang una itong maranasan. Akala ko noon, normal lang na tumataas ang tubig kapag bumubuhos ang ulan. Pero ngayong nasa kolehiyo na, mas madalas ko pa itong maranasan. Ang akala kong panandalian, naging bahagi na ng aming buhay, lumalala pa nga.

Mag-iisang dekada nang nakatira ang pamilya ko sa Barangay Tatalon, Quezon City. Ganoon na din katagal naming tinitiis ang mga pagbaha, lalo na sa bahagi ng G. Araneta Avenue. Wala pang  isang oras ng ulan, lubog na ang kalsada. Basta’t bumuhos ang ulan, alam na namin ang kasunod, tataas ang tubig, matitigil ang mga sasakyan, at magmimistulang ilog na naman ang mga daan.

Memoryado na ng ulan ang trabaho nito sa lugar namin, ang umapaw at tuluyang lunurin ang mga kalsada. Kami namang mga residente, memoryado na rin ang dapat gawin, maghahakot ng gamit pataas at umaasang hindi aabot ang baha sa loob ng bahay. Mabilis pa sa alas-kuwatro ang kilos ng bawat miyembro ng pamilya, umaasang may matitirang tuyo kahit papaano. 

Nakataas ang mga paa sa bangkito, nakatingin sa labas, at naghihintay na humupa ang tubig. Magdamag na dilat dahil sa takot na baka sa isang pikit lang, tuluyan nang pumasok ang baha.

‘Pag batang Tatalon daw, hindi na natatakot sa baha. Sanay na raw. Matatag. Pero hanggang kailan namin ito gagawin? Paulit-ulit kasi. Taon-taon na lang.

Nakakasawa na ring sabihing “sanay na kami.” Ilang taon na ang lumipas, pero tuwing uulan, pare-pareho lang ang eksena: baha sa daan, trapik at kawalan ng aksiyon.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ulan ang kalaban namin. Madalas, ito’y ang katahimikan ng mga dapat kumikilos. Tuwing panahon ng eleksiyon, ang dami-dami nilang pangako. Sabi ng isang kandidato, “Sosolusyunan natin ‘yan, hindi na ulit tayo babahain.”

Ang iba naman, “Ipapalinis natin ang mga imburnal para makadaloy na ang tubig, ipapaalis natin ang mga basura para hindi na bumara, ipapayos natin ang drainage system, at may konkretong plano para dito.” 

Ilang eleksiyon na ang nagdaan, walang nangyayari. Hindi na lang tubig ang bumabaha sa amin, lunod na rin kami sa mga pangakong hindi naman natutupad.

Hindi naman ito usapin ng pagiging sanay o pagiging matatag parati. Ang kailangan namin ay pamahalaang marunong umaksiyon bago pa kami tuluyang lumubog sa baha. 

Karapatan ng bawat mamamayan ang mamuhay sa ligtas at maayos na komunidad. Hindi ito pribilehiyo na dapat hintayin pa naming ibigay sa amin ng mga nasa kapangyarihan. Ang pagiging sanay sa baha ay hindi sukatan ng katatagan, kundi patunay ng matagal na silang may pagkukulang.