Buhay ng ‘Hari ng Balagtasan’
Ipinanganak si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute na tinaguriang “Hari ng Balagtasan” noong Nob. 22, 1896 sa Sta. Cruz, Maynila.
Ipinanganak si Jose Corazon de Jesus, kilala bilang Huseng Batute, noong Nob. 22, 1896, sa Sta. Cruz, Maynila sa mag-asawang Vicente de Jesus ng Sta. Maria, Bulacan at Susana Pangilinan ng Pampanga. Tinapos niya ang edukasyon sa Liceo de Manila na kilala na ngayon bilang Manila Central University.
Madalas siyang natatabunan ng iba pang mga tanyag na manunulat sa kasaysayan, gaya ni Francisco Balagtas, na sumulat ng “Florante at Laura” na bahagi pa rin ng mga teksto sa mga paaralan. Naging malaking impluwensiya rin si Balagtas sa kanyang naging karera kaya siya binansagang “Hari ng Balagtasan.”
Mauugat ito mula sa naging duplo o debate nila ng isa pang artista at manunulat na si Florentino Collantes. Noong Abril 9, 1924, napagdesisyunan ng lupon nila na tawaging “balagtasan” ang duplo bilang pagkilala sa legasiya ni Balagtas.
Sa parehong petsa, nagtagisan ng talino ang dalawang kalahok at nagtapos ang balagtasang wagi si Huseng Batute kaya siya ginawaran ng ganitong pagkilala.
Hindi lang din rito nasusukat ang kanyang husay at naging ambag sa sining pambayan. Ginamit niya ang talas ng isip upang malikhaing kondenahin ang marahas na pananakop ng Amerika sa bansa, gaya ng alegorya niyang “Sa Dakong Silangan” noong 1928 na tampok ang naging karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng mga imperyalistang bansa sa katauhan ni Reyna Malaya, karakter sa nasabing tula.
Siya rin ang nagsulat ng titk sa awiting “Bayan Ko” na inaawit pa rin ng mga progresibong grupo sa kanilang mga pagkilos hanggang sa kasalukuyan.
Tunay na hindi matatawaran ang mahabang listahan ng mga mahuhusay na artista na nagsilbi sa ating bayan. Kabilang si Huseng Batute sa mga dapat pang bigyang pagkilala sa kanyang husay at tapang na magpahayag ng tapang sa kanyang mga akda.